Bakit hinihingal ang buntis? Karaniwan na para sa mga buntis ang kakapusan ng hininga. Sa pangkalahatan, walang dapat ipag-alala dito. Normal lang na makaramdam ng kaunting hingal sa panahon ng pagbubuntis. Ang hindi inaasahang kondisyon na ito ay talagang karaniwan habang ang iyong matris ay lumalawak pataas. Sa panahong ito, ang iyong katawan ay umaangkop sa mga pagbabago sa iyong mga hormones.
Habang lumalaki ang iyong tiyan, maaaring mahirapan kang huminga pagkatapos isagawa ang mga nakagawiang gawain tulad ng pag-akyat sa hagdan. Ayon sa isang pag-aaral, tinatayang 60 hanggang 70 porsyento ng mga kababaihan ang nakakaranas ng kakapusan ng paghinga sa panahon ng pagbubuntis.
Dyspnea
Ang dyspnea ay ang medikal na termino para sa kakapusan sa paghinga. Kung minsan ay inilarawan ang kondisyong ito bilang “air hunger” o pagkagutom sa hangin. Maaaring magsimula sa banayad at pansamantala hanggang sa maging seryoso at pangmatagalan ang kondisyong ito. Minsan mahirap ang masuri at magamot ang dyspnea dahil may iba’t-iba itong dahilan. Ayon sa Cleveland Clinic Center for Continuing Education, isa sa bawat apat na tao na bumibisita sa doktor ay may dyspnea.
Kadalasang inilalarawan ang dyspnea bilang matinding paninikip sa dibdib, gutom sa hangin, o hirap sa paghinga. Maaaring maugnay ito sa hypoxia o hypoxemia, na isang mababang antas ng oxygen sa dugo. Ito ay maaaring humantong sa pagbaba ng antas ng kamalayan at iba pang malalang sintomas.
Mga sanhi kung bakit hinihingal ang buntis
Pagtaas ng progesterone
Bilang kilalang hormone ng pagbubuntis, ang iyong paghinga ay maaaring maapektuhan ng pagtaas ng progesterone. Kadalasan ay nagiging sanhi ito ng paghinga mo nang mas malalim. Maaaring makaramdam ka na parang mas mahirap lumanghap ng hangin. Sa unang trimester ng pagbubuntis, maaaring mahirapan kang huminga habang ang iyong katawan ay umaayon sa mga bagong antas ng hormones. Kadalasan, ang sintomas na ito ay nawawala pagkatapos ng ilang linggo, ngunit maaaring bumalik sa ikalawa o ikatlong trimester.
Ang progesterone ay isang respiratory stimulant, ibig sabihin, ginagawa nitong mas mabilis ang iyong paghinga. Makakaasa kang tataas pa ang antas ng progesterone sa iyong katawan sa buong panahon ng pagbubuntis. Bagama’t ang paghinga ng mas mabilis ay hindi kinakailangang magdulot ng kakapusan sa paghinga, maaaring maging kapansin-pansin ang pagbabago sa iyo.
Lumalaking matris
Kadalasang tinatanong kung bakit hinihingal ang buntis habang lumalaki ang matris. Sa katunayan, ito ay nag-aambag sa iyong paghingal sa ikalawang trimester ng pagbubuntis. Maaaring maranasan mo ito hanggang sa ika-28 na linggo ng pagbubuntis. Ang paglaki ng iyong matris ay nagdudulot ng presyon sa iyong diaphragm kung kaya mas mahihirapan kang huminga. Kapag malapit ka nang manganak at dahan-dahang bumababa ang sanggol sa iyong pelvis magsisimula nang bumuti ang iyong paghinga.
Samantala, maaari mong gawin ang sumusunod:
- Panatilihin ang magandang postura kapag ikaw ay nakaupo o nakatayo. Ang pagyuko ay hindi nagbibigay ng sapat na lugar sa iyong mga baga upang lumawak kapag humihinga ka.
- Maglagay ng unan sa ilalim ng itaas na bahagi ng iyong katawan kapag matutulog ka. Binabawasan nito ang presyon na inilalagay ng matris sa mga baga.
- Mas mabuting ehersisyo ang paglalakad ng dahan-dahan habang pinapakiramdaman ang kondisyon ng iyong katawan.
Pagbabago sa paggana ng puso
Sa panahon ng pagbubuntis, mayroong pisyolohikal na pagtaas sa dami ng dugo, tibok ng puso, at cardiac output. Isa ito sa sanhi kung bakit hinihingal ang buntis. Gayunpaman, ang ilang mga pagbabago sa paraan ng paggana ng puso ay maaari ding maging sanhi ng kakapusan sa paghinga. Kailangang magbomba ng mas malakas ang puso kapag ikaw ay buntis para ilipat ang dugong ito sa katawan at sa inunan.
Tumataas ang dami ng iyong dugo sa mga unang ilang linggo ng pagbubuntis. Sa katunayan, karamihan ay nakakaranas ng 40 hanggang 45 porsyentong pagtaas sa dami ng dugo sa panahon ng pagbubuntis.
[embed-health-tool-heart-rate]
Normal na tumaas ng 10 hanggang 20 tibok bawat minuto ang pintig ng iyong puso sa panahon ng pagbubuntis. Dahilan ito kung bakit hinihingal ang buntis. Ang cardiac output ay ang dami ng dugo na ibobomba ng iyong puso bawat minuto. Maaari itong tumaas ng 30 hanggang 50 porsyento sa pagitan ng 28 hanggang 34 na linggo ng pagbubuntis. Mas tataas ang iyong cardiac output ng hanggang 60 porsyento kapag kambal ang inaasahan mo.