Bilang isang magulang, ano ang gagawin mo kapag nalaman mong nasa kanan ang puso ng iyong anak o mahal sa buhay? Gagawa ka ba ng mga hakbang para alamin ang mga bagay tungkol sa kondisyong ito o hahayaan lamang na nasa kanan ang kanilang puso? Malamang ang magiging sagot sa mga katanungang ito ay hindi mo papabayaan basta ang sinumang kapamilya mo na may ganitong kalagayan. Pwede mo ring maisip na hindi normal ang kondisyong ito dahil karaniwang nasa kaliwa ang puso ng tao. Subalit ang totoo, posibleng maganap ito sa isang indibidwal at tinatawag na “dextrocardia” ang health condition na ito sa puso.
Ang Dextrocardia ay isang rare congenital medical condition. Kung saan ang puso ay nakaposisyon patungo sa kanang bahagi ng dibdib. Bagama’t ang kondisyong ito ay hindi banta sa buhay, madalas itong nangyayari kasabay ng mas matinding komplikasyon, tulad ng mga organ disorder sa tiyan at mga depekto sa puso.
Nasa kanan ang puso: Ano ang Dextrocardia?
Kapag ang isang tao ay mayroong isolated dextrocardia, matatagpuan ang kanilang puso sa kanang bahagi ng dibdib. Habang ang Situs Inversus ay isang kondisyon naman na pwedeng humantong sa dextrocardia. Sa kondisyong ito, ang marami o lahat ng visceral organs ay nasa opposite side ng iyong katawan na nagmumukhang mirror image. Halimbawa, ang iyong spleen, atay, at iba pang organs ay maaaring matagpuan sa kabilang bahagi ng iyong katawan.
Nasa kanan ang puso: Bakit nangyayari ito sa katawan?
Sinasabi na ang non-dominant genes ang sanhi ng dextrocardia, kung saan tinatawag din ito bilang autosomal recessive genes.
Ang mga abnormal gene ang nagiging sanhi ng pagbuo ng cardiac — o primitive tube sa isang reverse direction habang nagdedebelop ang fetus sa sinapupunan.
Depende sa timing at lawak ng reversal development, ang puso at organs sa tiyan ay maaaring madebelop din sa baligtad na anyo, na nagreresulta sa halimbawa ng pagkakaroon ng puso ng sanggol sa kanang bahagi ng katawan.
Malinaw na makikita na ang recessive genes ang dahilan ng pagbuo ng puso — patungo sa kanang bahagi. Huwag ding kakalimutan na ang genetics ay gumaganap ng isang mahalagang papel dito. Dahil ang isang indibidwal ay pwedeng magmana ng ganitong klaseng kondisyon mula sa abnormal genes ng parehong mga magulang.
Mayroon bang anumang sintomas ang kondisyong ito?
Pangkaraniwang walang sintomas ang Isolated Dextrocardia dahil isa itong kondisyon kung saan ang puso ay nasa kanang bahagi at kadalasang makikita ang lokasyon ng puso sa MRI o isang X-ray ng iyong dibdib.
Mayroong ilang mga kaso, kung saan ang mga taong may isolated dextrocardia ay mayroong mas mataas na risk ng pneumonia, sakit sa baga, at sinus infections.
Isa sa senyales ng dextrocardia ang pagkakaroon ng maximum heartbeats sa kanang bahagi ng katawan, kaysa sa kaliwang parte.
Kadalasan, sa mga malalang kaso, ang baby na may karagdagang depekto sa puso — o anumang mas higit na seryosong sakit at ilang mga sintomas kaakibat nito, ay nangangailangan ng medikal na paggamot.
Narito ang listahan ng mga sintomas na nangangailangan ng medikal na atensyon at paggamot:
- Chronic infections, lalo sa sinus at baga
- Mga isyu sa paghinga
- Kawalan ng kakayahang bumigat o tumaba ng ayon sa edad
- Paninilaw o naninilaw na balat
- Kulay asul ang balat, lalo na sa paligid ng bibig, mga daliri at paa
Ano ang mga komplikasyon?
Bagama’t ang mga baligtad na organ ay pwedeng gumana nang normal, ang kanilang hindi pagiging nasa regular na posisyon ay maaaring maging dahilan ng mahirap na diagnosis para sa iba pang mga sakit. Halimbawa, ang mga taong ipinanganak na may dextrocardia situs inversus ay pwedeng makaranas ng matinding pananakit sa kaliwang bahagi ng tiyan, sa halip na dapat itong maramdaman sa kanang bahagi ng katawan — lalo na kung dumaranas ng appendicitis. At kapag naganap ang ganoong mga anatomical na pagkakaiba, ginagawa din nitong mahirap ang anumang operasyon na kakailanganin.
Narito ang mga komplikasyon na malamang na makita sa isang taong may dextrocardia:
- Sepsis at impeksyon
- Mga karamdaman sa cardiovascular system
- Mga sakit sa bronchial system
- Heart disease at failure
- Mga karamdaman sa esophageal area
- Sakit sa bituka
Nagagamot ba ang Dextrocardia?
Maraming tao na lumaki ang kanilang puso sa kanang bahagi (dextrocardia) na hindi nagpapakita ng anumang mga sintomas at sakit. Kaya naman, sa madaling sabi ang kondisyong ito ay hindi direktang ginagamot.
Ang mga sanggol na ipinanganak na may congenital condition na sinamahan ng mga iba pang depekto sa puso ay pwedeng mangailangan ng operasyon. Kung saan, maraming sanggol ang binibigyan ng mga gamot na nagpapataas ng lakas ng tibok ng puso at nagpapababa ng presyon ng dugo bago ang naturang operasyon.
Masasabi na ang paggamot sa mga problema sa baga, at mga sintomas ng sinus ay pwedeng magbawas ng banta ng mga kumplikasyon o epekto ng dextrocardia.
Narito ang mga opsyon sa paggamot na maaaring gamitin:
- Paggamot ng mga kaso ng sinusitis at bronchitis
- Expectorant o mucus clearing na mga gamot
- Antibiotics para sa bacterial infection
Dapat isaalang-alang ng mga indibidwal na may dextrocardia ang genetic counseling, bago sila magsimula ng sariling pamilya.
Normal ang life-expectancy para sa karamihan ng mga taong may Dextrocardia situs inversus. Habang, ang mga congenital heart defect ay mas madalas at nauugnay sa mas malaking panganib ng puso kaysa sa isolated dextrocardia cases.
Ang mga taong may isolated dextrocardia ay kadalasang namumuhay ng normal. Subalit, kung ikaw ay nasa mas mataas na panganib na magkasakit, ang iyong doktor ay tutulong sa mga hakbang sa pag-iingat.
Gayunpaman, kung mayroon kang mas komplikadong kaso ng dextrocardia, maaari kang maharap sa iba’t ibang isyung pangkalusugan.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng puso, dito.