Ano ang varicocele? Ang varicocele ay tumutukoy sa pagluwang ng mga ugat ng scrotum na maaaring maging sanhi ng hindi komportableng pakiramdam, pagbigat, pananakit, at testicular atrophy. Sa mga malulubhang kaso, ito ay maaaring maging sanhi ng infertility. Sa ilang mga kalalakihan, ito ay maaaring isang kondisyong walang sintomas at kadalasang nakaaapekto sa kaliwang testicle kaysa sa kanan. Ito ay dahil, ang mga apektadong ugat ng scrotum ay karamihang natatagpuan sa kaliwa. Minsan, maaari nitong maapektuhan ang parehong testicles. Ang mga ugat na ito ay katulad ng sa varicose veins ng mga binti.
Bagama’t ang ilan ay nakikita, ang iba naman ay nararamdaman. Ang ibang mga sintomas ng varicocele ng testis ay maaaring sabayan ng mabigat na pakiramdam. Nagbabago-bago ang laki ng varicocele sa bawat indibidwal. Maaaring mawala ang varicocele ng testis kung nakahiga at maaaring muling makita kung nakatayo.
Ang varicocele ay isang kondisyon ng hindi normal na pagluwang ng mga ugat ng isa o maaaring parehong testis ng scrotum.
Ano Ang Varicocele? Mga Sintomas Nito
Ang mga sintomas ng varicocele ay nagbabago-bago sa bawat pasyente. Hindi lahat ng mga sintomas ay nararanas ng mga taong may ganitong kondisyon. At ang pinakamahalaga, ito ay maaaring walang sintomas. Ito ay nangangahulugang wala itong panlabas na manipestasyon. Kung makaranas ng mga sintomas, ito ay kadalasang matapos tumayo o maupo nang matagal, matapos nang matinding ehersisyo, o tuwing mainit ang panahon.
Narito ang mga posibleng sintomas:
- Hindi nawawalang pananakit ng testicle(s)
- Hindi komportableng pakiramdam sa apektadong testicle(s) at sa mga katabing bahagi
- Maluwang na mga ugat sa scrotum na kung hahawakan ay tila mga bulate
- Pagiging maliit ng apektadong testicle dulot ng hindi magandang daloy ng dugo
- Mabigat na pakiramdam sa scrotum
Ano Ang Varicocele? Mga Sanhi Nito
Ang mga ugat na daluyan ng dugo ay nagiging malaki dahil sa kawalan ng kakayahan ng valves ng mga malilit na ugat ng scrotum na gumana nang mabuti. Ang valves, na matatagpuan nang may pagitan, ay nagbubukas upang dumaloy ang dugo patungo sa puso. Gayunpaman, ang valves na ito ay nagsasara kung mas mahina ang pagdaloy ng dugo kaysa sa inaasahan. Sa ganitong paraan ay naiiwasan ang pagdaloy ng dugo nang pabalik sanhi ng gravity. Nakokolekta ang dugong ito sa mga ibabang bahagi ng mga ugat na nadedebelop bilang varicocele. Ang dahilan kung bakit hindi gumagana nang mabuti ang valves ay usap-usapan pa rin.
Sa mga bihirang kondisyon, ang bara sa mga mas malalaking ugat ng tiyan ay maaaring magbigay ng pressure sa mga mas maliliit na ugat ng scrotum. Ito ang nagiging dahilan ng pagluwang ng mga ugat sa scrotum, na humahantong sa kondisyon na varicocele testis. Ang bara sa mga ugat ay maaaring makaapekto sa temperatura ng testis. Ito ay maaaring makaapekto sa produksyon ng sperms at testosterone.
Ano Ang Varicocele? Mga Panganib At Diagnosis
Ang mga kabataan at mas batang mga kalalakihan ay kadalasang mas may tyansang magkaroon ng varicocele ng testis.
Kadalasang ang proseso ng diagnosis ng varicocele ay nakasunod sa kombinasyon ng mga medikal na pagsusuri. Ang mga kadalasang proseso ay ang mga sumusunod:
Pisikal Na Pagsusuri
Maaaring suriin ng doktor ang testis at ang mga nakapaligid na bahagi nito habang nakatayo ang pasyente upang ang scrotum ay nasa suspended na posisyon. Ang pagsusuri ay nakabatay sa mga sintomas na nabanggit kanina. Ito ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng pisikal na pagsusuri o testicular examination.
Ang timbang, laki, at posisyon ng testicle(s) ay sinusuri upang malaman kung may pamamaga o bukol. Ang epididymis, ang tubo kung saan dumaraan ang sperms sa testicles, ay maaari ding suriin upang malaman kung ito ay sensitibo. Maaari ding suriin ang spermatic cord upang malaman kung may pamamaga.
Mga Medikal Na Pagsusuri
Maaaring payuhan ng doktor ang mga pasyente na sumailalim sa ultrasound test upang suriin ang daloy ng dugi sa bawat ugat ng scrotum.
Gamutan
Karaniwan, ang varicocele testis ay hindi nangangailangan ng gamutan dahil ito ay kadalasang hindi mapanganib, maliban na lamang kung ito ay nasa malubhang yugto kung saan maaaring maapektuhan ang fertility. Kung kakailanganin, ang mga sumusunod ay ang mga opsyon sa gamutan ng varicocele:
Mga gamot na anti-inflammatory: Kung nakararanas ng hindi komportableng pakiramdam, pagbigat, pananakit, at iba pang mga sintomas, maaaring ireseta ang mga gamot upang maibsan ang pananakit at gumaling ang pamamaga.
Operasyon: Ang bahagyang invasive surgery tulad ng microsurgical varicocelectomy ay maaaring irekomenda sa outpatient. Kabilang dito ang maliit na hiwa sa ibabang bahagi ng singit at pagsasagawa ng operasyon sa ilalim ng general or local anesthesia. Walang panganib sa pagkawala ng testicle(s).
Pagbabago Sa Paraan Ng Pamumuhay At Home Remedies
Maaaring imungkahi ng doktor sa pasyente ang pagsusuot ng scrotal support matapos ang operasyon. Para sa mga pasyenteng hindi kailangan ng gamutan, walang pagbabago sa paraan ng pamumuhay ang dapat isagawa upang makontrol ang kondisyon.
Ang cold compress o ice pack ay maaari ding irekomenda ng doktor matapos ang operasyon. Para sa varicocele testis na hindi nagiging sanhi ng hindi komportableng pakiramdam, iritasyon, o pananakit, walang home remedies ang kinakailangang gawin.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Penis dito.