Ang phimosis ay isang kondisyon na nakakaapekto sa ari ng lalaki na hindi alam ng maraming lalaki. Ito ay pwedeng magdulot ng maraming sakit at kahirapan kung hindi ginagamot. Magbasa pa upang malaman kung ano ang phimosis, mga sintomas nito, at kung ano ang mga pinakaepektibong paraan ng paggamot.
Ano ang Phimosis?
Ang phimosis ay problemang nakakaapekto sa foreskin o balat sa may dulo ng ari ng lalaki. Ito ay isang kondisyon kung saan ang isang indibidwal ay hindi maaaring hilahin pabalik ang balat sa ibabaw ng glans o ulo ng ari ng lalaki. Para sa mga bagong silang na sanggol at maliliit na bata, normal lang na manatiling nakadikit ang foreskin. Ngunit habang sila ay tumatanda, ang balat na ito ay dapat tuluyang humiwalay sa glans.
Kadalasang nangyayari ito kapag ang bata ay mga 2 hanggang 6 na taong gulang, at pagtagal, dapat na normal mahila pabalik ng bata ang kanyang foreskin. Mahalaga para sa mga magulang na huwag piliting hilahin ang balat dahil maaari itong magdulot ng malubhang pinsala. Sa paglipas ng panahon, dapat itong lumuwag at pagkatapos ay matanggal nang normal, bagaman maaari itong mangyari sa ibang pagkakataon sa ilang mga bata.
Ano ang Nagiging Sanhi ng Phimosis?
May ilang mga dahilan kung bakit nangyayari ang phimosis. Isang posibleng dahilan ay dahil masyadong masikip ang foreskin. Nagiging mahirap o masakit na iurong ang balat. Sa mga adult, ang isang dahilan ay maaaring dahil sa hindi wastong kalinisan.
Ito ay dahil sa paglipas ng panahon, ang smegma, na binubuo ng dead skin cells, ay maaaring maipon sa ilalim ng foreskin. Kung hindi ito regular na nililinis, maaari itong maging sanhi ng impeksyon sa mga glans na kilala bilang balanitis. Ang paulit-ulit na balanitis ay maaaring lumikha ng peklat na tissue. Pagtagal ay magiging mahirap na iurong ang foreskin, na nagiging sanhi ng phimosis.
Kalimitan, ang phimosis ay hindi seryosong problema, lalo na kung ito ay nangyayari sa bata. Ito ay dahil ang phimosis mismo ay hindi nagdudulot ng seryosong banta sa kalusugan ng isang tao. Kaya lang, kung may pamamaga, pangangati, at pamumula, dapat agad na masuri ito ng doktor.