backup og meta

Paano Gamutin Ang Pamamaga Ng Bayag O Testicles?

Ang bayag ay napakasensitibo. Kahit ang simpleng injuries ay maaaring maging sanhi ng pananakit o hindi komportableng pakiramdam. Ito ay nangyayari sanhi ng iba’t ibang dahilan, kabilang na ang injury o impeksyon. Sa mga malulubhang kaso, ang namamagang bayag ay maaaring maging indikasyon ng kanser.  Ang pag-alam sa mga sintomas at sa mga paraan kung paano magagamot ito ay makatutulong sa mas mabilis na paggaling.

Paano Gamutin Ang Pamamaga Ng Bayag O Testicles?

Ano ang namamagang bayag?

Ang namamagang bayag ay ang pamamaga ng bayag. Makikita ito sa paglaki ng scrotum o scrotal sac, kung saan nakabalot ang bayag. Kung ang fluid ay naipon sa loob ng scrotum o sa paligid nito, lalaki ito nang hindi normal. Sa ibang pagkakataon, magkakaroon ng bukol sa isa o sa parehong bahagi ng scrotum.

Ang pamamaga ay maaaring hindi masakit o napakasakit. Karamihan sa mga kaso ng injury ay lubhang nagagamot. Magpakonsulta agad sa doktor kung paano gamutin ang namamagang bayag kung sobra na ang sakit. Kung patatagalin ang hindi pagpapagamot, magkakaroon ng tyansang mamatay ang tissue, at mawala ang iyong ari. Maaari ding senyales ng kanser ang namamagang bayag. 

Ito ay maaaring mabilis o mabagal na madebelop. May ilang hindi kinakikitaan ng mga senyales maliban na lamang kung susuriin ng doktor.

Ang kapansin-pansing paglaki ng scrotum ay ang pinakakaraniwang sintomas. Maaari din itong one-sided o bilateral at may kasamang bukol. Subalit ang mga sintomas na ito ay nagbabago depende sa sanhi.

Mga sanhi ng namamagang bayag

Bago malaman kung paano gamutin ang namamagang bayag, ang unang hakbang na dapat gawin ay ang pagtukoy sa sanhi nito. Ang ibang medikal na kondisyon o injury ay maaari ding dahilan nito. Ito ay nangyayari kung may pamumuo ng fluid, pamamaga, o hindi normal na paglaki sa loob o sa paligid ng scrotum.

Ang bacterial infection, congestive heart failure, rupture of testicles, at abnormalidad sa paglaki ng bayag ay maaaring makaapekto sa pamamaga. Ang iyong doktor ay makapagbibigay ng pinakamabuting paraan upang gamutin ang namagagang bayag matapos ang diagnosis.

Mga sintomas ng namamagang bayag

  • Trauma: Ang Groin injury ay napakakit subalit nagtatagal lamang sa loob ng ilang mga araw. Ang blunt trauma tulad ng aksidente sa paglalaro o direktang pagsipa o pagsuntok ay maaaring maging sanhi ng injuries. Nagreresulta ito sa pasa o pamamaga ng scrotal area at testes. Ang mga paraan upang gamutin ang namamagang bayag na dahil sa trauma ay ang paggamit ng ice packs, pag-inom ng gamot para sa sakit, at jock strap.
  • Testicular torsion: Ang Testicular torsion ay isang injury kung saan ang bayag ay napipilipit sa loob ng scrotum, dahilan ng hindi maayos na sirkulasyon ng dugo. Kailangan itong agad na magamot sa pamamagitan ng operasyon. Ang hindi maayos na sirkulasyon ng dugo ay maaaring humantong sa pagkamatay ng tissue na makaaapekto sa paggana ng bayag.
  • Hydroceles: Ang hydrocele ay ang hindi mapanganib na pamumuo ng fluid sa paligid ng bayag. Sa karamihan ng mga kaso, ang hydroceles ay nararanasan nang biglaan at sa panahon ng early development. Sa pagbaba ng bayag sa scrotum, maaaring madebelop ang iregular na bukana na hindi nagsara. Ito ang dahilan kung bakit naiipon ang fluid.
  • Hernia: Katulad ng hydroceles, ang hernia ay nadedebelop sa panahon ng pagkapanganak. Ito ay kung kailan ang bahagi ng bituka o  intestinal fat ay tumama sa mahinang bahagi ng tiyan. Ang hernia ay karaniwan din sa mga obese na kalalakihan.

Iba pang sintomas ng namamagang bayag

  • Varicocele: Ang varicocele ay isang bukol na sanhi ng namamagang ugat sa bayag. Bukod sa pananakit at pamamaga ng bayag, ang mga matatandang kalalakihan ay maaaring makaranas ng problema sa reproductive. Kung mangyari ang varicocele sa panahon ng puberty, may tyansang ang isang bayag ay mabagal na lalaki.
  • Epididymitis: Ang epididymis ay ang bahagi ng bayag na siyang nagtatago o nagdadala ng sperm. Ang epididymitis ay ang pamamaga ng epididymis at bayag na sanhi ng impeksyon. Ito ay ang pinakakaraniwang uri ng pagsakit ng bayag sa mga kalalakihang nasa edad 18 pataas. Maaaring magamot ang namamagang bayag sa pamamagitan ng pag-inom ng antibiotics. Para sa mga kalalakihang sekswal na aktibo, ang epididymitis ay maaaring sanhi ng sexually transmitted diseases (STDs) tulad ng gonorrhea at chlamydia.
  • Cysts: Ang cyst ay isang maliit, nakasarang koleksyon ng fluid na katulad ng tagihawat. Nadedebelop ito sa ilalim ng scrotal skin. Ang ilang cysts ay abnormal ang laki na dahilan upang magkaroon ng presyon sa paligid ng groin, kaya namamaga.
  • Testicular cancer: Ang namamagang bayag ay maaari ding indikasyon ng tumor subalit ito ay lubhang hindi karaniwan. Ito ay nagagamot kahit sa advanced stages nito. Hindi tulad ng prostate cancer, ang testicular cancer ay hindi karaniwan. Batay sa isang pag-aaral, isa lamang sa 250 kalalakihan ang naaapektuhan nito, kadalasang nasa 20 hanggang 40 taong gulang.

Paano gamutin ang namamagang bayag: Tulong Medikal

Ang paggamot sa namamagang bayag ay lubhang nakadepende sa kalubhaan ng sanhi. Kung ang sakit ay nagdudulot ng malubhang hindi komportableng pakiramdam, mahalagang agad na magpakonsulta sa doktor. Gayundin kung walang nararamdamang pananakit subalit kapansin-pansin ang pagbabago sa bayag.

Ang diagnosis ng namamagang bayag ay nangyayari matapos pisikal na ipasuri ang bayag at scrotum. Makakatutulong ang pagbabahagi sa doktor ng iyong medical history dahil ang pamamaga ay maaaring resulta ng kamakailan lamang na injury o kondisyong pangkalusugan. Ang ultrasound at iba pang imaging tests ay makatutulong upang matukoy ang sanhi ng pamamaga. Kung maghinala ang doktor ng tumor, kinakailangang magsagawa ng biopsy.

Kung ang pamamaga ng bayag ay dahil sa injury, pamumuo ng fluid, o varicocele, maaari itong magamot sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot na pain relievers at anti-inflammatory. Kung ito ay dahil sa impeksyon, maaaring magreseta ang doktor ng antibiotics upang mawala ang bakterya. Dagdag pa, kung hindi epektibo ang oral antibiotics, maaaring kailanganin ng IV antibiotics o  intramuscular medications.

Kung ito ay dahil sa iba pang medikal na kondisyon, ang paggamot sa namamagang bayag ay may kaugnayan sa nararanasang sintomas. Maaaring magreseta ang doktor ng mga gamot upang makontrol ang pananakit. Makapagbibigay rin ng karagdagang tulong ang protective garments. Maaaring kailanganin ang operasyon upang magamot ang hernia at hydrocele.

Kung may makitang tumor, ang gamutan ay nagbabago depende sa kalubhaan. Kadalasan, kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Operasyon upang tanggalin ang tumor
  • Chemotherapy
  • Radiation therapy

Paano gamutin ang namamagang bayag: Home Remedies

Para sa mga kasong hindi gaanong malubha, may mga simpleng gamutan na maaaring gawin sa bahay. Matapos makatanggap ng tulong medikal, maaaring gawin ang home remedies.

  • Paggamit ng ice packs. Ilagay ito sa ibabaw ng scrotum sa loob ng unang 24 oras ng pamamaga.
  • Maglagay ng unan o tuwalya sa pagitan ng mga hita upang tumaas ang scrotum.
  • Uminom ng mga gamot na may reseta.
  • Iwasan ang paggawa ng mga matitinding pisikal na gawain.
  • Gumamit ng supportive athletic garment tulad ng jockstrap
  • Kung magkaroon ng pagdurugo, maglagay ng presyon sa ibabaw ng sugat at linisin ito ng maligamgam na tubig.

Ang sariling pagsusuri ng bayag ay isang epektibong paraan upang mapansin ang mga hindi pangkaraniwang pagbabago. Subukang gawin ito isang beses sa isang buwan upang maging pamilyar sa sariling bayag. Ang maagang pagtuklas sa sakit ay nangangahulugan ng mas mabilis na paggaling.

Pangunahing Konklusyon

Ang namamagang bayag ay maaaring maging sanhi ng matinding pananakit at hindi komportableng pakiramdam. Marami itong iba’t ibang sanhi subalit kadalasan ay hindi mapanganib.

Ang gamot sa namamagang bayag ay nakadepende sa sanhi nito, gayundin sa kalubhaan ng pamamaga. Kung ito ay dahil sa injury o impeksyon, maaaring uminom ng antibiotics at pain relievers.

Para sa mga mas malubhang kondisyon, maaaring irekomenda ng doktor ang operasyon o mas matagal na gamutan. Ang agarang gamutan ay mahalaga upang maiwasan ang mga panganib tulad ng pagkamatay ng tissue o hindi kawalan ng kakayahan ng bayag na gumana.

Matuto pa tungkol sa kalusugan ng mga kalalakihan dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Swollen Testicles (Testicular Swelling): Symptoms, Signs, Causes & Treatment, https://www.medicinenet.com/swollen_testicles/symptoms.htm, 25 May 2020

Testicular Swelling, Swollen Testicle Causes, Hydrocele | University of Utah Health, https://healthcare.utah.edu/menshealth/conditions/hydrocele-swollen-testicle.php, 25 May 2020

Swollen (Inflamed) Testicles Symptoms, Signs & Causes, https://www.emedicinehealth.com/swollen_testicles_causes_symptoms_and_signs/article_em.htm, 25 May 2020

Scrotal Swelling: Causes, Symptoms, and Treatments, https://www.healthline.com/health/scrotal-swelling#additional-symptoms, 25 May 2020

Should You Worry About Swollen Testicles? | University of Utah Health, https://healthcare.utah.edu/healthfeed/postings/2019/11/swollen-testicle.php, 25 May 2020

Scrotal swelling: Causes, symptoms, and treatment, https://www.medicalnewstoday.com/articles/327419#Summary, 25 May 2020

Swollen or painful testicle | healthdirect, https://www.healthdirect.gov.au/swollen-or-painful-testicle, 25 May 2020

How to determine early signs of testicular cancer | ABS-CBN News, https://news.abs-cbn.com/lifestyle/08/18/14/how-determine-early-signs-testicular-cancer, 25 May 2020

Inguinal hernia – Symptoms and causes – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/inguinal-hernia/symptoms-causes/syc-20351547, 25 May 2020

Kasalukuyang Version

02/24/2026

Isinulat ni Jan Alwyn Batara

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Benepisyo ng Pagkakaroon ng Balbas, Alamin Dito

Lalaking may Malaking Suso? Ano ang Gynecomastia?


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Jan Alwyn Batara · a

ad iconPatalastas

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconPatalastas
ad iconPatalastas