backup og meta

Coronary Artery Bypass Graft: Ano Ito At Paano Ito Ginagawa?

Coronary Artery Bypass Graft: Ano Ito At Paano Ito Ginagawa?

Ano ang coronary artery bypass graft (CABG)? Ito ay nakapagpapabuti sa sirkulasyon ng dugo sa puso. Sa operasyong ito, ang surgeon ay kukuha ng mga ugat na daluyan ng dugo mula sa ibang bahagi ng katawan at gagamitin ang mga ito upang hindi na madaanan ang sirang arteries

Inirerekomenda ito ng surgeon kung ang coronary arteries ay barado o nasira. Ang coronary arteries ay mga ugat na daluyan ng dugo na nagsusuplay ng dugong may oxygen sa muscles ng puso. Kung barado, sira, o makipot ang arteries na ito, nalilimitahan ang pagdaloy ng dugo na nagiging sanhi upang ang puso ay hindi gumana nang mabuti. Ito ay nagdudulot ng heart failure.

Ang uri ng CABG ay inirerekomenda ng mga eksperto sa kalusugan depende sa sirang arteries. Maaaring irekomenda ng surgeon ang sumusunod na bypass na operasyon:

  • Quadruple Bypass: Kung may bara ang apat na arteries
  • Triple Bypass: Kung may bara ang tatlong arteries
  • Double Bypass: Kung may bara ang dalawang arteries
  • Singles Bypass: Kung may bara ang isang artery

Maaaring irekomenda ng doktor ang CABG kung ang pasyente ay may malubhang bara sa malalaking coronary arteries na nagsusuplay ng dugo sa pangunahing bahagi ng muscle ng puso. Dagdag pa, maaari din itong imungkahi ng doktor kung ang isang tao ay may mga bara sa puso na hindi magagamot ng angioplasty. Ito ay maaaring gawin maging sa mga sitwasyong emergency tulad ng atake sa puso na walang tugon sa ibang mga gamutan.

Imumungkahi ng doktor ang pagsailalim sa coronary artery bypass graft batay sa mga salik na ito:

  • Kalidad ng buhay
  • Pagkakaroon at kalubhaan ng mga sintomas ng coronary heart disease (CHD)
  • Anumang problemang medikal
  • Lokasyon at kalubhaan ng mga bara sa coronary arteries
  • Pagtugon sa ibang mga gamutan

Ano Ang Coronary Artery Bypass Graft? Mga Panganib Nito

May ilang mga panganib at komplikasyon matapos ang CABG. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Atake o stroke sa puso
  • Kidney failue
  • Pagdurugo
  • Arrhythmia
  • Impeksyon
  • Pagsakit ng dibdib
  • Pamumuo ng dugo
  • Pagkamatay, bihira

Ano Ang Coronary Artery Bypass Graft? Paano Ito Paghandaan?

Susuriin ng doktor ang buong medikal na history ng pasyente. Gayundin, magmumungkahi siya ng ilang pisikal na pagsusuri ay blood tests upang malaman ang kalusugan ng pasyente o matuklasan ang iba pang mga kondisyong pangkalusugan.

Kung ito ay planadong operasyon, dapat iwasan ng pasyente ang pagkain o pag-inom sa loob ng 8 oras bago ang operasyon. Dagdag pa, sasabihan ng staff ng ospital ang pasyente na maligo gamit ang antiseptic na sabon o espesyal na panlinis gabi bago ang operasyon o sa umaga.

Bago ang operasyon, ipagbibigay-alam ng pasyente sa doktor ang tungkol sa listahan ng mga gamot na kanyang ininom, tulad ng may reseta at walang reseta (OTC), drugs, at halamang gamot. Gayundin, dapat sabihin ng pasyente kung siya ay may allergy o sensitibo sa anumang gamot, anesthesia, latex, o iodine.

Sasabihin din ng pasyente sa doktor kung siya ay gumagamit ng anumang gamot na pampalapot ng dugo o may history ng sakit sa pagdurugo. Maaaring sabihin ng doktor na itigil muna ang pag-inom ng mga gamot na ito ilang araw bago ang operasyon.

Ano Ang Coronary Artery Bypass Graft? Anong Nangyayari Habang Ginagawa Ito?

Bago ang operasyon, ang mga healthcare professional ay magbibigay ng mga tiyak na gamot, fluids, at general anesthesia sa pamamagitan ng IV. Sa tulong ng general anesthesia, nakakatulog nang mahimbing at walang nararamdamang sakit ang pasyente.

Ang unang hakbang na gagawin ng surgeon upang simulan ang operasyon ay ang paghiwa sa gitna ng dibdib. Matapos ito, ilalantad ang puso sa pamamagitan ng pagbuka sa rib cage. Maaaring piliin ng surgeon ang pagsasagawa ng minimally invasive na operasyon na kinabibilangan ng mas maliit na paghiwa at espesyal na maliliit na mga kagamitan at robotic na proseso.

