backup og meta

Tulo ng Lalaki: Ano ba ang Sanhi, at Paano Ito Nagagamot?

Tulo ng Lalaki: Ano ba ang Sanhi, at Paano Ito Nagagamot?

Ang anumang likidong lumalabas sa ari ng lalaki na hindi ihi o semilya ay tinatawag na tulo ng lalaki o urethral discharge. Karaniwan itong nangyayari kapag may pamamaga sa urethra (urethritis).

Maaaring magkakaiba ang texture (matubig o malabo), kulay (puti, pula, maberde, o madilaw), at amoy ng tulo ng lalaki. Puwede rin itong sabayan ng ihing may dugo (hematuria).

Maaaring mangyari ito aktibo man siya o hindi sa pakikipagtalik. Nakakaranas din nito maging ang mga hindi pa tuli dahil sa “balanitis” o ang pamamaga ng foreskin.

Ang sexually transmitted disease (STD) at urinary tract infection (UTI) ang pangunahing mga sanhi ng tulo ng lalaki. Maaaring magdulot ito ng matinding stress. Puwedeng makaranas ang mga tao ng sakit, hapdi, o kirot kapag umiihi. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang malaman kung paano ginagamot ang tulo ng lalaki.

Mga Sintomas ng tulo ng lalaki

Bukod sa kakaibang kulay, amoy, at texture ng likidong lumalabas sa ari ng lalaki, may iba pang mga sintomas na maaaring lumitaw dulot ng tulo ng lalaki. Kabilang dito ang:

  • masakit at mahapding pakiramdam kapag umiihi (dysuria)
  • dugo sa ihi (hematuria) at semilya
  • masakit kapag nakikipagtalik
  • mas madalas umihi
  • masakit na pagsasalsal
  • pamumula, pamamaga, o pananakit ng dulo ng ari
  • masakit, may discharge, at pamamaga ng anal region (puwet)
  • may pananakit, pamamaga, o paglambot ng bayag

Kung hindi magagamot agad, maaaring makakita ang taong nakararanas nito ng mga sintomas sa iba pang bahagi ng katawan gaya ng:

  • pagsusuka
  • mga pantal sa iba pang bahagi ng katawan
  • mga katulad na sintomas ng trangkaso gaya ng lagnat, ubo, pananakit ng ulo, pananakit ng katawan, pananakit ng lalamunan, at pagkaantok

Ang minor penile discharge o tulo ng lalaki ay maaaring tumutukoy sa mas seryosong problema na nangangailangan ng agarang medikal na atensiyon. Hindi sapat na alam mo lang kung paano gamutin ang tulo ng lalaki. Kung nakararanas ka ng mga sumusunod, panahon na upang bumisita sa doktor o tumawag sa emergency number:

  • matinding pananakit ng bayag
  • lagnat na mas mataas pa sa 39 degrees celsius
  • kumakalat ang pamamaga at pamumula sa singit

Mga Sanhi

Upang malaman kung paano gamutin ang tulo ng lalaki, dapat munang malaman ng isang tao ang mga sanhi nito. Isa sa mga kilalang sanhi nito ay urinary tract infection (UTI) at sexually transmitted diseases (STD) tulad ng gonorrhea, chlamydia, at trichomoniasis.

Kabilang sa tulo na sanhi ng pakikipagtalik ang:

  • Urethritis – pamamaga ng urethra na sanhi ng bacterial infection. Ayon sa pag-aaral, nasa 4 na milyong Amerikano ang nakararanas ng urethritis taon-taon.
  • Trichomoniasis – dulot ito ng protozoan parasite na tinatawag na Trichomonas vaginalis. Nagdudulot ang trichomoniasis ng urethritis na nagpapasimula ng pagkakaroon ng tulo.
  • Genital herpes – isang sanhi ng tulo ng lalaki na maaaring mauwi sa pananakit at pangangati ng ari. Isa itong karaniwang uri ng STD na nagsimula sa herpes simplex virus (HSV).
  • Mycoplasma genitalium – isa pang STD na nauuwi sa urethritis. Kadalasang asymptomatic ang mga taong mayroong mycoplasma.
  • Prostatitis – dahil sa pagbukol at pamamaga ng prostate gland, nagdudulot ng sakit at hirap sa pag-ihi ang prostatitis kaya’t nagkakaroon ng tulo.

Iba pang sanhi ng tulo ng lalaki

  • Iritasyon sa kemikal – pagkairita sa mga kemikal na mula sa mga produktong gaya ng sabon, deodorant, sabon panlaba at iba pa.
  • Balanitis – pamamaga o iritasyon ng foreskin na madalas na sanhi ng fungal infection dahil sa kakulangan ng kalinisan sa katawan.
  • Smegma – pag-ipon ng dead skin cells, oil, at moisture sa mga tupi/singit-singit ng foreskin. Hindi ito nakapipinsala dahil nakatutulong itong makapagpadulas habang nakikipagtalik. Kung hindi malilinis nang maayos, magdudulot ng iritasiyon ang bad bacteria sa smegma at puwedeng mauwi sa UTI. Mas madalas mapansin ang smegma sa mga hindi pa tuling lalaki.
  • Pre-ejaculate – malinaw at malagkit na likidong lumalabas sa penis habang may sexual arousal. Madalas na tinatawag na “pre-cum”.
  • Urinary tract infection – karaniwang kilala bilang isa sa pangunahing sanhi ng tulo ng lalaki. Maaaring mauwi ang UTI sa madalas na pag-ihi, mahapding pakiramdam habang umiihi, mabahong amoy at malabong ihi. Sa mga lalaki, kadalasang ang matatandang higit 50 na ang edad ang may posibilidad na makakuha ng impeksiyong ito.

Gamutan sa tulo ng lalaki

Hindi lahat ng tulo ay mapaminsala sa iyong reproductive health. Ngunit kung hindi ito magagamot, maaari itong mauwi sa mas seryosong mga kondisyon. Makatutulong ang sapat na kaalaman kung paano gagamutin ang tulo upang mapababa ang panganib nito.

Kailangan mo nang magpunta sa doktor kapag nararanasan mo na ang:

  • masakit na pag-ihi, paliligo, at pakikipagtalik
  • may likidong lumalabas na hindi ihi o semilya
  • umuumbok at namamagang ari
  • pagbabago sa kulay at mabahong amoy mula sa ihi
  • pagduduwal na may lagnat at pagsusuka

Dapat ka ring magpunta sa doktor kung sino man sa iyong sexual partner ay may STDs. Kahit na wala kang sintomas na nararamdaman, maaaring nahawahan ka na nito.

Puwedeng magamot ang tulo ng lalaki kung palagi kang may malay sa maaaring sanhi nito. Kung STD ang isa sa iyong ipinag-aalala, pinakamainam na magpatingin hangga’t maaga upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Nakababawas din ng tsansang magkaroon ng tulo kapag mas kaunti ang sexual partners at hindi masyadong aktibo sa pakikipagtalik.

Key Takeaways

Hindi normal ang tulo ng lalaki at maaaring senyales na ito ng kasalukuyang impeksiyon sa iyong urinary tract. Mahalagang humingi ng medikal na atensiyon bilang paraan ng paggamot sa tulo.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Penis Discharge – Symptoms, Causes, Treatments, https://www.healthgrades.com/right-care/mens-health/penis-discharge, 21 May 2020

Penile Discharge: Symptoms & Causes of Penis Discharge, https://www.stdcheck.com/std-symptoms-penis-discharge.php, 21 May 2020

Male discharge that is not an STD: 5 causes, https://www.medicalnewstoday.com/articles/326507#balanitis, 21 May 2020

Penile discharge: Is it normal?, https://www.letsgetchecked.com/articles/penile-discharge-is-it-normal/, 21 May 2020

Kasalukuyang Version

07/23/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Ano ang Phimosis at Paano Ito Ginagamot?

Ano ang Pwedeng Gamot sa Penile Fracture at Paano Iwasan Ito?


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement