Isa ka bang coffee lover? Kape sa umaga, tanghali, hapon, gabi, at madaling-araw. Kung “oo” maaaring nakaranas ka ng pagfla-flutter at hindi regular na pagtibok ng puso na sanhi ng iyong discomfort at pag-aalala. Ang mabilis at iregular na pagtibok ng puso ay maaaring iugnay sa pagkakaroon ng palpitation. Maaaring maging nakakatakot ang kondsiyon na ito para sa’yo, lalo na kung hindi mo alam ang mga sintomas ng palpitation na pwedeng humantong sa mga medikal na komplikasyon.
Basahin ang artikulong ito para malaman ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa palpitation.
Ano ang palpitation?
Tumutukoy ang palpitation sa hindi regular na pagtibok ng puso, kung saan pwede mong maranasan ang mabilis na pagtibok ng iyong puso.
Ayon pa sa mga doktor ang palpitation ay karaniwang sintomas ng pagkakaroon ng isang indibidwal ng heart rhythm disorder o hyperthyroidism.
Maaaring maranasan ng isang tao ang palpitation dahil sa pagsasagawa niya ng physical exertion, at pagkakaroon ng iba’t ibang emosyon tulad ng galit, takot, at pag-aalinlangan.
Anu-ano ang maaring dahilan ng palpitations?
Normal lang ang palpitation sa isang tao kung madalang lamang siya magkaroon nito — o sa maikling panahon lamang siya inaatake nito. Gayunpaman para maiwasan din ang paglubha ng iyong palpitation, narito ang ilan sa mga posibleng dahilan ng pagkakaroon mo ng sintomas ng palpitation:
- Pagkakaroon mo ng panic at anxiety attack
- Pagiging buntis
- Allergy sa pagkain
- Pag-take ng ilang uri ng gamot tulad ng mga medication sa hika
- Pagkakaroon mo ng hyperthyroidism
- Pagkakaroon ng emotional triggers
- Pag-inom ng sobrang kape
- Pagkabalisa
- Stress
- Pagkakaroon ng iba pang medikal na kondisyon gaya ng sakit sa puso
- Pagtataglay ng circulatory system problem tulad ng altapresyon
- Pagiging mahina ng heart muscles
Tandaan mo rin na kapag ang palpitation ay naging madalas maaaring senyales na ito ng pagkakaroon ng mas malalang medikal na problema sa kalusugan na kailangan matugunan. Ipinapayo ang pagpapakonsulta sa doktor para sa paghingi ng medikal na atensyon at diagnosis.
Anu-ano ang sintomas ng palpitation?
Bukod sa mabilis at iregular na pagtibok ng puso, narito pa ang ilang sintomas ng palpitation na dapat mong malaman:
- Pananakit ng dibdib
- Pagkakaroon ng anumang discomfort sa’yong dibdib
- Nakakaramdam ka ng panghihina at pagkapagod
- Nakakaranas ka ng sobrang pagkahilo
- Kinakapos ka nang matindi sa paghinga
- Pamumutla
- Paninikip ng paghinga
Sa oras na ang iyong palpitation ay sinamahan ng mga sintomas na nabanggit, magpakonsulta agad sa doktor.
Anu-ano ang mga test na gagawin sa’yo kapag nagpatingin ka sa doktor dahil sa palpitation?
Kagaya ng nabanggit sa oras na maranasan ang mga malulubhang sintomas ng palpitation, dapat ka ng magpakonsulta sa doktor para maisagawa ang mga sumusunod na test para matukoy ang iyong totoong kondisyon:
- Physical examination
- Diagnostic test tulad ng electrocardiography (ECG)
- Exercise tolerance test
- X-ray tests
- Echocardiography
- Magnetic resonance imaging
- Coronary angiography
- Cardiac catheterization
Anu-ano ang paraan para maiwasan ang palpitation?
Mahalaga na alam natin kung paano maaaring iwasan ang palpitation para mas mapangalagaan natin ang kalusugan ng ating puso.
Narito ang mga sumusunod na paraan na pwede mong subukan:
- Paghinto sa paninigarilyo
- Pagbawas ng pag-inom ng alak o pagtigil nang tuluyan sa pagkonsumo nito
- Pag-inom ng angkop na dami ng tubig
- Pagtiyak na hindi ka nalilipasan ng gutom
- Pagtulog nang may sapat na oras at haba
- Pagsasagawa deep breathing exercises
- Paghihilamos ng malamig na tubig
- Pag-obserba sa mga side effect ng iniinom na gamot at diet pills
- Pagkain ng mga sariwa at maberdeng gulay
- Pagkonsumo ng pagkain na mayaman sa magnesium
Key Takeaways
Ang pag-alam sa mga sintomas ng palpitation ay isang mahusay na hakbang para maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon. Dagdag pa rito, ang pagpapakonsulta sa doktor ay makakatulong din para matukoy ang mga sakit na pwedeng may kaugnayan sa iyong palpitation.
Huwag mo ring kakalimutan na ang pagkakaroon ng healthy diet at lifestyle ay may malaking ambag para manatiling malusog ang iyong puso.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan sa Puso dito.