Karamihan sa atin ay hindi pa rin mawari kung ano ang sakit ni Kris Aquino at bakit palagi siyang nasa ospital at tinuturukan. Ang mga tsismis at agam-agam patungkol sa tunay na karamdaman ay kanyang tinuldukan nang magbigay siya ng update nitong Lunes sa kanyang Instagram.
Ang Update ng Queen of all Media sa Kanyang Kalusugan
Ibinahagi ni Kris Aquino ang update tungkol sa kanyang kalusugan gamit ang kanyang Instagram page kung saan nagpost siya ng isang bidyo na may kalakip ding mga litrato habang siya kamakailang nagpapagamot.
“I’ve always been proud of my honesty & courage. Ginusto ko na maka lipad sana ng tahimik pero utang ko po sa mga nag darasal na gumanda ang aking kalusugan ang mag THANK YOU & to tell the TRUTH,” ani niya sa kanyang Instagram caption.
“‘Yung chismis na na-confine ako, na nasa ICU ako at nag-aagaw buhay, masyado kayong advance. Para klaro sa lahat, and dahil gusto niyong patayin na ako, well, I am not yet dead, I am going to fight to stay alive,” wika niya sa kanya walong minutong bidyo.
Ano ang Sakit ni Kris Aquino?
1. Chronic Spontaneous Urticaria
Ang kanyang post ay nagmistulang kasagutan din para sa mga taong nagtatanong pa rin kung ano ang sakit ni Kris Aquino. Bagamat wala siya sa ICU, ibinunyag niya na simula noong katapusan ng Abril ay napagalaman nila na “life-threatening” ang kanyang sakit.
Isa sa tatlong nakumpirmang autoimmune conditions ng TV personality ay ang spontaneous urticaria.
Ang chronic spontaneous urticaria (CSU) ay ang medical term para sa mga pantal na tumatagal ng anim na linggo o higit pa, lumalabas itong madalas sa balat mga tatlo hanggang apat na beses sa bawat linggo. Walang tiyak na dahilan o trigger kung bakit nagkakaroon ang isang tao nito.
Ang CSU ay mas nailalarawan din buhat ng pagkakaroon ng weals at angioedema. Ang weals ay maaaring makaapekto sa anumang parte ng katawan na maaaring malawak na masakop.
Ilan sa mga pasyenteng na-diagnose ng kondisyong ito ay nakararanas din ng ilang mga sintomas tulad ng mga sumusunod:
- Sakit ng ulo at pagkapagod
- Pananakit at pamamaga ng kasukasuan
- Wheezing, pamumula, at palpitations
- Mga sintomas kaugnay ang gastrointestinal tract
2. Autoimmune Thyroiditis
Ang autoimmune thyroiditis ay kilala rin sa tawag na Hashimoto’s disease o chronic lymphocyctic thyroiditis.
Ang thyroid gland ay gumagawa ng mga hormone na kumokontrol sa halos lahat ng metabolic function ng katawan (kung paano ginagawang enerhiya ng katawan ang pagkain) at pinapanatili itong gumagana nang normal. Hindi kinikilala ng immune system ang thyroid kung kaya inaatake ito.
Mabagal ang progreso ng Hashimoto’s disease sa sa paglipas ng mga taon. Maaaring hindi mo mapansin ang mga senyales at sintomas ng nasabing kondisyon. Nguni’t, sa kalaunan, ang pagbaba sa produksyon ng thyroid hormone ay maaaring magresulta sa alinman sa mga sumusunod:
- Pagkapagod at katamaran
- Pagtaas ng sensitivity sa lamig
- Lalong pagkaantok
- Pagkatuyo ng balat
- Constipation
- Paghina ng mga muscles
- Pananakit ng mga muscles, paglambot at paninigas
- Pananakit at paninigas ng kasukasuan
- Hindi regular o labis na pagreregla
- Depression
- Mga problema sa memorya o konsentrasyon
- Pamamaga ng thyroid (goiter)
- Pagpungay ng mukha
- Malutong na mga kuko
- Pagkalagas ng buhok
- Paglaki ng dila
3. Stage 3 Churg Strauss Syndrome
Ang Churg Strauss syndrome ay isang karamdaman na nagdudulot ng pamamaga ng daluyan ng dugo. Ito ay nagreresulta sa paghihigpit sa daloy ng dugo, na maaaring magdulot ng pinsala sa mga organs sa buong katawan kung hindi ginagamot. Ang kondisyong ito ay kilala rin bilang eosinophilic granulomatosis na may polyangiitis (EGPA). Ayon sa American Lung Association, ang EGPA ay isang napakabihirang uri ng vasculitis.
Maaaring mangyari ang kondisyon sa tatlong stages at unti-unti itong lumalala. Halos lahat ng kaso ng Churg Strauss syndrome ay nakararanas ng hika, chronic sinusitis, at eosinophils (mataas na bilang ng mga white blood cell).
Ang iba pang posibleng senyales at sintomas ng kondisyon ay ang mga sumusunod:
- Pagkawala ng gana kumain at pagbaba ng timbang
- Pananakit ng kasukasuan at mga muscle
- Pananakit ng tiyan at gastrointestinal bleeding
- Panghihina, pagkapagod o pangkalahatang masamang pakiramdam
- Mga pantal o sugat sa balat
- Sakit, pamamanhid, at pangingilig sa iyong mga kamay at paa
Sa kasamaang palad, walang lunas ang naturang sakit. Maaari lang itong kontrolin sa pamamagitan ng mga steroids at iba pang malakas na immunosuppresant drugs.
Bakit Kailangan Niyang Lumipad sa Amerika?
Ayon kay Kris, nagaalala ang kanyang mga doktor dito at sa Amerika sa possibleng organ damage sa kanyang puso at kanyang mga baga. Ito ang dahilan kung bakit ginagawa nila ang abot ng kanilang makakaya upang makarating siya sa Houston. Dagdag pa niya, ang mga gamot na ipnagkaloob sa kanya ng Diyos ay walang FDA approval dito o sa Singapore at isasabay na raw ang pag-infuse ng chemotherapy bilang kanyang immunosuppressant. Ito ay dahil allergic siya sa lahat ng steroids.
Ipinakita rin ni Kris sa kanyang bidyo ang mga tahi sa kanyang braso na ayon sa kanya ay sobrang sakit, ngunit idiniin na hindi siya nagrereklamo at masaya siya ay nabubuhay pa.
Tinapos ni Kris ang kanyang post sa pamamagitan ng paghingi sa publiko na huwag na ilabas ng masasakit na komento sa kanyang mga social media accounts. Ito ay hindi para sa kanya, kundi para sa kanyang mga anak na si Josh at Bimby.
“Hindi nyo po ako kailangan gustuhin para magpakatao… please don’t punish kuya & bimb for being my sons. Hindi po masama ang maglakas ng loob at magsabi ng sobrang bigat na katotohanan.”
Aalis na sana si Kris papuntang abroad noong mga unang araw ng Mayo, pero hindi siya na-clear ng kanyang mga doktor dahil sa kanyang high blood pressure. Nabanggit din niya na sila ay aalis sa Mayo 19, at idinagdag na aabutin ng hindi bababa sa dalawang taon bago nila malaman kung magiging epektibo ang kanyang paggamot sa kanya.
Alamin ang iba pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.
Larawan mula sa Instagram