Ang black eye ay tumutukoy sa injury sa paligid ng mga mata o sa kalapit na bahagi ng mukha. Ito ay may madilim na kulay, kadalasang pinaghalong bluish-purple. Bakit nagkakaroon ng black eye? Ito ay dulot ng naghalong dugo at iba pang fluids na napupunta sa paligid ng mga mata. Bukod sa ito ay mukhang pasa, ang uring ito rin ng injury ay maaaring tila namamaga.
Black Eye: Anu-Ano Ang Mga Posibleng Sanhi Nito?
Ang uring ito injury sa mata ay maaaring sanhi ng trauma sa mukha kung saan natamaan ang isa mga pinakasensitibong bahagi ng mukha, paligid ng mga mata.
Bagama’t black eye ang tawag sa injury na ito, hindi ito direktang nangangahulugang pagkapinsala sa mga mata, sa halip ay ang paligid nito. Sa karamihan ng mga kaso, ang black eye ay gumagaling nang kusa matapos ang ilang mga araw. Gayunpaman, may mga pagkakataong itinuturing itong malubha.
Ito ay nagiging malubha kapag nagkaroon ng pagdurugo sa loob ng mata (tinatawag itong hyphema).
Ito ay dapat gamutin agad dahil ang malubhang injury tulad ng hyphema ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng cornea, at lubhang maapektuhan ang paningin ng isang tao.
Isa pa sa mga senyales ng matinding injury ay ang pagkakaroon ng dalawang black eyes at double vision matapos makaranas ng injury sa ulo. Ang uring ito ng injury ay kadalasang nagpapahiwatig ng pagkabasag ng bungo.
May ilang mga paraan upang malaman kung ang injury ay malubha o hindi:
Mga Sintomas Na Kailangang Bantayan:
- Panlalabo ng paningin
- Pananakit sa paligid ng mata
- Hindi gaanong malubhang pamamaga sa paligid ng mata na lumalaki sa paglipas ng panahon
- Pagkakaroon ng pasa sa paligid ng mata. Sa una ito ay mamula-mula ang kulay at sa paglipas ng panahon ay mas nangingitim. Ang pagkapula nito ay nagiging kulay lila, dilaw, berde, at itim.
Mga Sintomas Ng Mas Malubhang Injury:
- Pagkawala ng paningin
- Pagkakaroon ng double vision
- May lumalabas na dugo o ibang fluids sa mga mata at ilong
- Kahirapang igalaw ang mga mata
- Pagkahimatay/pagkawala ng malay
- Nakararanas ng pananakit ng ulo
- Pagkakaroon ng dugo sa ibabaw ng mata
Bakit Nagkakaroon Ng Black Eye? Mga Sanhi Nito
Ang malakas na pwersa sa mukha ay kadalasang sanhi ng kondisyong ito. Kung ang isang tao ay direktang matamaan sa mukha, mata o ilong, siya ay magkakaroon ng black eye.
Depende kung saan matamaan sa mukha ang isang tao, ang black eye ay maaaring makaapekto sa isa o parehong mga mata. Kung ang isang tao ay matamaan sa mukha, ang kanyang parehong mga mata ay mamamaga at magkakaroon ng pasa.
Ang injuries na ito ay hindi malubha. Gayunpaman, ang iba pang mga sanhi ng pagkabasag ng bungo ay ang mga itinuturing na malubha. Hindi lamang ito nagiging sanhi ng dalawang black eye ngunit maging ng pagdurugo sa ibabaw ng mga mata at pagkakaroon ng double vision.
Ano Ang Mangyayari Matapos Magkaroon Ng Black Eye?
Ang uring ito ng injury ay kadalasang nawawala nang kusa makalipas ang kahit 14 na mga araw. Maaaring magsagawa ng mabilis at madaling mga paraan sa bahay upang mapabilis ang proseso ng paggaling, tulad ng agad na paglalagay sa black eyes ng tuwalyang binasa ng malamig na tubig.
Inirerekomenda ang paglalagay ng tuwalyang binasa ng malamig na tubig sa loob ng 15 hanggang 20 kada oras (dapat itong gawin habang gising). Gawin ito sa loob ng 24 oras upang mabawasan ang pamamaga.
Makalipas ang 24 oras na paglalagay ng tuwalyang binasa ng malamig na tubig, maaari namang gawin ang paglalagay ng tuwalyang binasa ng maligamgam na tubig. Nakatutulong ito upang patuloy na dumaloy ang dugo sa paligid ng mata. Siguraduhing gawin ito nang maingat upang hindi makapaglagay ng masyadong pressure sa mata.
Iwasan ang mga pisikal na gawain upang mabawasan ang tyansa ng posibleng injuries sa ulo.
Paano Gamutin Ang Black Eye?
- Iwasan ang paggawa ng anumang gawain na kinakailangang lakas o pwersa dahil maaari nitong mapalubha ang pamamaga ng black eye. Magpahinga sa loob ng unang dalawang araw matapos magkaroon ng black eye.
- Maglagay ng tuwalyang binasa ng malamig na tubig upang mabawasan ang pamamaga.
- Maglagay ng tuwalyang binasa ng maligamgam na tubig matapos ang 24 oras na paglalagay ng tuwalyang binasa ng malamig na tubig sa loob.
- Panatilihing nakataas ang ulo upang mabawasan ang pamamaga.
Mga Komplikasyon Ng Black Eye
Maraming komplikasyon ang kaakibat ng malubhang black eye tulad ng:
- Uveitis (pagkasira sa loob na bahagi ng mata na sanhi ng malabong paningin, hindi normal na hugis ng pupil)
- Glaucoma (napalulubha nito ang pressure sa loob ng mata na maaaring maging sanhi ng permanenteng pagkasira ng optic nerve)
- Orbital floor fracture (maaaring itong maging sanhi ng double vision o posibleng pagkawala ng paningin)
- Pagkatanggal ng retina (permanenteng pagkawala ng paningin)
- Hyphema (nakikitang pagdurugo ng mata)
Key Takeaways
Kapag nagkaroon ka ng black eye, mahalagang mapatingnan ito agad sa doktor upang ma-diagnose kung ito ay malubhang injury o hindi. Siguraduhin ding gamutin ito nang wasto at iwasan ang mga nakapapagod na gawain kung makakaya.
Tandaan: Kung ang iyong injury sa mata ay dahil sa ibang tao, agad na tumawag sa mga awtoridad at humingi ng tulong.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Mata dito.