Kapag lantad na ang puso, ipapasok ng doktor ang ilang tubo sa iba’t ibang bahagi na mag-uugnay sa isang cardiopulmonary bypass machine. Nakatutulong ang makinang ito sa sirkulasyon ng dugong may oxygen sa buong katawan habang ginagamot ng surgeon ang puso. Gayunpaman, may mga tiyak na prosesong ginagawa nang “off-pumped”. Ibig sabihin ang pasyente ay hindi nakaugnay sa cardiopulmonary bypass machine.

Kung ang katawan ay nakaugnay na sa cardiopulmonary bypass machine, aalisin ng surgeon ang mga malulusog na ugat na daluyan ng dugo mula sa binti. Ito ang gagamitin upang hindi na madaanan ang sira o baradong bahagi ng artery. Ang isang dulo ng graft ay nakadikit sa taas ng bara at ang isa naman ay sa baba.

Matapos ang operasyon, aalamin ng surgeon ang paggana ng bypass. Kapag nagsimulang gumana nang mabuti ang bypass, gagamit ang surgeon ng shock upang magsimulang mag-pump ang puso. Matapos ito, tatanggalin ang mga tubong nakaugnay sa cardiopulmonary bypass machine. Isasara ang rib cage gamit ang ilang tahi at bebendahan ang sugat.

Dadalhin na ang pasyente sa intensive care unit (ICU) matapos ang operasyon para bantayan at alagaan.

ano ang coronary artery bypass graft

Panahon Ng Pagpapagaling

Kadalasang ipinapayo ng doktor sa pasyenteng sumailalim sa CABG na manatiling obserbahan hanggang sa magkaroon ng sapat na lakas upang gawin ang mga regular na gawain. Sa mga unang araw matapos ang operasyon, mananatili ang pasyente sa intensive care unit (ICU). Kapag nakauwi na, ang pasyente ay magkakaroon ng follow-up checkups sa loo ng halos 6-8 linggo matapos ang operasyon.

Ang tagal ng panahon ng pagpapagaling ay iba-iba sa bawat tao. Pinakakaraniwan, ang pasyente ay makauupo na sa upuan makalipas ang 1 araw, maingat na makapaglalakad pagkatapos ng 3 araw, at makalalakad, makaaakyat at baba ng hagdan makalipas ang 5 hanggang 6 araw.

Sa pag-uwi sa bahay, kailangang dahan-dahanin ng pasyente ang paggawa ng mga bagay-bagy sa loob ng ilang linggo. Kadalasan, nakababalik sa normal na mga gawain at gawi ang isang tao makalipas ang halos 6 linggo.

Ayon sa mga eksperto sa kalusugan, ganap na gagaling ang isang tao sa loob ng 12 linggo.

Pag-Iingat Matapos Ang Operasyon

Matapos ang opersyon, dapat siguraduhin ng pasyente na ang bahagi ng katawan na inoperahan ay malinis at tuyo. Magbibigay ang doktor ng espesyal na mga tagubilin sa paliligo na dapat sundin nang mabuti.

Tatanggalin ng doktor ang tahi at surgical staples habang isinasagawa ang follow-up na konsultasyon kung hindi natanggal ang mga ito bago ma-discharge ang pasyente mula sa ospital.

Huwag magsagawa ng anomang mga pisikal na gawain bago kumonsulta sa doktor o hanggang sa sabihin ng doktor na maaari na. Gayundin, kung maranasan ang mga sumusunod, agad na tumawag sa doktor o pumunta sa ospital:

  • Hindi nawawalang pagsusuka o pagduduwal
  • Pamamanhid ng mga binti at braso
  • Pamamaga ng mga binti
  • Hindi regular o mabilis na tibok ng puso
  • Mga problema sa paghinga
  • Pagsakit sa paligid ng bahaging may tahi
  • Pagdurugo, pamamaga, pamumula o paglabas ng anoman mula sa bahaging may tahi
  • Panginginig o lagnat na o higit pa sa 100.4°F (38°C)

Matuto pa tungkol sa Coronary Artery Disease dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Coronary Artery Bypass Graft (CABG) Surgery, https://www.medicinenet.com/coronary_artery_bypass_graft/article.htm, Accessed on 03/03/2020

Coronary Artery Bypass Surgery, https://my.clevelandclinic.org/health/treatments/16897-coronary-artery-bypass-surgery, Accessed on 03/03/2020

Coronary bypass surgery, https://www.mayoclinic.org/tests-procedures/coronary-bypass-surgery/about/pac-20384589, Accessed on 03/03/2020

Coronary artery bypass graft, https://www.nhs.uk/conditions/coronary-artery-bypass-graft-cabg, Accessed on 03/03/2020

Heart Bypass Surgery, https://www.healthline.com/health/heart-bypass-surgery, Accessed on 03/03/2020

Heart bypass surgery, https://medlineplus.gov/ency/article/002946.htm, Accessed on 03/03/2020

Cardiac Procedures and Surgeries, https://www.heart.org/en/health-topics/heart-attack/treatment-of-a-heart-attack/cardiac-procedures-and-surgeries, Accessed on 03/03/2020

Kasalukuyang Version

03/16/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Vincent Sales

Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement