Nakita sa panahon ng pandemya kung bakit importanteng mag-mask sa labas ng bahay. Ang pagsusuot nito ang nagsisilbing isa sa mga mabisang proteksyon natin laban sa COVID-19. At dahil dito, kahit napirmahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 3, na nagbibigay ng pahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng face mask sa mga outdoor setting, hindi pa rin maiiwasan ang pag-aalala ng mga Pilipino sa pagtanggal ng face mask.
Kaugnay ng karaniwang pag-aalala na ito ng mga Pilipino ay nagsagawa ng interbyu ang Hello Doctor sa isang general practitioner na si Dr. Jaeim Maranan para mabigyan kayo ng sapat na kaalaman tungkol sa pagsusuot ng face mask sa panahon ng pandemya.
Dok, bakit importanteng mag-mask sa labas ng ating mga bahay, kahit may bagong Executive Order na tayo tungkol boluntaryong pagsusuot ng face mask?
Dr Maranan: Hindi pa rin kasi nawawala ang risk na maaaring mahawa o magkaroon ng COVID-19 ang isang tao. Idagdag mo pa na hindi nawawala ang posibilidad na pwedeng makakuha ng virus ang isang indibidwal. In short pwedeng bumaba ang possibility sa pagkakahawa, pero hindi pa rin nawawala ang posibilidad.
Kapag ba may bakuna na hindi na mahahawa ng COVID-19 kaya okay lang na hindi na magsuot ng mask?
Dr Maranan: Bagamat ang bakuna ay tumutulong sa paglaban sa malalang sakit, hospitalization at pagkamatay, hindi pa rin ito nagbibigay ng 100% na proteksyon, kaya nangangailangan pa rin na gawin ang pagsusuot ng mask kasabay ng MPHS. Hindi rin lahat ng tao ay aware sa kondisyon ng kanilang sariling katawan — papaano kung immunocompromised pala talaga o mahina ang resistensya tapos hindi nagsusuot ng mask? Pwedeng mas tumaas ang tsansa nilang mahawa at magkaroon ng COVID-19, at kahit na fully vaccinated ang isang tao maaari pa rin sila magkaroon ng COVID-19.
Base sa mga naging sagot ninyo sa mga unang katanungan nakapagbigay kayo ng 3 rason kung bakit importanteng mag-mask sa labas, may mga idadagdag pa ba kayo?
Dr Maranan: Huwag dapat kalimutan na ang mask ay magbibigay ng proteksyon sa nagsusuot kaya ibig sabihin ikaw ay magbebenefit pa rin sa pagsusuot ng mask kahit na ang iba sa paligid ay hindi nakasuot nito, at syempre ang mask ay nagbibigay rin ng proteksyon sa mga nakapaligid ng nagsusuot.
Bakit ba pwedeng hindi makabuti ang hindi pagsusuot ng face mask, Dok?
Dr. Maranan: May mga tao na hindi alam na maaaring sila ay nagdadala ng virus at pwedeng makahawa ng ibang tao. May mga nagpoopositive sa COVID-19 na walang sintomas. Kahit na walang sintomas ay maaari pa ring maglipat ng virus o makahawa sa iba. Hindi rin palaging may paraan ang tao para ma-diagnose o ma-screen kung may COVID-19 nga sila, at kadalasan pa ay kung wala naman nararamdaman ay hindi naman nagpapa-screen o diagnose. Ang pagtanggal din nila ng face mask ay dahilan para mabawasan ang proteksyon sa sarili laban sa COVID-19. May mga tao kasi na nakakalimutan ang unibersal na use ng mask na nagagamit ito para mabawasan ang transmisyon ng virus sa ibang tao. Sa madaling sabi, kung may mas mataas na posibilidad na makahawa kapag hindi nakapagsusuot ng mask ay siya ring pagkakaroon ng mas mataas ang posibilidad na mahawa ng COVID-19. Saka idagdag mo pa na ang hindi pagsusuot ng face mask ay maaaring magbigay ng impresyon na hindi kabaha-bahala ang COVID-19, kasi naman naglilikha ang hindi pagsusuot ng face mask na maaari ng mas maging maluwag pagdating sa minimum public health standards (MPHS). Kaya naman pwedeng mabawasan ang compliance ng mga tao pagdating sa pagsunod ng standards na ito. At sa katunayan, ayon sa DOH noong April 14, 2022, nailathala na bumaba ang nagpa-practice ng MPHS, kaya naman kung hindi nagpa-practice ng MPHS, dagdag na ang hindi pagsuot ng mask ay may malaki na posibilidad na tumaas ang cases ng COVID-19. Dagdag pa rito, pwede ring bumababa ang tsansa na maprotektahan ng tao ang sarili laban sa iba pang sakit bukod sa COVID-19. Dahil bukod sa COVID-19, may iba pang mga nakakahawang sakit na mababawasan ang risk na mahawa kung magma-mask. Gayundin, kung may preexisting na sakit sa baga, ay baka lumala ang sintomas kung mahawaan ng COVID dahil hindi nagsusuot ng mask at nagpa-practice ng MPHS.
