backup og meta

Sanhi ng Paglabo ng Mata, Anu-Ano Ito? Alamin Dito!

Sanhi ng paglabo ng mata ay dapat alamin upang mabigyan ng tamang lunas. Mayroong unti-unting panlalabo ng mata at mayroon rin namang biglaang paglabo ng paningin. Ang biglaang paglabo ng paningin ay maaaring paraan ng katawan sa pag-aalerto sa iyo tungkol sa isang malubhang problema sa kalusugan.

Madalas ka bang kumukurap, naduduling, o kumukuskus ng iyong mga mata upang makakuha ng mas malinaw na paningin? Kung malabo ang iyong paningin, maaari mo itong isisi sa edad o kaya ay kailangan mo ng bagong salamin. Ngunit maaari rin itong maging tanda ng iba pang mga problema sa kalusugan. Kung ito ay dulot ng kaakibat na sakit, ang paggamot ng kondisyon ay kadalasang magpapalinaw sa iyong malabong paningin.

Gayunpaman, tandaan na ang mga biglaang pagbabago sa iyong paningin ay hindi normal, kaya kung mangyari ang mga ito, magpatingin kaagad sa iyong doktor.

Sanhi ng paglabo ng mata: Ano ang nangyayari?

Bagama’t hindi dahilan ng pag-aalala ang lahat ng pagkakataon na nakakaranas ng paglabo ng mata, ang ilan ay maaaring mangailangan ng medikal na paggamot.

Isa na dito ang refractive errors. Ito ay problema sa paningin kung saan ang mata ay hindi makapag-focus ng mga imahe galing sa paligid. Kabilang sa mga pangunahing sanhi ng malabong paningin ay ang mga refractive errors tulad ng:

  • Nearsightedness
  • Farsightedness
  • Astigmatism
  • Presbyopia

Maaari rin itong dulot ng kaakibat na sakit. Nakadepende sa kung anong kaakibat na sakit at kung gano na ito kalala para matamaan ang paningin. Bukod dito, ang malabong paningin ay maaaring makaapekto sa parehong mga mata. Subalit, ang ilang mga tao ay nakakaranas ng malabong paningin sa isang mata lamang.

Sanhi ng paglabo ng mata: Anu-ano ito?

Refractive errors

Ang refractive errors ay isang developmental disorder. Maaaring ito ay nabuo sa pagkatanda o maaaring ito rin ay na-develop noong kabataan. Katulad ng nasabi, ito ay nagiging sanhi ng pagkalabo ng mata dahil sa hirap ng mata na mag-focus sa bagay. 

Ang ilan sa mga sintomas na kaakibat ng refractive errors ay ang mga sumusunod:

  • Pananakit ng mata o eye strain
  • Pananakit ng ulo 
  • Panlalabo ng paningin sa isa o magkabilang mata
  • Pagkakaroon ng “halo” sa paligid ng ilaw

Ang salamin sa mata at contact lens ay ang pinakakaraniwang paraan upang itama ang nearsightedness. Ang muling paghubog ng cornea at refractive surgery tulad ng LASIK at PRK ay karaniwang paraan din ng pagwawasto.

Migraine

Ang migraine, na isang matinding sakit ng ulo na kadalasan nauugnay rin sa pakiramdam ng naduduwal o nahihilo, ay maaaring senyales ng mga sanhi ng paglabo ng mata. Ito ay maaaring magdulot ng mga karagdagang sintomas, kabilang ang malabong paningin.

Maraming mga sintomas ng paningin na nauugnay sa migraine ang nangyayari bilang mga senyales na nauuna sa mga klasikong migraine. Ang mga pagbabago sa paningin ay maaari ding maganap sa panahon ng retinal migraines, na bihira at nakakaapekto lamang sa isang mata.

