backup og meta

Problema sa Reproductive System ng Lalaki, Anu-ano ang mga Ito?

Problema sa Reproductive System ng Lalaki, Anu-ano ang mga Ito?

Ang mga problema sa reproductive system ng lalaki ay sumasakop sa 14% ng kabuuang suliraning kinakaharap pagdating sa kanilang kalusugan.

Binubuo ng dalawang pangunahing bahagi ang reproductive system ng lalaki. Ito ang bayag at ang ari. Sa bayag nililikha ang semilya habang ang ari naman ang pangunahing organ na pang sekswal ng lalaki.

Nakakonekta ang ari sa parehong urinary at reproductive system. Ibig sabihin, ginagamit din ang ari para sa pag-ihi. Matatagpuan naman ang bayag sa lagayan na tinatawag na eskrotum kung saan may kalamigan ang temperatura kumpara sa temperatura ng katawan upang makatulong sa paglikha ng semilya.

Ang mga pangunahing trabaho ng reproductive system ay gumawa, panatilihing maayos, at maghatid ng genetic na materyal. Kabilang dito ang sekswal na pagpukaw, paninigas ng ari, orgasm, at paggawa ng semilya habang nakikipagtalik.

Karangalan ng maraming lalaki ang kanilang reproductive system at ginagamit din ito bilang sukatan ng kanilang pagkalalaki. Kapag nagkakaroon ng problema sa reproductive system ng lalaki, kadalasan nilang ikinahihiya ang pagpunta sa doktor.

Hindi dapat ganito ang mangyari lalo na’t may mga problema sa reproductive system ng lalaki ang nangangailangan ng medikal na atensyon. Ilan sa mga sakit o problema sa reproductive system ng lalaki ang:

  • Congenital malformations (hindi pagbaba ng bayag sa normal na puwesto sa eskrotum/cryptorchidism at hypospadias)
  • Testicular at prostate cancer
  • Pagkabaog
  • Erectile dysfunction
  • Pagbabawas ng libog
  • Abnormal na pagbulalas

Sa mga nabanggit na problema sa reproductive system ng lalaki, tatalakayin ng artikulong ito ang tatlo sa pinakakaraniwang sakit sa reproductive system, mga sintomas, at gamutan para dito.

Palaging tandaan na huwag tangkaing gamutin ang sarili. Kung makaramdam ka ng anumang sintomas na nakalista sa ibaba, agad na kumonsulta sa doktor.

Prostate Cancer

Sa Pilipinas, isinasagawa ng Department of Health ang prostate cancer awareness month tuwing Hunyo upang tulungan ang mga Pilipinong lalaki na maging komportable sa pagkonsulta sa doktor kung sa palagay nilang may prostate cancer sila.

Sa buong mundo, may tinatayang 1.3 milyong bagong kaso ng prostate cancer taon-taon. Kaya naman ito ang pangalawa sa pinakakaraniwang uri ng kanser sa mga lalaki. Sa Pilipinas, 19.3 sa bawat 100,000 Pilipino ang may prostate cancer.

Ang prostate cancer ay isang uri ng kanser na nagagamot kung malalaman nang maaga. Nagsisimula ito sa prostate gland na nasa pagitan ng ari at pantog.

Nagsisilbi itong tagagawa ng likido na nangangalaga at nagdadala sa semilya. Tumutulong din ito sa pagkontrol ng pag-ihi at paglikha ng protina upang mapanatili ng semilya ang likidong anyo nito.

Mga Sintomas ng Prostate Cancer

Kadalasang walang malalang sintomas ang prostate cancer. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang sumailalim sa prostate cancer screening taon-taon ang mga lalaki simulang edad 50 taong gulang. Bagaman sa ilang mga lalaki, nakakaranas sila ng mga sumusunod:

  • Nahihirapang umihi
  • Madalas at masakit na pag-ihi sa gabi
  • Masakit kapag nama-masturbate
  • Dugo sa ihi o semilya
  • Nahihirapang tigasan (erection)
  • Masakit kapag nakaupo o kapag magkadikit ang mga tuhod.

Paggamot sa Prostate Cancer

Sa anumang uri ng cancer, nakabatay ang paggamot sa kung anong yugto na ito. Pinakamabuting kumonsulta sa doktor pagdating sa paraan ng gamutan.

Male Infertility

Sa Pilipinas, isa sa sampung mag-asawa ay may problema sa fertility. Bagaman sa isinagawang pag-aaral, hindi malinaw na sinabi kung ilang porsyento ang dahil sa mga lalaki at ilan naman ang dahil sa mga babae. Sa artikulong ito, pagtutuunan natin ng pansin ang infertility sa mga lalaki.

Isa sa mga pinakakaraniwang problema sa reproductive system ng lalaki ang infertility. Ito ang kakulangan sa kakayahang gumawa ng mataas na bilang ng semilya o ang pagkakaroon ng abnormal na paggawa o kaya’y pagbara ng daanan ng semilya na nagiging hadlang sa paglalabas ng semilya.

Maaaring dulot ng problema sa kalusugan, karamdaman, pinsala sa katawan, paraan ng pamumuhay, matagal nang problema sa kalusugan, at iba pang salik ang infertility sa mga lalaki. Bagaman sobrang nakalulungkot ito para sa mga lalaking nais magkaroon ng anak, mayroon namang mga paggamot na mayroon para dito.

problema sa reproductive health ng lalaki

Mga Sintomas ng Infertility sa Lalaki

Ang pangunahing sintomas ng infertility sa lalaki ay ang kawalan ng kakayahang makabuo ng anak matapos ang isang taong aktibong pagtatangkang makabuo. Sa halos 35% ng mag-asawang may infertility, parehong babae at lalaki ang sanhi nito. Sa 10%, lalaki lamang ang nakikitang sanhi ng infertility.

Ito ang mga kadalasang sintomas na mayroon ka nang infertility bagaman mayroon pang iba:

  • Problema sa sexual function gaya ng erectile dysfunction, nababawasang lebel ng libog, o abnormal na ejaculation
  • Mga problema sa kanilang semilya (hindi malusog ang tamod, kulang sa tamod, o wala talagang tamod).
  • Mga problema sa bayag (sumasakit o namamaga)
  • May mababang level ng testosterone (kinakailangan para sa paglikha ng mature na tmaod)
  • Genetic problems na mayroon ang lalaki pagkapanganak pa lang

May ilang risk factors na kaugnay ng male infertility:

  • Paninigarilyo
  • Pag-inom ng alak
  • Paggamit ng iligal na droga
  • Labis na katabaan
  • Mga mental health problem gaya ng depresyon
  • Mga impeksyon at exposure sa mga lason
  • Sugat sa bayag
  • May history ng bayag na hindi bumaba ng ayos

Paggamot sa Male Infertility

May tatlong kategorya ang gamutan para sa male infertility.

  • Hormonal treatment upang maparami ang bilang ng tamod o non-invasive na pamamaraan upang makakolekta ng tamod. May mga lalaking mababa ang mga lebel ng kanilang hormone kaya’t maaari silang gamutin gamit ang hormone shots.
  • Operasyon upang buksan ang bara sa bayag. Halimbawa, ang lalaking sumailalim na noon sa vasectomy ay puwedeng operahan upang buksan ang tubo kung saan dumaraan ang tamod.
  • Assisted reproductive techniques, gaya ng vitro fertilization (IVF) o intrauterine insemination (IU). Kadalasang ginagamit ang mga ito para sa non-specific male infertility.

Karamihan sa problema sa male infertility ay maaaring gamutin nang hindi kinakailangang magpaopera.

Erectile Dysfunction

Karaniwang problema sa reproductive system ng lalaki ang erectile dysfunction. Ito ang kawalang kakayahan ng lalaking patigasin o panatilihing nakatayo ang ari. Apektado ng erectile dysfunction ang nasa 40% ng mga lalaki.

Nangyayari itong problema sa reproductive system ng lalaki kapag naging limitado ang pagdaloy ng dugo sa ari o kapag napinsala ang nerves. Maaari ding mangyari ito kapag may sobrang emotional stress.

Minsan, maaaring senyales din ang erectile dysfunction ng mas malaking problema gaya ng atherosclerosis, sakit sa puso, o high blood pressure.

Mga Sintomas ng Erectile Dysfunction

  • Nahihirapang tigasan
  • Nahihirapang panatilihin ang pagtigas ng ari
  • Nababawasan ang kagustuhan sa pakikipagtalik

Paggamot para sa Erectile Dysfunction

Karaniwang nagsisimula sa pisyolohikal na lebel ang erectile dysfunction. Kaya naman maaaring magsimula ang iyong doktor ng gamutan sa pamamagitan ng pag-aalaga sa iyong puso.

Maaari ding sabihin sa iyo ng doktor na magsagawa ng pagsusuri sa pamumuhay at gawin ang mga pagbabago lalo na sa pagkain, pagtulog, at mga bisyo tulad ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, o paggamit ng drogang panlibangan. Maaari ding sabihin sa iyo ng doktor na dagdagan ang pag-eehersisyo.

Iba pang pwedeng gawin:

  • Paggamit ng oral drugs o pills na kilala sa tawag na phosphodiesterase type-5 inhibitors tulad ng Viagra o Cialis
  • Penile injections
  • Vacuum-assisted erection devices
  • Penile implants/prostheses
  • Intraurethral medication

Bilang huling option, pwedeng magsagawa ng operasyon. Kaya lamang, hindi ipinapayo ang penile vascular surgery sa mas matandang lalaki na may matitigas nang arteries.

Ang mga problema sa reproductive system ng lalaki ay isang bagay na hindi komportableng pag-usapan ng karamihan sa mga lalaki. Gayunpaman, ang kamalayan at maagang pagtukoy sa sakit ay pinakamabuting paraan upang matulungan kang tugunan ang mga problemang ito.

Kung hindi ka komportableng magtanong sa iba tungkol dito, magpa-book na ng appointment sa iyong doktor na kayang sagutin ang mga tanong mo nang walang paghuhusga.

Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Kalalakihan dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Prostate Cancer Awareness Month https://www.officialgazette.gov.ph/2011/06/02/prostate-cancer-awareness-month/ Accessed June 15, 2020

Diseases of the Male Reproductive System https://www.providencephysicians-sc.com/our-practices/providence-urology-specialists/diseases-of-male-reproductive-organs Accessed June 15, 2020

Why Men Should Undergo Prostate Screening https://news.abs-cbn.com/lifestyle/06/16/15/why-men-should-undergo-prostate-screening Accessed June 15, 2020

Group launches free prostate cancer consultation on June 16 https://www.pna.gov.ph/articles/1037538 Accessed June 15, 2020

Reproductive System: Facts, Functions & Diseases https://www.livescience.com/26741-reproductive-system.html Accessed June 15, 2020

Male Reproductive System https://medlineplus.gov/malereproductivesystem.html Accessed June 15, 2020

Disorders of the Male Reproductive Tract https://accessmedicine.mhmedical.com/content.aspx?bookid=961§ionid=53555704 Accessed June 15, 2020

Disorders of the Male Reproductive System https://www.ck12.org/book/ck-12-human-biology/section/20.5/ Accessed June 15, 2020

Male Reproductive System Disease https://www.malacards.org/card/male_reproductive_system_disease Accessed June 15, 2020

Male Reproductive System Diseases & Disorders https://study.com/academy/lesson/male-reproductive-diseases-disorders.html Accessed June 15, 2020

Male Genital Problems & Injuries https://www.uwhealth.org/health/topic/symptom/male-genital-problems-and-injuries/maleg.html Accessed June 15, 2020

What is Male Infertility? https://www.urologyhealth.org/urologic-conditions/male-infertility Accessed June 15, 2020

Infertility in Men Diagnoses: What You Can Do https://www.unilab.com.ph/articles/Infertility-in-Men:-Diagnosis,-What-You-Can-Do Accessed June 15, 2020

What is Reproductive Health Care? https://www.doh.gov.ph/node/1376 Accessed June 15, 2020

Male Reproductive Disorders and Fertility Trends: Influences of Environment and Genetic Susceptibility https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4698396/ Accessed June 15, 2020

Male Infertility: Symptoms and Causes https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/male-infertility/symptoms-causes/syc-20374773 Accessed June 15, 2020

One in 10 Filipinos are infertile — survey https://www.bworldonline.com/one-in-10-filipinos-are-infertile-survey/ Accessed June 15, 2020

Kasalukuyang Version

07/27/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Kaugnay na Post

Mababang Sperm Count, Paano Mareremedyohan


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement