Ayon sa World Health Organization, tinatayang 1 bilyong tao ang may visual impairment na dulot ng hindi nagamot na refractive error tulad ng astigmatism. Nangangahulugan na napakaraming tao sa buong mundo ang hindi nagagawang magamit nang buo ang kanilang mga paningin. Matuto pa tayo dito tungkol sa mga remedyo at sanhi ng astigmatism.
Ano ang Astigmatism?
Tinuturing ang astigmatism bilang isang pangkaraniwang kondisyon na nagiging sanhi ng panlalabo o pagkasira ng paningin ng isang tao. Tinatawag ang kondisyong ito na “refractive error,” na isang problema sa paningin na resulta ng mga problema sa hugis ng mata. Ito ang nakakaapekto sa kung paano “nag-be-bend” o “nag-re-refract” ng liwanag ang mga mata upang makakita tayo nang malinaw.
Kapag may astigmatism ang isang tao, ang harap na ibabaw ng mata, na kilala bilang cornea o lens ang may problema sa curvature nito. Pinipigilan nito ang liwanag na tumutok nang maayos sa bahagi ng retina, na nagiging sanhi ng malabong paningin kahit gaano pa kalapit o kalayo sa isang bagay. Madalas na may kasabay pang ibang refractive error ang astigmatism, katulad ng:
- Myopia o nearsightedness
- Hyperopia o farsightedness
May curvature na katulad ng isang perpektong bilog na bola ang tipikal at malusog na mata, habang hugis itlog naman ang mata na may astigmatism. Nalalaman din ng matatanda na nagkaroon ng astigmatism kung may pagbabago sa kung paano nila nakikita ang kanilang paligid.
Habang maaari namang hindi matukoy ng mga batang may astigmatism mula pagkasilang ang pagkakaiba, kaya naman mahalagang sumailalim sila sa regular na pagsusuri sa mata upang matukoy ang anumang mga problema.
Ano ang mga Sintomas ng Astigmatism?
Ang pagkakaroon ng malabo o pangit na paningin ang pinakakaraniwang sintomas ng astigmatism. Kung mapansin na lumalabo ang iyong paningin, maaari ding senyales ito ng iba pang problema sa paningin tulad ng nearsightedness o farsightedness. Kabilang sa iba pang mga sintomas ng astigmatism ang:
- Eye strain
- Pag-aninag upang maayos ang paningin
- Pagsakit ng ulo
- Hindi magandang pakiramdam sa mga mata
Paano Nalalaman Kung May Astigmatism?
Isang lisensyadong ophthalmologist o optometrist lamang ang maaaring magsagawa ng komprehensibong pagsusuri sa mata para masuri ang astigmatism o anumang problema sa paningin. Kapag sinusuri para sa astigmatism ng isang ophthalmologist o optometrist, tinitingnan nila kung paano nakatutok ang iyong mata sa liwanag. Maaaring kasama sa pagsusuri sa mata ang mga sumusunod na pagsusuri:
Visual Acuity Test
Sinusukat nito ang visual acuity ng isang tao sa pamamagitan ng pagtukoy sa pinakamaliliit na titik na mababasa sa visual acuity chart, na maaaring mga titik o larawan. Sa karaniwan, hihilingin sa iyo ng doktor na takpan ang isang mata habang sinusubukan basahin ang pinakamaliit na titik sa tsart.
Refraction
Sinusukat ng pagsusuri na ito kung gaano kahusay ang iyong mga mata na mag-focus. Sa test na ito, hihilingin sa iyo ng doktor na umupo sa isang upuan na may “phoropter” o “refractor” sa harap. Titingnan mo pagkatapos ang phoropter at susubukang pangalanan ang lahat ng mga titik sa tsart ng mata na anim na metro ang layo mula sa iyo.
Papalitan ng doktor ang lens para sa parehong mata at tatanungin kung alin ang mas malinaw o malabo, para matukoy ang lakas na kailangan para sa iyong prescription glasses.
Keratometry
Gagamit din ang “keratometer” sa eye exam, na isang aparato na sumusukat sa curvature ng cornea at sasabihin nito sa doktor ang akmang sukat para sa contact lens kung pipiliin mong kunin ang mga ito. Makatutulong din ang curvature ng cornea na matukoy ang astigmatism sa alinman sa mga mata.
Mga Remedyo at Sanhi ng Astigmatism
Matapos maunawaan ang mga sintomas nito, maaari kang matuto nang higit pa tungkol sa mga remedyo at sanhi ng astigmatism.
May ilang tao na may lebel ng astigmatism ang hindi nangangailangan ng treatment, na dulot ng mga problema ng hugis ng kanilang mata. Sa katunayan, hindi karaniwan ang makakita ng perpektong bilog na mata. Kahit walang direktang sanhi ang astigmatism, ipinakita ng pananaliksik na namamana ang astigmatism. Ibig sabihin, kung may ganitong problema sa paningin ang isa sa pamilya mo, may posibilidad na magkaroon ka rin nito.
Maaari din magkaroon ng astigmatism pagkatapos ng operasyon o sakit na nauugnay sa mata. Taliwas sa popular na paniniwala, hindi direktang sanhi ng masasamang gawi tulad ng pagbabasa nang walang sapat na ilaw o pag-upo ng masyadong malapit sa telebisyon ang astigmatism.
Maaari ding maiugnay ang astigmatism sa isang kondisyon na tinatawag na “keratoconus,” na nangyayari kapag humihina at nagiging hugis cone ang kornea, na nagreresulta sa malabong paningin at pagiging sensitibo sa liwanag.
Paano Ginagamot ang Astigmatism?
Kapag sapat na upang maging sanhi ng kakulangan sa ginhawa ng isang tao o nagdudulot ng kahirapan sa pang-araw-araw na gawain ang astigmatism, ginagawa karaniwan ang treatment para mapabuti ang paningin at guminhawa ang pakiramdam. Narito ang mga opsyon para sa treatment sa astigmatism:
Salamin sa mata
Maaaring piliin ng taong na-diagnose ng astigmatism ang pagsusuot ng salamin o contact lens na ginawa para sa kanila. Tumutulong ang mga salamin upang mabaluktot ang liwanag nang maayos upang matugunan ang mga problema sa mata na dulot ng astigmatism.
Advantage: Ito ang pinakamurang opsyon pagdating sa corrective lens, at makapipili ka mula sa iba’t ibang disenyo, hugis, at kulay.
Disadvantage: Maaari silang mawala o masira.
Contact Lens
Mayroon ding iba’t ibang hugis at kulay ang mga contact lens, at maaaring isang beses o pang matagalan sila magagamit. Mas gusto ng ibang tao ang contact lens dahil sa kung gaano sila kakomportable kumpara sa pagsusuot ng salamin.
Advantage: Mas komportable isuot; hindi ito halata.
Disadvantage: Maaari ka maging lapitin sa mga impeksyon sa mata kung isusuot nang mas mahabang oras.
Refractive Surgery
Gumagamit ng laser ang surgeon sa mata sa refractive surgery para itama ang anumang problema sa mata na maaring magdulot ng mga refractive error tulad ng astigmatism.
Advantage: Maaaring tuluyang maalis ang epekto ng astigmatism sa operasyon.
Disadvantage: Maaaring mas mahal ito kaysa sa corrective lens at may kasama ring operasyon.
Pangangalaga sa Iyong mga Mata
Kahit pa kadalasang nakukuha ang astigmatism sa pagkamana o injury, pinakamabuti pa rin palagi na sanayin ang mabubuting gawain para maalagaan ang sariling paningin. Narito ang ilang paraan para mas mapangalagaan mo ang iyong mga mata:
- Siguraduhing kumain ng mga pagkaing mayaman sa omega-3 tulad ng isda. Nakatutulong ang mga fatty acid na ito na maalagaan ang paningin. Makatutulong din ang mga berde at madahong gulay.
- Huwag kalimutang magsuot ng sunglasses kung nasa labas.
- Ipahinga ang mga mata sa tuwing ginagamit ang mga ito sa pagbabasa o paggamit ng telepono o computer. Gawin ito upang maiwasan ang pananakit ng mata.
- Huwag kalimutang magsuot ng protective eye gear kapag naglalaro ng sports. Magsuot din ng mga ito kapag gumagawa ng pagkukumpuni na maaaring magdulot ng pinsala sa iyong mga mata.
Key Takeaways
Ano ang mga remedyo at sanhi ng astigmatism? Isang kapansanan sa paningin ang astigmatism na sanhi ng mga problema sa curvature ng cornea at lens ng mata. Nakikita ang kondisyong ito sa paglabo o pagkasira ng paningin. Upang malabanan ito, maaari ka gumamit ng corrective lens, eyeglasses o dumaan sa operasyon.
Kung pinaghihinalaan na mayroong astigmatism, kumonsulta sa isang optometrist o isang ophthalmologist. Maaari silang magbigay ng isang komprehensibong pagsusuri sa mata.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Mata dito.