Marami sa atin ang alam ang benepisyong hatid ng tubig sa’ting kalusugan. Gayunpaman, hindi lahat ay may sapat na kaalaman sa kung paano maaaring makasama sa tao ang sobrang pag-inom ng tubig o hyponatremia. Ano ang hyponatremia?
Halos 50 taon pagkatapos ng kamatayan ng martial art master na si Bruce Lee ay nagkaroon ng isang bagong pag-aaral na nagmumungkahi ng tunay na dahilan ng biglaang pagpanaw ng movie star. Ayon sa pananaliksik ang sobrang pag-inom ng tubig ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ang movie star na si Bruce Lee ay namatay sa Hong Kong noong Hulyo 1973, kung saan ang kanyang pamamaga ng utak ang naging “cause of death” niya. Gayunpaman, batay sa isang pag-aaral na inilathala sa December issue ng Clinical Kidney Journal, sinasabi na si Bruce Lee ay umiinom ng mas maraming tubig kumpara sa kayang i-handle ng katawan ng tao.
Kaugnay nito, lumalabas na ang tunay na sanhi ng kamatayan ng martial art master ay hyponatraemia. Pero ano ang hyponatremia? Alamin sa artikulong ito.
Ano ang hyponatremia?
Ayon sa mga pag-aaral ang sobrang pag-inom ng tubig ng tao ay maaaring humantong sa “water intoxication“. Maaaring maging dahilan ang water intoxication ng pamamaga ng utak at kamatayan. Ang ilan sa mga sintomas ng water intoxication ay ang mga sumusunod:
- Pagkalito o confusion
- Disorientation
- Pagduduwal
- Pagsusuka
Kilala rin ang water intoxication bilang “water poisoning”, at ang pagkakaroon ng sobrang dami ng tubig sa katawan ay maaaring magpataas ng dami ng tubig sa dugo. Maaari nitong palabnawin ang mga electrolyte, lalo na ang sodium, sa dugo.
Mahalaga ang sodium dahil napapanatili nito na balanse ng mga likido sa loob at labas ng mga cell ng tao. Kapag bumababa ang mga antas ng sodium dahil sa labis na pagkonsumo ng tubig, ang mga likido ay naglalakbay mula sa labas patungo sa loob ng cells at nagiging sanhi ng pamamaga ng mga ito.
Batay sa mga pag-aaral kapag ang sodium level ay naging mas mababa sa 135 millimoles kada litro (mmol/l), tinutukoy ito ng mga doktor bilang hyponatremia.
Sa madaling sabi, nagaganap ang hyponatremia kapag ang dami ng tubig sa katawan ng isang tao ay nagiging sanhi ng kabawasan ng sodium levels sa dugo ng tao na pumipigil sa paglabas ng tubig sa pamamagitan ng pag-ihi.