Ang sakit sa puso ay kilala bilang pangunahing sanhi ng kamatayan sa buong mundo. Ayon sa World Health Organization, ang cardiovascular diseases (CDVs) ay ang sanhi ng tinatayang 17.9 milyong buhay kada taon. Alamin natin ang mga mahahalaga at kawili-wiling mga kaalaman tungkol sa sakit sa puso.
Mga Kaalaman Tungkol Sa Sakit Sa Puso
Ayon sa WHO, 4 sa bawat 5 kamatayan ay dahil sa atake sa puso at strokes. Hindi rin nakagugulat malamang sa iba’t ibang panig ng mundo, ang one-third ng bawat maagang pagkamatay ng mga taong nasa edad 70 ay sanhi ng mga sakit sa puso.
1. Ang sakit sa puso ay multi-faceted
Hindi lamang iisa ang uri ng sakit sa puso. Ito ay nakakategorya sa iba’t ibang uri depende sa kung paano nito naaapektuhan ang puso.
Ang mga kategorya nito ay ang mga sumusunod:
- Coronary heart disease (atake sa puso)
- Hypertension (altapresyon)
- Cerebrovascular disease (stroke)
- Arrhythmia (abnormal na pagtibok ng puso)
- Congenital heart disease (problema nada-diagnose pagkapanganak)
- Cardiomyopathy (paninigas o panghihina ng muscles ng puso)
- Coronary artery disease (namumuong plaque sa arteries); Atherosclerosis (paninigas ng wall ng artery); at
- Mga impeksyon (sanhi ng viruses, bakterya, o parasites)
2. Ang pagnguya ng aspirin ay may nakagiginhawang epekto sa tuwing inaatake sa puso
Maaaring makatulong sa pagkontrol ng mga pinsala mula sa cardiac arrest ang pagnguya ng 325 milligram na aspirin. Ang pagnguya ng aspirin ay mas epektibo epektibo kaysa sa paglunok nito kasabay ng tubig o anumang fluid.
Tandaan ang payo na ito kung nakararanas ng atake sa puso at kung naghihintay sa pagdating ng ambulansya upang madala ka sa hospital. Kadalasang nangyayari ang atake sa puso bilang resulta ng pamumuo ng dugo matapos masira ang plaque. Ang aspirin ay naglalaman ng mga kemikal na sangkap na tumutunaw sa namuong dugo, at pinagiginhawa ang mga sakit na karaniwan sa cardiac attacks.
3. Ang depresyon ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon sakit sa puso
Isa sa mga pinakamahalagang kaalaman tungkol sa sakit sa puso na dapat mong malaman ay ang pagkabalisa at depresyon ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng medikal na kondisyon sa puso. At ito naman ang nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng depresyon.
Maaaring itong lumubha sa mga taong may sakit sa puso na nakararanas na ng depresyon o iba pang kaugnay na sakit noon. Ito ay hindi natatapos, kung saan ang isang sakit ay maaaring humantong sa iba pang kondisyon at pareho lumubha ang mga ito.
Hindi lamang ito, ang pagkakaroon ng depresyon ay nakapagpapataas ng tyansa ng cardiac arrest. Ito ay dahil ang depresyon ay maaaring maging sanhi hindi mabubuting kilos o pag-uugali tulad ng pag-inom ng alak. Ito ay maaaring magkaroon ng malubhang epekto sa maayos na paggana ng puso.
Ang mga epektong ito ay mas nakikita kung kulang sa malusog na diet, regular na ehersisyo, at balanseng pamumuhay, na kadalasang hindi nagagawa ng mga taong may depresyon.
4. Mas maraming kababaihan ang namamatay sa sakit sa puso kaysa sa kalalakihan
Isa pa sa maraming kaalaman tungkol sa sakit sa puso na kailangan mong malaman ay pareho lamang madaling magkaroon ng sakit sa puso ang mga kababaihan at kalalakihan. Gayunpaman, naitala na mas maraming kababaihan ang mga namamatay kaysa sa mga kalalakihan dahil sa atake sa puso simula noong 1984. Ang mga sintomas na nararanasan ng mga kababaihang nalalapit na makaranas ng atake sa puso ay ang mga sumusunod:
- Pananakit sa taas na bahagi ng katawan tulad ng leeg, braso, likod, at itaas na bahagi ng tiyan
- Kakapusan ng paghinga
- Pananakit ng dibdib o hindi komportableng pakiraamdam
- Pagkahilo
- Malalamig na pawis
- Pagduduwal
Bukod sa mga nabanggit na sintomas, ang ilang mga senyales ay mas nakikita sa mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan. Kabilang sa mga ito ang pagduduwal at pagsusuka, kakapusan ng paghinga, pananakit ng panga, at pananakit ng likod.
5. Tuwing Lunes at malamig na panahon tumataas ang kaso ng cardiac arrests
Ito ang isa sa kawili-wiling kaalaman tungkol sa sakit sa puso. Ayon sa isang pag-aaral na inilathala noong 2010 sa dyornal na Circulation Research, ang mga insidente ng atake sa puso ay madalas na mangyari tuwing Lunes kumpara sa ibang araw ng linggo. Mayroon din na ilan pang mga pag-aaral na sumusuporta sa resulta ng pananaliksik na ito. Natuklasan ding tumataas ang mga kaso ng cardiac arrest tuwing taglamig at taglagas kumpara sa iba pang mga panahon ng taon.
Gayundin, ang mga taong may sakit sa puso ay karaniwang nakararanas ng cardiac arrest sa umaga. Sila ay madaling makaranas nito sa kalagitnaan ng yugto ng pagtulog at paggising dahil sa internal body clock na tinatawag na circadian rhythm.
6. Ang angina ay maaaring senyales ng nalalapit na atake sa puso
Ang angina o pananakit ng dibdib ay maaaring mapagkamalang atake sa puso. Gayunpaman, ang pananakit na nararanasan sanhi ng angina ay hindi kasing lubha ng sakit na kaugnay ng cardiac arrest ngunit bahagyang may pagkakapareho at nangyayari dahil sa parehong kadahilanan. Ang mga ito ay parehong resulta ng ugat, na nagsusuplay ng dugo sa puso, bahagya o ganap na naharangan ng naipong fats. Dahil dito, hindi nakatatanggap ng oxygen ang puso na mahalaga sa pag-pump ng dugo na dumadaloy sa buong katawan.
Gayunpaman, may mga tiyak na pagkakaiba ang angina at sakit na nararanasan bago ang atake sa puso, at ang kaalamang ito tungkol sa sakit sa puso ang tiyak na makapagsasabi.
Nawawala ang angina sa loob ng 10 minuto. Maaari ding mangyari ang angina sa kalagitnaan ng pag-eehersisyo at mawala kung nagpapahinga o uminom ng tiyak na gamot. Karaniwang iminumungkahi na komunsulta sa doktor kung nakararamdam ng anomang pananakit ng dibdib upang maalis ang posibilidad ng cardiac arrest at agad na magamot ang pananakit.
Hindi lpa rito nagtatapos. Narito pa ang ilang mga kaalaman tungkol sa sakit sa puso.
7. Maaaring maging sanhi ng sakit sa puso ang hindi mabuting oral hygiene
Dagdag pa sa maraming kawili-wiling kaalaman sa tungkol sa sakit sa puso ay ang bagay na ito. Ang mga taong may hindi mabuting oral hygiene ay may mas mataas na tyansang magkaroon ng baradong arteries o atherosclerosis. Ito ay dahil sa bakterya na lumalaki sa ngipin at gilagid sanhi ng hindi mabuting oral hygiene na maaari ding kumalat sa daluyan ng dugo at makaapekto sa pamumuo nito.
May epekto ang ating bawat kilos. Ang hindi pagpansin sa mga tila hindi mahahalagang gawain tulad ng regular na oral care ay maaaring maging sanhi ng malubhang sakit sa puso na ang tanging lunas ay isang malaking operasyon tulad ng heart transplant. Matapos ang operasyon, kakailanganing sundin ang limitadong paraan ng pamumuhay na may pag-iingat sa diet at aktibong pamumuhay.
Kakailanganin ding uminom ng mga immunosuppressive na gamot buong buhay upang maiwasan ang problema sa bagong organ sa katawan.
8. Malaking bilang ng cardiac attacks ang hindi nasuri ng doktor
Hindi lahat ng tao ay nakapapansing nakararanas na sila ng atake sa puso. Sa ganitong mga kaso, nada-diagnose ito ng doktor matapos sumailalim ng pasyente sa routine ECG.
Ang mga taong may hindi malusog na paraan ng pamumuhay tulad ng paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak ay may mas mataas na tyansang makaranas ng atake sa puso at iba pang mga malulubhang kondisyon sa puso. Ang paggamit ng mga iniinom na contraceptives ay nakapagpapataas din ng tyansa ng cardiac arrest at stroke.
Sinubukan naming ilagay sa artikulong ito ang lahat ng mahalagang kaalaman tungkol sa sakit sa puso. Ipagbigay-alam sa amin kung may nakalimutan kaming ilagay na impormasyon sa pamamagitan ng pag-comment sa ibaba.
Matuto pa tungkol sa Sakit sa Puso rito.