Kung mayroon kang kasaysayan ng migraine, ang mga nauugnay na sintomas ng paningin ay maaaring normal para sa iyo. Gayunpaman, kung nakakaranas ka ng malabong paningin sa unang pagkakataon, mahalagang magpasuri agad.  Maaaring pumunta sa emergency room upang mabigyan ka ng gamot at masuri ang iba pang mga posibleng sanhi, tulad ng stroke.

Trauma o matinding pagkaalog ng ulo

Ang trauma o matinding pagkaalog ng ulo ay maaaring magdulot ng concussion at maging sanhi ng paglabo ng mata. Ang isang sintomas ng concussion ay malabong paningin. Ito ay maaaring isang senyales na ang concussion ay seryoso at nangangailangan ng emerhensiyang medikal na atensyon.

Ang paglabo ng paningin ay karaniwang kasunod ng isang concussion. Dapat mag-alala kung ito hindi nawawala at may patuloy o lumalalang sakit ng ulo, malabong pananalita, pagsusuka, o mga seizures. Kung mayroon kang alinman sa mga sintomas na ito, pumunta sa pinakamalapit na ER.

Retinal detachment

Ang retinal detachment ay nangyayari kapag ang retina ay nahila palayo sa normal nitong posisyon sa likod ng mata. Ito ay karaniwang nagreresulta sa biglaang pagsisimula ng malabong paningin, kasama ang:

  • Mga kislap ng liwanag
  • Mga “floaters” o lumulutang sa mata na gumagalaw sa iyong paningin
  • Pagkabawas ng lawak ng nakikita o field of vision
  • Itsura ng isang anino o kurtina sa iyong paningin

Stroke

Nangyayari ang stroke kapag ang utak ay hindi nakakatanggap ng sapat na oxygen dahil sa isang nabara o sumabog na daluyan ng dugo. Maaari itong maging sanhi ng paglabo ng mata sa isa o magkabilang mata kung nakakaapekto ito sa bahagi ng utak na kumokontrol sa paningin.

Ang isang pinaikling anyo ng stroke na tinatawag na transient ischemic attack (TIA) ay maaari ding maging sanhi ng malabong paningin. Tulad ng isang stroke, ang TIA ay isang medikal na emerhensiya. 

Dapat Tandaan

Bukod sa mga naitalang dahilan, mayroon pang ibang dahilan tulad ng impeksyon sa mata, sakit sa utak, at mga sakit na ekslusibo sa mata. Hindi lahat ng sanhi ng paglabo ng mata ay nangangailangan ng agarang medikal na paggamot. Gayunpaman, dapat pumunta sa malapit na ospital kung makaranas ng biglaang paglabo ng mata. Gayundin kung nakakaranas ng matinding pananakit ng mata, o sa tingin mo ay may problema sa retina. Mas maigi na makita ng doktor para ma-assess kung ano ang sanhi nito at para ma-treat ng maayos. 

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

https://www.healthdirect.gov.au/blurred-vision#:~:text=Blurred%20vision%20can%20be%20caused,to%20focus%20as%20you%20age)

https://www.bmhsc.org/blog/why-sudden-blurry-vision-may-be-a-medical-emergency

https://www.webmd.com/eye-health/why-is-my-vision-blurry

https://www.medicalnewstoday.com/articles/sudden-blurry-vision

https://www.uptodate.com/contents/approach-to-the-adult-with-acute-persistent-visual-loss?search=retinal%20detachment&source=search_result&selectedTitle=1~150&usage_type=default&display_rank=1

 

Kasalukuyang Version

10/27/2023

Isinulat ni Lovely Carillo

Narebyung medikal ni Jaiem Maranan, RN MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Nagagamot Ba Ang Color Blindness? Alamin Ang Diagnosis At Treatment

Anu-Ano Ang Benepisyo Ng Pagsusuot Ng Sunglasses, Ayon Sa Doktor?


Narebyung medikal ni

Jaiem Maranan, RN MD

General Practitioner


Isinulat ni Lovely Carillo · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement