Alam mo bang ang mga mata ay ang pinakadebelop sa lahat ng sensory organs ng katawan? At ito ay makatuwiran, dahil umaasa tayo sa ating paningin upang magawa ang karamihan ng ating mga araw-araw na gawain. Mula sa pagluluto ng almusal, paliligo, pagpasok sa trabaho, pagpili ng kakainin sa tanghalian, at iba pa, ginagamit natin ang ating mga mata upang tulungan tayong magawa ang mga bagay-bagay at bigyang-kahulugan ang ating paligid. Ngunit dahil ginagamit natin ang ating mga mata sa lahat ng oras, napakadali minsang hindi natin pahalagahan ang mabuting eye health.
Marami sa atin ang hindi napagtatanto kung gaano magiging mahirap ang mga bagay-bagay kung mawawala ang ating paningin. Ito ang dahilan kung bakit napakahalagang alagaan natin ang ating mga mata.
Dapat laging gawing prayoridad ang pagpapanatili ng mabuting eye health. Ang isang mabuting paraan upang simulan ito ay ang pag-alam kung ano-anong mga problema sa mata ang maaaring makasira o makaaapekto sa ating paningin.
Mga Karaniwang Problema Sa Mata
Ang mga problema sa mata ay mga sakit o kondisyong nagpapahirap na makakita o maaaring tuluyang makapagpabulag. Ang pag-alam sa mga problemang ito ay makatutulong upang maiwasan mangyari ang mga ito. Narito ang ilan sa mga karaniwang kondisyon sa mata na nararanasan ng mga tao:
Refractive Errors
Kabilang sa mga pinakakaraniwang problema sa mata na nararanasan ng mga tao ay ang ang refractive error. Kabilang dito ang mga kondisyong tulad ng myopia o nearsightedness, hyperopia o farsightedness, astigmatism, at presbyopia, na nagiging sanhi upang ang mga matatanda ay mahirapang makakita nang malapitan.
Bagama’t ang mga ito ay maaaring maging sanhi ng kahirapang makakita nang walang gamutan, ang refractive error ay bihirang maging sanhi ng ganap na pagkabulag. Karaniwan itong nangyayari sa mga mas malulubhang kaso, at hindi dapat maging sanhi ng alalahanin para sa karamihan ng mga tao.
Macular Degeneration
Ang macular degeneration ay kapag ang macula, o ang bahagi ng mata na nagbibigay ng matalas at malinaw na paningin, ay nakararanas ng mga problemang nagiging sanhi ng panlalabo ng paningin. Hindi tulad ng refractive errors, ang macular degeneration ay isang progresibong sakit na maaaring maging sanhi ng pagkabulag sa paglipas ng panahon.
Glaucoma
Ang glaucoma ay grupo ng mga kondisyong nakaaapekto sa optic nerve, o ang nerve na nag-uugnay sa mga mata sa utak. Permanente ang pagkabulag na dulot ng glaucoma. At kung minsan ito ay maaaring mangyari sa loob ng mahabang panahon, o maaari din itong mangyari nang biglaan. Ang mga taong may glaucoma ay nakararanas din ng lubhang pagsakit sa kanilang mga mata.
Katarata
Sa buong mundo, isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkabulag ang katarata. Ito ay isang kondisyong nagiging sanhi upang ang lens ng mga mata ay maging maulap. Kalaunan ay maaari itong maging sanhi ng pagkabulag. Ang katarata ay maaaring mangyari sa anumang edad, ngunit ito ay pinakakaraniwan sa mga matatanda. Ito ay kadalasang maaaring magamot sa pamamagitan ng operasyon.
Amblyopia
Ang isa pang problema sa mata ay tinatawag na ambylopia, na kilala rin bilang lazy eye. Karaniwan ito sa mga bata at nangyayari kung ang utak at mga mata ay hindi gumagana nang magkasama. Ito ay nagiging sanhi upang ang utak na pumabor sa isang mata kaysa sa isa. Maaari itong maging sanhi ng kapansanan sa paningin.
Strabismus
Ang strabismus ay isang kondisyong may kinalaman sa kung paano nakaposisyon ang mga mata. Maaaring magkaroon ng esotropia o exotropia ang mga taong may strabismus. Ang esotropia ay karaniwang tinatawag na pagkaduling.
Ang kondisyong ito ay nagiging sanhi upang ang mga mata ay magtuon sa iba’t ibang direksyon, at hindi sa parehong bagay. Maaari itong maging sanhi ng pagkawala ng depth perception o maging ng permanenteng pagkawala ng paningin sa isang mata.
Mga Senyales At Sintomas
Ang mga sintomas ng mga problema sa mata ay maaaring iba-iba depende sa kondisyon. Ngunit narito ang ilan sa mga mas karaniwang sintomas na nararanasan ng mga taong may problema sa paningin:
- Malabong paningin
- Kahirapang makakita sa gabi
- Pagiging sensitibo sa maliwanag na ilaw
- Kupas o muted na pagtingin sa mga kulay
- Double vision
- Pangangailangang basahin nang malapitan ang mga bagay-bagay
- Pamumula sa mata
- Pagsakit ng ulo
- Pagduduwal o pagkahilo
- Pagsakit ng mata
- Nakakakita ng “halo” sa paligid ng liwanag
- Kahirapang makakiita nang malapitan
- Kahirapang makakita nang malayuan
Ang anumang kombinasyon ng mga sintomas na ito ay maaaring mangahulugan ng pagkakaroon ng ilang mga problema sa mga mata.
Kailan Dapat Kumonsulta Sa Doktor?
Kung nakararanas ng alinman sa mga nabanggit na sintomas, mainam na kumonsulta sa doktor tungkol dito. Karamihan sa mga problema sa mata ay progresibong kondisyon, na nangangahulugan na maaari itong lumubha sa paglipas ng panahon.
May ilang mga kondisyon sa mata na maaaring maging seryoso, at maging cancer.
Mga Sanhi At Mapapanganib Na Salik
Ang pagpapanatili ng mabuting eye health sa murang edad ay nakatutulong na mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng mga problema sa paningin habang tumatanda. Makatutulong ang maagang gamutan upang maiwasan ang mga problema sa hinaharap.
Anu-Ano Ang Mga Sanhi Ng Problema Sa Mata?
Maaaring sanhi ng maraming bagay ang mga problema sa mata, tulad ng mga sumusunod:
- Mga tiyak na kondisyon tulad ng glaucoma at katarata na maaaring mamana
- Apektado rin ng genes ang refractive errors tulad ng myopia, hyperopia, at astigmatism.
- Kadalasang nangyayari sa mga batang may delay na pagdebelop o ipinanganak nang premature ang ambylopia at strabismus.
- Ang mga kondisyong pangkalusugan tulad ng diabetes ay maaari ding maging sanhi ng pagkabulag.
- May gampanin din ang pagtanda, dahil kadalasang lumalabas ang macular degeneration, glaucoma, at katarata habang tumatanda.
- Sa ilang mga kaso, ang trauma o pinsala sa mga mata ay maaari ding maging sanhi ng pagkabulag o mga problema sa paningin.
- Ang kakulangan sa vitamin A, na mahalaga sa paggana ng mga mata, ay maaaring magdulot ng mga problema sa paningin.
- Ang pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo o altapresyon ay maaari ding makasira sa mga ugat na daluyan ng dugo sa mga mata
Mga Mapapanganib Na Salik Sa Mga Problema Sa Mata
Narito ang ilang mga posibleng mapapanganib na salik para sa mga problema sa mata:
- Karamihan sa mga problema sa mata ay genetic, kaya ang pagkakaroon ng mga magulang na may mga problema sa mata ay maaaring makapagpataas ng tyansang magkaroon din nito.
- Ang hindi pagpapanatili ng mabuting eye health, tulad ng hindi pagsusuot ng sunglasses sa maliwanag na sikat ng araw, ay maaaring makapagpataas sa tyansa ng pagkasira ng mata.
- Ang pagiging overweight o obese ay nakapagpapataas sa tyansa ng pagkakaroon ng diabetes, na maaaring maging sanhi ng pagkabulag.
[embed-health-tool-bmi]
- Isa pang mapanganib na salik para sa mga problema sa mata ang altapresyon.
- Pinakakaraniwang sakit ang diabetes na maaaring makaapekto sa mga mata.
- Ang pagwawalang-bahala sa mga sintomas ng mga problema sa mata ay maaari ding makapagpataas sa tyansa ng mga mas malulubhang problema kalaunan.
Diagnosis
Sa usapin ng diagnosis, ang doktor ay karaniwang magsasagawa ng mga pagsusuri upang makita kung gaano kalusog ang mga mata. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Ang screening sa paningin, o pagsusuri sa mata, ay maaaring gawin ng doktor upang masuri ang paningin.
- Sa ilang mga kaso, maaaring kailanganin ang retina scan upang mas masusing tingnan ang retina at optic nerve.
- Ang dilated eye exam ay isang proseso kung saan ang doktor ay magsasagawa ng mga pagsusuri upang lubusang masuri ang kalagayan ng mga mata. Ito ay isang mahusay na paraan ng maagang pag-diagnose ng problema.
- Susuriin din ng doktor ang iba pang mga sintomas tulad ng pagsakit ng ulo, pagsakit ng mga mata, at malabong paningin upang makatulong sa pagbuo ng diagnosis
Kapag na-diagnose ng doktor ang kondisyon, maaaring simulan na ang gamutan.
Paggamot
Ang paggamot ng mga problema sa mata ay depende sa kung anong kondisyon mayroon ang isang tao. Narito ang ilan sa mga posibleng paraan ng paggamot ng mga problema sa mata:
- Para sa refractive errors, ang corrective lens ay karaniwang ang pinakamainam na paraan ng paggamot.
- Maaari ding gamitin ang salamin sa mata para sa ambylopia at strabismus, kasama ng therapy sa paningin at operasyon sa muscle ng mata.
- Para sa katarata, maaaring gawin ang operasyon upang alisin ang maulap na lens at palitan ito ng artipisyal na lens
- Maaaring gamitin ang gamot, laser treatment, at operasyon upang gamutin ang glaucoma
- Sa ilang mga kaso, ang mga problema sa paningin ay hindi malulunasan. Sa halip, may ibinibigay na gamutan upang makontrol ang mga sintomas.
Pag-Iwas
Napakahalaga ng ating mga mata. Ang pagtiyak na maiiwasan ang mga problema sa mata ay napakahalaga pagdating sa pagpapanatili ng mabuting eye health. Narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat tandaan:
- Siguraduhing protektahan ang mga mata. Magsuot ng sunglasses kapag masyadong maliwanag ang araw. Magsuot ng safety glasses kapag nagtatrabaho sa lugar na may mga alikabok o debris na maaaring makasira sa mga mata.
- Magsagawa ng araw-araw na ehersisyo. Ang ehersisyo ay nakapagpapababa sa tyansa ng pagkakaroon ng diabetes, na maaaring maging sanhi ng pagkabulag.
- Kumain ng balanseng diet. Bukod sa pagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon diabetes, ang pagkakaroon ng balanseng diet ay nagsisiguro na ang mga mata ay nakakukuha ng sapat na sustansya upang maayos na gumana.
- Kung may napansing anumang mga sintomas, siguraduhing kumonsulta sa doktor. Ang anumang panlalabo sa paningin, pananakit ng mga mata, at kahirapang makakita ay dapat palaging ikonsulta sa doktor. Ang maagang paggamot ay mahalaga upang mapigilan ang karagdagang mga problema.
- Iwasan ang paninigarilyo. Ang paninigarilyo ay nakapagpapataas ng tyansa ng magkaroon ng katarata at macular degeneration, gayundin ang maraming iba pang problema sa kalusugan.
- Ipahinga ang mga mata. Kailangan ding magpahinga ng mga mata, lalo na kung matagal na nasa harap ng computer.
Key Takeaways
Pagdating sa pagpapanatili ng mabuting eye health, ang pinakamahalagang bagay na dapat tandaan ay ang pagiging malay sa anomang mga pagbabago sa paningin. Kadalasan, maaaring mahirap mapansin ang mga unang senyales ng mga problema sa mata. Ngunit kung maglalaan ng oras upang magbasa at panatilihing malay ang sarili sa mga dapat bantayan, maiiwasan ang pagkakaroon ng mga problema sa mata sa hinaharap.
Matuto pa tungkol sa mga Sakit sa Mata dito.