Mahigit dalawang taon na rin simula no’ng ang buong mundo ay bulabugin ng SARS-CoV-2—ang virus na nagdudulot ng nakahahawang sakit na kilala natin bilang COVID-19. Ilang panahon lamang ang lumipas at agaran itong naging pandemya. Dahil dito, nagkaroon ng pandaigdigang pag-aksyon ang mga eksperto para sugpuin ang sakit na ito.
Sabay-sabay ang pagsasagawa ng mga pag-aaral at bakuna laban sa naturang sakit, upang maiwasan ang patuloy na paglaganap ng virus. Nilunsad din ang malawakang pag-aaral ng noon pa’y ginagamit na na mga gamot, sa pag-asang baka ang mga ito pala ay mabisa laban sa COVID-19. Dahil naging matagumpay ang ilan sa mga pag-aaral na ito, nailunsad at malawakang naipamahagi ang unang henerasyon ng mga bakuna laban sa COVID-19.
Ngunit hindi nagtatapos dito ang laban dahil hindi nito tuluyang nasugpo ang pagkalat ng naturang sakit. Kung kaya’t isa sa kanilang layon ay makagawa ng bagong bakuna laban sa COVID-19 na maaaring singhutin o lunukin. Alamin ang mga detalye dito.
Tulong na Dulot ng mga Bakuna Laban sa COVID-19
Hindi maikakailang malaking tagumpay ang patuloy na pagbabakuna laban sa COVID-19. Ayon sa isang pag-aaral na ginawa kamakailan lamang, ito ay nakaligtas ng humigit-kumulang 20 milyong buhay sa buong mundo sa unang taon ng pagsasagawa nito. Dagdag pa rito, nabawasan din ng tinatayang 63% ang bilang mga taong namatay sa gitna ng pandemya dulot ng naturang sakit. Bagaman maganda ang mga pangitain ng mga datos na ito, hindi ito nangangahulugan na tapos na sapagkat patuloy pa rin ang pagkalat ng virus sa buong mundo. Bukod pa rito, patuloy ang pag-usbong ng iba’t ibang variant ng SARS-CoV-2. Sa kasalukuyan, muling tumataas ang bilang ng mga nagkakaroon ng COVID-19 dahil sa mga bagong Omicron variants.
Kung kaya, patuloy na nagsusumikap ang iba’t ibang mga vaccine manufacturers upang ma-update ang unang henerasyon ng mga bakuna. Ang ibang mga siyentipiko ay gumagamit ng ibang diskarte at teknolohiya sa paggawa ng mga ito. Ilan sa mga sinimulan nila ay ang mga pag-aaral kung saan ay sa halip na mga bakunang ini-inject sa ating katawan ang gamitin, nasal sprays o di kaya ay tablet form ng bakuna ang gamitin upang makapagbigay proteksyon laban sa naturang sakit.
Ano ang Kaibahan ng Naturang Bagong Bakuna sa COVID-19?
Ayon kay Dr. Ellen Foxman, isang immunobiologist mula sa Yale School of Medicine, inaasahan nilang mapapalakas ng mga bagong bakuna sa COVID-19 ang depensa laban sa naturang sakit. Ito ay sa pamamagitan ng pagpigil umano na ma-replicate ang virus kahit nasa ilong pa lamang. Dagdag pa niya, ang paraang ito ay maaaring maging mabisa upang hindi na kumalat pa ang virus.
Aniya, kung ito ay gagana, makatutulong ito upang mabawasan, o di kaya ay tuluyang mapigilan ang pag-usbong ng mga bagong variants ng SARS-CoV-2—isang hakbang upang tuluyang makontrol ang pandemya.
Ngunit nailahad din niya na mahabang proseso pa ang kakailanganin bago ito mangyari. Mangangailangan pa ito ng malaking pondo upang mapabilis ang pagsasagawa ng naturang bakuna. Ito ay maihahambing sa kung magkano ang kinailangan upang makagawa at mailunsad ang unang henerasyon ng mga bakuna.
Kung kaya, habang wala pa ito, patuloy na pinapaalalahanan ang publiko na panatilihin ang pagsuot ng mga face masks, at sundin ang mga health protocol para sa COVID-19. Ito ang sinabi ng infectious disease expert Dr. Edsel Salvaña. Dagdag pa rito, patuloy pa ring gagamitin ang mga bakuna na sumailalim na sa masusing pag-aaral.
Sa kasalukuyan, mahigit isang dosenang nasal spray vaccines laban sa COVID-19 ang sinusuri sa buong mundo. Marami ang gumagamit ng mga bagong uri ng teknolohiyang tulad nito. Kabilang dito ang paggamit ng mga Trojan horse virus. Ito ay isang mabisa at hindi nakapipinsalang teknolohiyang likha ng tao, upang maihatid ang mga materials na kailangan upang ang katawan natin ay makagawa ng spike protein ng coronavirus. Ito ay para mai-deploy ang mRNA technology na naging matagumpay sa mga injectable vaccines.
Mga Updates Tungkol sa COVID-19 sa Pilipinas
Maliban sa diskusyon patungkol sa mga bagong bakuna sa COVID-19, patuloy pa rin ang pagbibigay ng mga unang henerasyon ng bakuna. Sa katunayan, naglabas na ng mga alintuntunin ang Department of Health (DOH) para sa paglulunsad ng pangalawang COVID-19 booster shot. Ito ay partikular para sa mga taong edad 50 pataas at sa mga mayroong comorbidities. Kailangan lang nilang magpakita ng kanilang vaccination card at valid ID upang matanggap ang pangalawang booster shot.
Mula ika-18 hanggang ika-24 ng Hulyo, nakapagtala na ang bansa ng 19,536 karagdagang kaso ng COVID-19. At may average na 2,791 na impeksyon sa isang araw. Ito ay iniuugnay ng mga awtoridad sa pagkakaroon ng:
- Mabilis na pagkalat ng mga COVID-19 variants
- Daliang pagpapakilos ng mga tao
- Paghina ng epekto ng naunang mga bakuna
Iminungkahi rin ng DOH na maaaring umabot sa humigit-kumulang 19,000 na kaso kada araw sa pagtatapos ng Agosto. Gayunpaman, iginiit ni Pangulong Bongbong Marcos na wala ng magaganap na lockdown sa kabila ng tumataas na mga kaso. Ito ang isa sa kanyang mga binanggit sa kanyang unang State of the Nation Address bilang pangulo ng Pilipinas kamakailan lamang.
Alamin ang iba pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.