Halos isang linggo na ang nakalipas nang gunitain ang World Cancer Day 2025. Sa isang pagtitipon na ginanap sa Quezon City, nagsama-sama ang ilang mga grupo pati na rin ang mga health workers ng gobyerno upang isulong ang iisang mensahe: ACT NOW.
Ating alamin ang naging mga kaganapan noong araw na ito, at kung anu-ano ang mga isinusulong na programa upang labanan ang cancer.

ACT NOW – World Cancer Day 2025
Ang programa na “ACT NOW: 30-day screening to treatment” ay inilunsad ng Philippine Cancer Society pati na rin ng gobyerno ng Quezon City. Layunin nitong magbigay-kaalaman sa mga mamamayan tungkol sa halaga ng maagang screening at treatment ng cancer. Dumalo dito ang mga miyembro ng ilang organisasyon, kabilang na ang Philippine Cancer Society, Philippine Society of Oncologists, Philippine Society of Medical Oncology, Quezon City Health Department, at ang LGU ng Quezon City.
Isa sa mga dahilan kung bakit ginanap ang komemorasyon ng World Cancer Day 2025 sa Quezon City ay dahil isa ito sa mga siyudad na itinaguriang “model city” pagdating sa pakikipaglaban sa cancer. Ito ay dahil mayroon silang programa para sa pap smear, prostate cancer screening, at sila rin ang unang siyudad na nagpasa ng Integrated Cancer Control Ordinance. Bukod dito, isa ring advocate ng cancer awareness ang mayor ng Quezon City na si Joy Belmonte. Sa kaniyang talumpati, kaniyang itinulak ang halaga ng pagpapa-check up at regular screening pagdating sa pakikipaglaban sa cancer.

Bakit mahalaga ang maagang screening?
Isa sa mga isinusulong ng mga organisasyong naging bahagi ng World Cancer Day 2025 ay ang maagang screening. Ayon sa iba’t-ibang mga speakers, malaki ang naitutulong ng maagang screening dahil kung agad na ma-detect ang cancer at maaga itong magamot, malaki ang posibilidad na gumaling ang pasyente. Ito rin ang dahilan para sa tema ng pagtitipon na ACT NOW, dahil nais nilang malaman ng mga mamamayan na basta’t maagapan ang cancer, malaki ang posibilidad na ito ay magamot at gumaling ang pasyente mula sa sakit na ito.
Cancer assistance fund at tulong pinansyal sa mga pasyente
Hindi biro ang gastusin ng mga taong mayroong sakit na cancer. Kaya naging mahalagang usapin rin sa pagtitipon ang pagkakaroon ng cancer assistance fund at ng iba pang paraan upang makakuha ng tulong pinansyal ang mga pasyenteng nangangailangan.
Ang Cancer Assistance Fund ay isang programang naglalayong suportahan at bigyan ng tulong pinansyal ang mga nangangailangan nito. Kinakailangan lang na rehistrado ang isang pasyente sa ospital na mayroong Cancer Assistance Fund, at maaaring dumulog sa social services center ng mga ospital na may ganitong serbisyo upang makakuha ng tulong. Maaari ring lumapit sa mga Malasakit Center ang mga pasyente upang humingi ng impormasyon sa pag-apply sa serbisyong ito.
Bukod dito, maaari ring dumulong sa ibang mga ahensya tulad ng PCSO, Senate of the Philippines, House of Representatives, at iba pa.