Mas magastos ba ang regular at madalas na pagsusuot ng face mask kaysa sa pagkuha ng treatment para sa COVID-19, lalo’t kung mild case lang naman ang status ng pasyente?
Dr Maranan: Sa totoo lang mayroon ding impact sa pinansyal na aspeto sa sarili o sa pamilya ‘yung hindi pagsusuot ng mask. Kasi may posibilidad na sa kalaunan ay maaaring mapagastos pa ng mas malaki ang isang tao sa pagpapagamot, kaysa sa pag-iwas sa virus pamamagitan ng pagsuot ng mask at pagsasagawa ng MPHS.
Bakit maaaring magdulot ng anxiety sa isang tao ang hindi pagsusuot ng face mask?
Dr Maranan: Pwedeng magdulot ng anxiety ang hindi pagsusuot ng face mask ng isang tao, at isa sa maaaring sanhi nito ay ang nakasanayan na natin itong gawin at may nabuo tayong routine dito, o maaaring nakakapag-provide ito ng sense of safety and security sa atin, or marahil dahil sa takot na mahawaan o makahawa parin tayo ng COVID-19.
Paano nakakatulong ang pagsusuot ng face mask sa pagkakaroon ng confidence ng isang tao sa kanilang paglabas sa bahay sa panahon ng pandemya?
Dr Maranan: Nakakatulong ito dahil lagay ang loob mo na may dagdag safety at proteksyon kapag ikaw ay nakasuot ng mask sa labas. Dagdag rin dito na kung ang pagsusuot ng mask ay nakagawian na ng matagal, nakakadagdag rin ng confidence at lagay ang loob kapag ginagawa lang ang usual na gawa.
Bilang isang doktor ano ang maipapayo mo sa mga taong ayaw at pagod na magsusuot ng face mask?
Dr Maranan: Maipapayo ko na mas mainam pa rin na magsuot ng face mask dahil, ang risk na magkakaroon ng COVID-19 ay hindi nawawala or nababawasan. Mas maigi na nagsusuot parin ng mask, mapa nasa outdoor or indoor setting, at lalong-lalo na kung ikaw ay immunocompromised, hindi pa fully vaccinated, at nasa edad na. Tandaan na ang pagsusuot ng mask ay hindi lamang proteksyon para sa sarili laban sa COVID-19, kundi proteksyon rin para sa ibang tao.
Bagamat mayroon na tayong Executive Order (EO) No. 3, na nagbibigay ng pahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng face mask ng mga tao sa mga outdoor setting na may magandang bentilasyon, huwag pa ring kakalimutan na dapat pa rin tayong mag-ingat para maiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19. Sapagkat hindi pa rin nawawala ang panganib na pwedeng mahawa o magkaroon ng COVID-19 ang isang tao, lalo’t may mga indibidwal na hindi nila alam na mayroon na pala silang COVID-19.
Ang hindi rin pagsusuot ng face mask ay pwedeng makapagdulot ng pagkabalisa sa isang tao, dahil maaaring mawala ang “sense of safety at security” na ibinigay ng pagsusuot ng face mask. Kaya naman may mga pagkakataon na kapag hindi nagsusuot ng face mask ang isang tao ay makaramdam siya ng pagkabalisa dahil sa takot na mahawa o magkaroon ng sakit.
Matuto pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.