backup og meta

Kuliti: Heto Ang Mga Dapat Mong Malaman

Kuliti: Heto Ang Mga Dapat Mong Malaman

Ang kuliti ay pamamaga o impeksyon sa mga talukap ng mata. Nangyayari ito dahil sa Staphylococcus bacteria. Parang tigyawat ang hitsura ng kuliti at puwedeng lumitaw sa loob o labas na bahagi ng talukap ng mata. Isa itong masakit na kondisyon at maaaring magdulot ng hirap sa pagkurap. 

Tinatawag din itong hordeolum, ang kuliti ay mauuri sa dalawa – external hordeolum at internal hordeolum. Ang kuliting lumitaw sa labas na bahagi ng talukap ay tinatawag na external hordeolum.

Maaaring masaktan kapag nahawakan ang kondisyong ito. Mapula o madilaw ang bukol na puno ng nana. Ang kuliti na lumitaw sa loob na bahagi ng talukap ay tinatawag na internal hordeolum. Isa itong napakasakit na kondisyon at maaaring makaranas ng mahapding pakiramdam ang mga taong mayroon nito. Mahihirapan din silang kumindat, mangangati at magiging sensitibo sa liwanag.

Mga Sintomas

Ang mga karaniwang sintomas nito ay ang pagtubo ng bukol sa talukap na mapula at minsan ay pagkakaroon ng nana sa loob.

Ang iba pang sintomas ay:

  • Pamamaga
  • Pananakit
  • Kirot tuwing nakakapa o nahahawakan
  • Pangangati
  • Paglabo ng paningin
  • Mahapding pakiramdam sa apektadong bahagi
  • Maaari ka ring makaranas ng hirap sa pagkurap at pagtagas ng nana mula sa apektadong bahagi

Maaaring mabigat sa pakiramdam ng mata ang pagkakaroon ng bukol.

Kadalasan, gumagaling ang kuliti sa loob ng isang linggo. Kung magpatuloy pa rin ito, kumonsulta sa doktor. 

Sa bibihirang kaso, maaari kang makaranas ng pagdurugo, pagkalat ng impeksyon sa kalapit na bahagi, at pagbabago sa paningin. Kung makaranas ka ng mga sintomas na ito, agad na humingi ng tulong medikal.

Mga sanhi ng kuliti

Mga karaniwang sanhi ng kuliti:

  • Pangunahing dulot ng impeksyon mula sa Staphylococcus bacteria
  • Nakahahawang sakit na maaaring dulot ng paggamit ng napkin o accessories ng taong mayroon nito
  • Puwedeng dulot ng kakulangan sa nutrisyon

Ang hindi pagsunod sa tamang hygiene ay maaaring maging sanhi ng pamumuo ng dead skin, oil, at dumi malapit sa mga mata at magdulot ng pagbara sa mga oil gland ng talukap ng iyong mata. Ang pagbarang ito ay maaaring maging lungga ng pagdami ng bacteria at maging sanhi ng pagkakaroon ng kuliti.

Mga Panganib

Mas delikado kang magkaroon ng kuliti kung:

  • May history ka ng kondisyong ito
  • Hindi mo sinusunod ang tamang hygiene
  • Gumagamit ka ng expired na makeup
  • Gumagamit ka ng lenses
  • Mayroon kang anumang medikal na kondisyong may kinalaman sa mga mata
  • Mayroon kang diabetes, seborrheic dermatitis at iba pang tulad nito

Diagnosis

Masusuri ka ng iyong doktor sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa iyo. Upang masuring mabuti ang iyong mata at talukap nito, maaaring gumamit ng ilaw at magnifying devices.

Gamutan

Kadalasan sa mga kaso, hindi kinakailangan ng anumang gamutan ang kuliti. Kusa itong gumagaling. 

Nagagamot ang kondisyong ito sa pamamagitan ng simpleng mga home remedy gaya ng paggamit warm compress. Irerekomenda rin ng doktor na sundin ang tamang kalinisan. 

