Kung may magsabi sa iyong nakamamatay ang pagkasawi o pagiging broken-hearted, maaaring gustuhin mong maniwala sa kanya. Ito ay dahil napatunayan ng agham na ang broken heart syndrome ay totoo. Ngunit ano ito? Paano mo matutukoy ang mga sintomas ng broken heart syndrome? Nakamamatay ba ang pagkasawi o broken heart syndrome?
Ano ang Takotsubo o Stress Cardiomyopathy?
Ang salitang Takotsubo cardiomyopathy ay nagmula sa salitang Hapon na “Takotsubo”. Isa itong uri ng panghuli na hugis paso na ginawa upang bumitag ng pugita.
Sa sakit na ito, ang kaliwang ventricle, na pangunahing pumping chamber ng puso, ay lumalaki (apical ballooning). Sa huli, ito ay parang nagiging hugis paso. Dahil sa pagbabagong ito, humihina ang kakayahan ng kaliwang ventricle na mag-pump ng dugo sa buong katawan.
Ngunit bakit ito tinawag na “broken heart” syndrome? Nakamamatay ba ang pagkasawi?
Paano nagkakaroon ng Broken Heart Syndrome?
Batay sa mga pag-aaral, ang malubhang pisikal at emosyonal na stress ay nakapagpapahina ng puso.
Ang kaliwang ventricle ay humihina dahil sa mga nakababahalang pangyayari tulad ng mga kalamidad, pagkawala ng mahal sa buhay, at malubhang aksidente. Dahil dito, maaaring madebelop ang stress cardiomyopathy o Takotsubo cardiomyopathy.
Bukod sa mga nasabing pangyayari, narito pa ang ilang dahilan ng stress na maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng sintomas ng broken heart syndrome:
Pisikal na dahilan ng stress:
- Pag-atake ng astma
- Matinding pagkirot
- Malubhang operasyon
- Mga medikal na pamamaraan, tulad ng cardiac stress test
- Biglang pagbaba ng presyon ng dugo
- Emosyonal na dahilan ng stress:
- Matinding takot
- Pagsasalita sa harap ng maraming tao
- Kawalang ng pera
- Seryosong argumento
- Hindi inaasahang pagkawala, pagkakasakit, o pagkaaksidente ng mahal sa buhay
- Masamang balita
Sa kabila ng pagkakaroon ng listahan ng mga sanhi ng sintomas ng broken heart syndrome, kailangan pa rin ang maraming pag-aaral upang matukoy ang tiyak na detalye ng sakit.
Sa ngayon, naniniwala ang mga eksperto na ang pagdami ng stress hormones, tulad ng adrenaline, ay may negatibong epekto sa puso. Maaari itong maging dahilan ng pagbabago sa cells ng puso o sa ugat na daluyan ng dugo, o kaya naman ay sa dalawa.
Dagdag pa, mahalagang tandaan na hindi lamang ito ang mga partikular na dahilan ng stress. May iba pang maaari maging sanhi sa pagdebelop ng Broken Heart Syndrome.
Sa huli, ang iba pang dahilan ng stress ay kombinasyon ng pisikal at emosyonal na mga pangyayari. Kabilang dito ang pang-aabuso sa tahanan at aksidente sa sasakyan. Ibig sabihin, kung ang isang pangyayari ay “nakasasawi ng iyong puso”, maaari itong magresulta ng stress-induced cardiomyopathy o broken heart syndrome.
Ano ang mga Sintomas ng pagiging sawi o ng Broken Heart Syndrome?
Mahalagang malaman na ang mga sintomas ng broken heart syndrome ay bahagyang may pagkakatulad sa mga senyales ng atake sa puso. Ang mga sumusunod ang mga pangunahing sintomas:
Pananakit ng Dibdib
Ang mga taong may broken heart syndrome ay madalas na nakararanas ng pananakit ng dibdib o angina.
Sa katunayan, ito ay pinakakaraniwang sintomas. Ayon sa mga ulat, ang pananakit ng dibdib sa Takotsubo cardiomyopathy ay inilalarawan bilang “biglaan at matindi”, tulad ng nararanasan ng taong inaatake sa puso.
Kakapusan sa Paghinga
Isa rin sa mga sintomas ng broken heart syndrome ay ang kakapusan o kahirapan sa paghinga. Maaari itong sabayan ng pagpapawis, pagduwal, pagsusuka, at mabilis na pagtibok ng puso. Ang mabilis na pagtibok ng puso ay parang pagkabog, pagsikdo, at paglaktaw ng tibok.
Pagkahimatay
Tulad ng nangyayari kapag inaatake sa puso, ang taong may broken heart syndrome ay maaari ding makaranas ng pagkawala ng malay o pagkahimatay. Bago ito, pwede silang mahilo o manghina.
Ano ang pagkakaiba ng Atake sa Puso at ng Broken Heart Syndrome?
Dahil ang sintomas ng broken heart syndrome ay lubhang katulad ng mga senyales ng atake sa puso, hindi matutukoy kung ano ang pinagkaiba. Malalaman lamang ito sa pagsasagawa ng doktor ng mga karagdagang test.
Ang mga kabilang na test ay ang mga sumusunod:
- Angiogram. Ang angiogram ay isang imaging test upang makita ang loob ng ugat na daluyan ng dugo. Kung ang resulta ng angiogram ng isang tao ay nagpapakita na walang harang sa coronary arteries, maaari silang makahinga nang mas madali.
- Pagsusuri sa cardiac biomarkers. Ang Cardiac biomarkers ay mga bagay na makikita sa dugo kung may problema sa puso. Ang biomarkers ng mga taong nagdurusa sa atake sa puso ay nangangailangan ng mas mahabang panahon upang dumami, subalit mas mataas ang peak. Sa stress-induced cardiomyopathy, mayroon lamang “mabilis at maliit na pagdami” ng biomarkers.
- Echocardiogram. Ang echocardiogram ay isa ring imaging test para sa isang taong may broken heart syndrome. Sa pamamagitan nito, makikita ang apical ballooning. Sa madaling salita, makikita na ang kaliwang ventricle ay kasinghugis ng pasong pambitag ng pugita.
Kung pagbabatayan lamang ang mga sintomas, mahirap matukoy kung ang isang tao ay nagdurusa sa broken heart syndrome o atake sa puso. Kailangang magpatingin agad sa doktor kung nakararanas ng pananakit ng dibdib, kakapusan sa paghinga, at pagkahimatay.
Maaari bang mapigilan ang pagkasawi o Broken Heart Syndrome?
Sa katunayan, walang tiyak na paraan upang mapigilan ang broken heart syndrome. Ngunit maaari pa ring subukan ang mga sumusunod.
Alamin at Kontrolin ang Stress
Sa kabila ng kakulangan sa mga siyentipikong pag-aaral, binigyang-tuon ng mga eksperto ang kahalagahan ng pagkontrol sa stress. Ito ay dahil ang mga nakababahalang pangyayari ay madalas na nagiging dahilan ng sakit.
Bukod sa paggawa ng mga gawaing nakapagpapababa ng stress, tulad ng mga gawaing nakarerelaks, maaari ding subukang alamin ang mga sintomas ng stress. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng kahandaan na kontrolin ito.
Alamin kung Ikaw ay nasa Panganib
Makatutulong din ang pag-alam kung ang isang tao ay nasa panganib na madebelop ang mga sintomas ng broken heart syndrome. Batay sa mga ulat, 8 hanggang 9 na beses na mas nakakaranas ang mga kababaihan ng sakit na ito kumpara sa mga kalalakihan.
Mas nagiging mapanganib ito pagkatapos makaranas ng babae ng menopause. Kaya, karamihan sa mga pasyenteng may broken heart syndrome ay mga kababaihang nasa edad 60.
Dahil sa pagbabago sa hormones, ang mga babaeng tapos ng makaranas ng menopause ay bumababa ang lebel ng estrogen, kumpara sa mga mas batang kababaihan. Mahalaga ang ideyang ito dahil ang estrogen ay maaaring magbigay-proteksyon sa puso laban sa stress hormones.
At huli, bagama’t mas nasa panganib ang mga babaeng tapos ng makaranas ng menopause, ang mga kalalakihan at mga batang kababaihan ay maaari ding magdusa mula sa broken heart syndrome.
Gamutan
Kung ikaw ay nakararanas na ng broken heart syndrome, maaaring irekomenda ng doktor ang mga pangmatagalang lunas tulad ng gamot. Ang mga gamot ay maaaring beta-blockers o anomang katulad nito upang protektahan ang puso mula sa panganib ng stress hormones.
Nakamamatay ba ang pagkasawi o Broken Heart?
Ang kalamnan ng puso ay maaaring maghilom sa loob ng 2 hanggang 4 na linggo. At karamihan sa mga pasyente ay ganap na gumagaling sa loob ng dalawang buwan. Habang nagpapagaling, maaaring kailanganin ang regular na pagpapatingin sa doktor at pagsasagawa ng imaging tests upang makita ang kalagayan ng iyong puso.
Nakamamatay ba ang pagkasawi o Broken Heart syndrome? Sa mga madadalang na kaso, nakamamatay ang sakit na ito. Maaari din itong magresulta sa iba’t ibang komplikasyon. Kabilang dito ang mababang presyon ng dugo, panghihina ng puso, at pagkakaroon ng tubig sa baga. Laging alamin ang mga sintomas ng broken heart syndrome at sabihin agad ito sa iyong doktor.
Mga Mahahalagang Punto
Ang mga babaeng tapos ng makaranas ng menopause ay karaniwang nagkakaroon ng broken heart syndrome. Subalit maaari din nitong magkaroon ang mga kalalakihan at mga batang kababaihan. Bagama’t nakababahala ang mga sintomas nito, ang tyansa ng paggaling ay medyo mataas.
Gayunpaman, dahil mahirap matukoy kung ang isang tao ay nagdurusa sa Takotsubo cardiomyopathy o atake sa puso, mahalagang magpasuri sa doktor kung nakararanas ng pananakit ng dibdib, kakapusan sa paghinga, at pagkahimatay.














