Ang condom ay epektibo at abot-kayang gamit para sa ligtas na pakikipagtalik. Gamit ito sa pakikipagtalik kung saan maiiwasan ang pagbubuntis nang hindi nakaaapekto sa fertility. 98% nitong sinisigurado ang hindi ninanais o inaasahang pagbubuntis at maiwasan ang pagkakaroon ng sexually transmitted diseases o STDs. Ano ang dapat gawin kung may pumutok na condom?
Gayunpaman, may pagkakataong pumuputok ang condom. Paano ito nangyayari? Malaking panganib ang dala ng pumutok na condom sa pakikipagtalik. Ayon sa pag-aaral, kasing taas ng 40.7% ang tsansa na maaaring pumutok ang condom o kaya naman ay mangyari ang mga hindi inaasahang bagay tulad ng pagkasira, pagkadulas, at pagtagas nito. Ang hindi tamang paggamit, maling pag-imbak ng condom, at ang kawalan ng kaalaman ukol sa ligtas na pakikipagtalik ang ilan sa mga dahilan kung bakit pumuputok ang condom.
Paano pumuputok ang condom? Ano ang mangyayari kung ang condom ay pumutok habang nakikipagtalik? At ano ang dapat mong gawin upang maiwasan ito? Higit sa lahat, ano ang gagawin mo kung mangyari ito? Basahin kung papaano ang gagawin kung pumutok ang condom.
Ano ba talaga ang condom?
Bakit may pumutok na condom? Bago natin ito sagutin, alamin muna natin kung paano gamitin ang condom. Ang condom ay gawa sa goma o latex na isinusuot sa tumigas na ari. Ginawa ito upang saluhin ang semilya tuwing ejaculation, papunta sa maliit na bukol sa dulo ng condom na tinatawag na reservoir. Nagsisilbi itong harang kaya naman tinatawag itong barrier contraception. Mayroon ding condom na pambabae. Mas malaki ito at may 95% itong kasiguraduhan. Maaaring ipasok ito sa ari ng mga babae nang hanggang walong oras bago makipagtalik.
Ang condom ay abot-kaya at madaling bilhin. Mabilis itong makikita sa maraming tindahan. Gayunpaman, maaari pa ring pumutok ang condom. Puwede kasi silang mabutas habang nakikipagtalik na maaaring magresulta sa impeksyon at pagbubuntis. Kaya naman, sagutin natin ito: “Papaano nabubutas ang condom?”
Bakit nabubutas ang condom?
Habang nakikipagtalik, maaaring hindi mapansin ng mag-asawa na ang condom ay sira o butas. Upang maiwasan o mabawasan ang tsansa ng ganitong pangyayari, makatutulong kung ang isa ay may kaalaman ukol sa ligtas na paggamit ng condom. Maaaring pumutok ang condom sa mga sumusunod na dahilan:
Maling paggamit
Sa pagsusuot ng condom, tingnan kung may sira o butas sa plastic. Laging mag-iwan ng espasyo sa dulo ng condom upang maiwasan ang pumutok na condom. Pagulungin ang condom pababa sa iyong ari upang hindi ito dumulas at matanggal.
Expired condom
Oo, may expiration ang mga condom. Laging suriin ang petsa kung kailan ito wala nang bisa na madalas na nakasulat sa gilid ng pakete ng condom. Maaaring matuyo at mawalan ng bisa ang latex condom kapag nagtagal.
Maling pag-imbak
Madaling matuyo ang condom kapag naarawan at nainitan. Siguraduhin na nakaimbak ito sa malamig, tuyong lugar, at panatilihing malayo ito sa mga matutulis na bagay upang maiwasan itong mabutas.
Friction at pagkapunit
Nakapagdudulot ng punit o sira sa condom ang friction o pag ito ay nakikiskis. Maaari din itong mabutas o mapunit gamit ang matutulis na bagay o maging ng iyong ngipin. Hawakan ito nang may pag-iingat. Makatutulong ang paggamit ng condom na may karagdagang pampadulas upang maiwasan ang pagputok ng condom. Malinaw na naipakita sa pag-aaral na ang paggamit ng condom na may karagdagang pampadulas ay nakababawas ng panganib ng pagkasira nang hindi pinatataas ang panganib ng pagtagas ng semilya.
Paggamit ng maling pampadulas
Nakakaapekto ang pampadulas na oil-based sa latex ng condom sapagkat mas numinipis at napupunit ito. Mainam na gumamit na lamang ng water-based na pampadulas dahil hindi nito nasisira ang plastik.
Pagsusuot ng dalawang condom nang sabay
Kakaiba man sa paniniwala, mas nangyayari ang pagputok ng condom kapag sabay na isinusuot ang dalawang condom. Sapat na ang paggamit ng isa. Pinatataas lamang ang tsansa ng pagkabutas ng condom kapag sabay mong ginagamit ang dalawang condom sa pakikipagtalik. Huwag pagsabayin ang paggamit ng condom na panlalaki at pambabae. Nagdudulot lamang ito ng friction at punit sa condom kapag ang latex ay naikuskos sa kaparehas nitong latex.
Anong nangyayari kapag nabutas ang condom habang nakikipagtalik?
Ang condom ay nagsisilbing proteksyon laban sa sexually transmitted diseases (STDs). Iniiwasan din nito ang hindi inaasahang pagbubuntis. Kapag may pumutok na condom, maaaring makuha ng iyong partner ang STDs o nakahahawang sakit tulad ng HIV, gonorrhea, at chlamydia. Maaari ding tumagas sa condom ang mga likido ng katawan tulad ng semilya, vaginal fluid, at dugo.
Laging ipinapayo ang pagbili ng kalidad na condom. Gayunpaman, kahit na kalidad ito, maaari pa rin itong masira o mabutas.
Ano ang dapat gawin kapag nabutas ang condom?
Ngayong alam na natin ang sagot sa tanong na “paano nabubutas ang condom?”, alamin naman natin kung ano ang dapat gawin kapag nabutas ito o pumutok. Ngunit paano nabubutas ang condom kahit na ginawa mo na ang lahat ng iyong makakaya upang maiwasan ang mga nabanggit na problema? Dahil ang totoo, kahit na ginawa mo na ang iyong makakaya upang maiwasan ang pagkasira ng condom habang ginagawa ang nasabing mga paraan sa itaas, maaari pa ring pumutok o mabutas ang condom. At kapag ito ay nangyari, siguraduhin na gawin ang mga sumusunod:
Pumutok na condom: Magsuot ng bagong condom
Kapag ang condom ay nasira o napunit habang nakikipagtalik, ang unang dapat gawin ay itapon ito at magsuot ng bagong condom. Kung ikaw ay nag-ejaculate na, tiyakin na mahila ang condom bago pa lumambot ang iyong ari, at siguraduhing wala itong tagas.
Pumutok na condom: Magpa-test kasama ang iyong partner
Ang magpatingin at magpa-test para sa STDs sa anumang oras ay mainam na maging gawi. Mabuti ring maipatingin kung may STDs na nakuha dahil sa nabutas o pumutok na condom. Sa pamamagitan nito, malalaman mo kung may mga impeksyon na dapat malaman at gamutin nang sabay.
Pumutok na condom: Gumamit ng pregnancy test
May dalang panganib ng hindi ninanais na pagbubuntis ang pagputok ng condom. Mainam na gumamit ng pregnancy test kit o kaya naman ay kumonsulta sa iyong doktor na malapit sa iyo kung ang pagkabutas ng condom ay nangyari.
Pumutok na condom: Kumonsulta sa iyong doktor o pumunta sa malapit na klinika para sa emergency contraception
Madali nang makikita at mabibili ang morning-after pills. Magpareseta at kumonsulta sa iyong doktor at alamin kung ano ang puwede mong mabili over the counter sa mga tindahan o botika.
Key Takeaways
Paano nabubutas ang condom? Maling pag-imbak, maling paggamit, friction, expiration date, at iba pa, ang ilan sa mga dahilan kung bakit may pumutok na condom. Makatutulong sa iyo ang kaalaman hinggil dito upang mas madali at magaan para sa iyo ang paggamit ng condom. Bagaman ang pagputok ng condom ay problema, hindi mo ito dapat ikatakot. Laging tandaan na bihirang mangyari ang pagputok ng condom. Kapag naman nabutas ang condom, makatutulong kung alam mo ang dapat na gawin. Sundin lamang ang mga payo sa itaas, at huwag mag-atubiling alamin ang iba pang pamamaraan sa ligtas na pakikipagtalik at mga solusyon dito.
Sa pagsagot sa tanong na “paano nabubutas ang condom?”, ang pinakaimportanteng bagay na dapat isaisip ay maging maalam, gamitin ang condom nang may pag-iingat, at laging ugaliing ang ligtas na pakikipagtalik.