Gayunpaman, kung magpatuloy ang kuliti o kung maging napakasakit, maaaring magrekomenda ang iyong doktor ng gamutan. Ang gamutan para dito ay binubuo ng gamot, antibiotic cream, o eye drops. Puwede ring magreseta ang doktor ng oral antibiotics upang mapawi ang sakit at mabilis na gumaling. Kung tumagal ito bago gumaling, maaaring magreseta ang doktor ng antibiotic cream o eye drops.

Kapag hindi ito gumaling kahit may antibiotic na, maaaring irekomenda ng iyong doktor ang surgical procedure. Sa pamamaraang ito, gagawa ang surgeon ng maliit na hiwa sa apektadong bahagi at tatanggalin ang nana.

Kung mapabayaang hindi ginagamot ang kuliti, maaari itong magdulot ng iba pang kondisyon na may kaugnayan sa mata tulad ng meibomian cyst o periorbital cellulitis. Ang meibomian cyst ay isang kondisyon na nangyayari kapag ang cyst ay tumubo sa oil gland ng talukap. Ang periorbital cellulitis, kilala rin bilang preseptal cellulitis, ay isang kondisyon na nangyayari kapag kumalat ang impeksyon sa mga kalapit na bahagi ng mata. Sa kondisyong ito, namumula at namamaga ang palibot ng iyong mata.

Mga Pagbabago sa Lifestyle

  • Huwag pisatin o tirisin ang kuliti. Maaaring gustong-gusto mo itong hawakan o tirisin. Huwag itong hawakan dahil maaari itong magdulot ng pagkalat ng impeksyon.
  • Iwasan ang madalas na paghawak sa apektadong bahagi ng mata o talukap. Puwede itong magdulot ng impeksyon
  • Iwasang magpahid ng anumang makeup hanggang sa lubos na gumaling ang kuliti. Tiyaking huwag gumamit ng parehong cosmetics nang matagal na panahon. Itapon na agad ang cosmetics kapag expired na ito. Huwag magpahiram ng cosmetics sa iba.
  • Huwag gumamit ng contact lenses hanggang sa gumaling nang lubos ang kuliti. Kapag magaling na magaling na ito, tiyaking masusunod mo ang tamang kalinisan ng katawan habang gumagamit ng lenses. Hugasang mabuti ang mga kamay bago gumamit ng lenses. I-disinfect ang lenses sa tamang pagkakataon ayon sa inirekomenda ng iyong doktor.
  • Kung nagkaroon ka dati ng impeksyon sa mata, kumonsulta sa doktor at unawain ang mga dapat gawin at iwasan upang hindi magkaroon ng impeksyon.

Home Remedies

Kadalasan sa mga kaso nito, hindi na nangangailangan ng gamutan. May ilang mga home remedy na maaaring makatulong sa paggamot ng kondisyong ito. Kabilang dito ang:

  • Paggamit ng warm compress ang pinakamabisang paraan upang gamutin ang kuliti
  • Ilubog ang malinis na tela sa maligamgam na tubig at dahan-dahang idampi sa apektadong mata
  • Ulit-ulitin ito apat hanggang limang beses sa isang araw. Nakatutulong ang init ng compress upang agad itong gumaling.

Kung mayroon kang anumang kondisyong may kinalaman sa mata o madalas na pagkakaroon ng kuliti, ipinapayong kumonsulta sa doktor bago sumubok ng anumang home remedy.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Stye/https://www.nhs.uk/conditions/stye/Accessed on 16/07/2020

Sty/https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/sty/symptoms-causes/syc-20378017/Accessed on 16/07/2020

Stye/https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK459349/Accessed on 16/07/2020

Sty/https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/sty/symptoms-causes/syc-20378017#:~:text=A%20sty%20is%20a%20red,own%20in%20a%20couple%20days./Accessed on 16/07/2020

Sty/https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/sty/diagnosis-treatment/drc-20378022/Accessed on 16/07/2020

Kasalukuyang Version

10/09/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Victor Paulino, MD, DPBO

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Mga Sanhi at Paggamot ng Lazy Eye

Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Blepharitis


Narebyung medikal ni

Victor Paulino, MD, DPBO

Ophthalmology · Makati Medical Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement