Maraming kalalakihan ang nakararanas ng paglaki ng prostate at sinusubukan nila ang iba’t ibang mga paraan upang gumaling. Sa artikulong ito, basahin at alamin kung bakit lumalaki ang prostate.
Ano ang malaking prostate?
Ang malaking prostate ay isang kondisyon ng prostate na tinatawag na benign prostatic hyperplasia (BPH). Bakit lumalaki ang prostate? Nakararanas ng ganitong kondisyon ang isang lalaki kung ang cells ng prostate gland ay nagsimulang dumami. Ang mga sobrang cells na ito ang dahilan upang mamaga ang prostate gland. Gayundin, pinipiga nito ang urethra na naglilimita at humaharang sa daloy ng ihi.
Ang benign prostatic hyperplasia ay iba mula sa prostate cancer at hindi nakapagpapataas sa tyansa ng pagkakaroon ng cancer. Subalit maaari kang makaranas ng mga sintomas na maaaring makaapekto sa iyong normal na buhay.
Bakit lumalaki ang prostate? Mga sintomas ng BPH
Ang mga kalalakihang nasa edad 50 pababa ang mas posibleng magkaroon ng BPH. Maaaring maranasan nila ang mga sintomas na nasa ibaba. Ang mga ito ay kadalasang hindi gaanong malubha, subalit maaaring lumala kung hindi gagamutin. Ang mga sintomas ay ang mga sumusunod:
- Mahinang daloy ng ihi
- Masakit na pag-ihi
- Naaantalang daloy ng ihi
- Pagtulo ng ihi sa huling daloy nito
- Nocturia (pag-ihi sa gabi dalawang beses o higit pa)
- Ang laman ng pantog ay hindi kumpletong nauubos
- Pagtagas ng ihi
- Pagkakaroon ng dugo sa ihi
- Biglang pag-ihi
Kausapin ang iyong doktor kung ikaw ay nakararanas ng mga sintomas na ito. Nagagamot ang BPH at maaari nitong mapigilan ang pagkakaroon ng mga komplikasyon.
Bakit lumalaki ang prostate? Mga Makatutulong na Payo
Maaaring subukan ng mga kalalakihang nakararanas ng pagkakaroon ng malaking prostate ang mga payo na ito upang makontrol ang kanilang kondisyon.
Bawasan ang pag-inom ng caffeine, alak, at mabubulang inumin
Mahirap man ngunit kailangan mong limitahan ang pag-inom ng alak, caffeine, at mabubulang inumin, at ng mga artipisyal na pampatamis. Ito ay dahil maaaring maging sanhi ang mga ito ng iritasyon sa pantog at makapagpalubha sa mga nararanasang sintomas. Mainam na bawasan ang pag-inom ng fluids tuwing hapon o gabi upang maiwasan ang pag-ihi sa kalagitnaan ng gabi. Ang madalas na pag-ihi ay isa sa mga pinakakarawaniwang sintomas ng BPH.
Ang alak at iba pang inumin ay dahilan ng madalas na pag-ihi. Kaya limitahan ang sobrang pag-inom ng mga ito upang maiwasan ang BPH.
Umihi bago umalis ng bahay
Siguraduhing walang laman ang iyong pantog bago umalis ng bahay. Sa pamamagitan nito, lumuluwag ang iyong pantog at naiiwasan ang biglang pangangailangang pumunta sa banyo. Dahil sa BPH, pakiramdam mo ay kailangan mong umihi nang mas madalas. Ito ay dahil sa ganitong kondisyon, hindi ganap na nawawalan ng laman ang iyong pantog.
Umihi nang dalawang beses
Matapos mong umihi, maghintay ng ilang minuto at subukang umihi muli. Sa ganitong paraan, nasisigurado mong wala na talagang laman ang iyong pantog. Ngunit huwag pilitin ang pag-ihi.
Gawin ito tuwing ikaw ay gagamit ng banyo. Kung ikaw ay makaranas ng anomang hindi magandang pakiramdam, bumisita sa iyong doktor at pag-usapan ang tungkol dito.
Uminom ng mga iniresetang gamot
Uminom ng mga gamot na inireseta ng iyong doktor. Kung umiinom ng anomang OTC na gamot, tanungin ang iyong doktor tungkol sa side effects nito. Ang ibang OTC na gamot ay maaaring makapagpalubha sa mga sintomas ng BPH. Dagdag pa, ang mga gamot na ito ay maaaring makapagpataas o makapagpababa ng dalas ng pag-ihi.
Kaya siguraduhing uminom ng gamot na makagagamot sa mga sintomas ng BPH.
Kumain ng masusustanyang pagkain
Siguraduhing kumain ng mga sariwang prutas at gulay na may benepisyo sa iyong prostate. Maaaring isama sa iyong dyeta ang mga gulay na may dahong kulay berde, prutas, green tea, at mga produktong may soy. Maaari ding idagdag ang mga pagkaing may omega-3 fatty acid. Siguraduhin ang paglimita sa mga matatabang pagkain.
Ang pagdaragdag ng mga ito sa iyong dyeta ay makatutulong na palakasin ang kalusugan ng iyong prostate.
Panatilihin ang iyong timbang
Kung ikaw ay overweight, subukang magbawas ng timbang upang maiwasan ang BPH o anomang problemang kaugnay ng prostate. Ito ay dahil ang pagiging overweight ay maaaaring makapagpalubha ng mga sintomas.
Ang pinakamabuting paraan upang mabawasan ang timbang ay ang regular na pag-eehersisyo, pagkain ng masustansyang dyeta, at paglimita at pag-iwas sa pag-inom ng alak at pagkain ng mga matatamis.
Subukan ang urethral masssage
Ang paraang ito ay nakatutulong upang lumabas ang lahat ng laman ng pantog at maiwasan ang pagtulo ng ihi. Mas kilala ito bilang urethral milking. Matapos umihi, gamit ang mga dulo ng daliri ay pataas na hugurin nang marahan ang likod na ibabang bahagi ng iyong scrotum o ang balat sa paligid ng testicles. Mararamdaman mo ang iyong urethra. Marahang hagurin ang bahaging ito habang ginagalaw ang iyong mga daliri papunta sa ibabang bahagi ng iyong tite tungo sa dulo nito.
Maaaring tanungin lagi ang iyong doktor tungkol sa urethral massage upang magkaroon ng wastong kaalaman. Alamin ang tamang paraan ng pagsasagawa ng masaheng ito.
Kontrolin ang iyong stress
Ang stress ay maaaring maging dahilan ng madalas na pag-ihi. Kaya mainam na kontrolin ang iyong stress upang mas bumaba ang dalas ng pag-ihi.
Subukang magnilay, isulat ang iyong mga saloobin sa iyong diary, maligo ng maligamgam na tubig, maglakad-lakad, makipagkita sa kaibigan, o maglaro. Sa pamamagitan nito ay mas epektibo mong makokontrol ang iyong stress.
Kailan dapat magpakonsulta?
Inirerekomenda ng American Cancer Society sa mga sumusunod na grupo ng kalalakihan ang pagpapasuri ng kanilang prostate at kausapin ang kanilang doktor tungkol sa kanilang mga alalahanin:
- Mga kalalakihang higit edad 40 na may mataas na tyansa
- Mga kalalakihang higit edad 45 na may katatamtamang tyansa
- Maga kalalakihang edad 50 na may mas mababang tyansa ng pagkakaroon ng prostate cancer
Makatutulong ang prostate screening upang malaman ng doktor kung ikaw ay may prostate cancer.
Bago pa man magkaroon ng malaking prostate, bumisita na sa doktor at humingi ng mga payong medikal.
Anomang edad ay maaaring magkaroon ang mga kalalakihan ng malaking prostate. Ito ay dahil ang kanilang gland ay hindi tumitigil sa paglaki sa kanilang buong buhay. Ipinapayo ang regular na pagsailalim sa prostate screenings.
Maraming gamot ang makatutulong sa iyo upang harapin ang pagkakaroon ng malaking prostate. Gamitin ang mga ito at siguraduhing mabuti ang kalusugan ng iyong prostate.
Matuto pa tungkol sa Penis Health, dito.














