Ang penile fracture ay isang traumatic na pinsala sa titi. Bagaman bihira itong mangyari, mahalaga pa rin para sa mga lalaking maging maalam sa mga sanhi ng kondisyong ito, anong gamot sa penile fracture ang mayroon, at kung paano ito maiiwasan.
Ano ang Penile Fracture?
Ang penile fracture ay isang uri ng pinsala na dulot ng physical trauma sa isang nakatayong titi. Napakadalang nitong mangyari. Bagaman tinatawag itong “fracture”, iba ang penile fracture dahil walang mga buto ang titi. Sa halip, mayroon itong mga cylinder na napupuno ng dugo kapag tinitigasan. Ang mga cylinder na ito ay nababalutan ng matitibay na layer ng supporting tissue. Kapag may sapat na puwersang tumama sa titi kapag bumabaluktot, ang balot ng mga cylinder na may dugo ay pwedeng masira at magdulot ng penile fracture.
Ang mga lalaking nakakaranas ng penile fracture ay nakararamdam ng matinding sakit at nakakarinig ng tunog na parang may pumutok. Kalaunan, maiipon ang dugo sa lugar na ito kung saan nagkaroon ng pinsala, na nagdudulot ng pamamaga at pasa. May iba ring nakakaranas ng paglabas ng dugo sa urethra.
Seryosong pinsala ang mga penile fracture, at mahalaga para sa mga lalaking magpagamot agad para sa penile fracture. Kung hindi agad magagamot, puwede itong magdulot ng seryosong pinsala sa titi. Sa paglipas ng panahon, magdudulot ito ng pagsakit ng titi kapag tinitigasan, at may ilang lalaki ring nagkakaroon ng impeksyon o abscess sa kanilang titi.
Paano ito nangyayari?
Maaaring mangyari ang penile fracture kasunod ng sexual na pakikipagtalik na may kaugnayan sa pagbaluktot ng titi sa pagtatangkang ipasok ito. Puwede itong mangyari sa iba’t ibang paraan. Kadalasang kapag may matinding pakikipagtalik. Isang paraan na pwede itong mangyari kapag matindi ang pag-tulak ng lalaki, aksidenteng madudulas ito palabas ng puke, at tatama sa pelvis ng babae. Isa pa ay kapag nasa likod ng babae ang lalaki, at nadulas muli palabas ang ari. Kadalasang dulot ito ng maling pagpasok.
Isa pang paraan kung bakit nagkakaroon ng fracture ang ari ng lalaki ay dahil sa agresibong masturbation.
May ilang paniniwala rin ang nagdudulot ng pinsala sa titi. Ang taqaandan, na kilala rin bilang “penile cracking”, ay isang gawain sa ilang mga bansa upang itago ang erection o upang maabot ang mabilis na penile detumescence.
Kabilang sa mga sintomas ng penile fracture ang:
- Pagsakit ng titi
- Tunog na parang sumabog
- Hindi tinitigasan
- Pamamaga ng titi
- Pagbabago ng kulay at pagpapasa
Gamot sa penile fracture: Anong mga option ang available?
Pagdating sa gamot sa penile fracture, mahalagang tandaan na hindi ito pwedeng gamutin sa bahay. Ito ay dahil isang medical emergency ang penile fracture. Mahalagang humingi ng medikal na gamutan sa lalong madaling panahon upang magamot ang pinsala nang tama. Naiuugnay ang penile fracture sa concomitant urethral injury (daanan ng ihi). Kailangan din ng medical evaluation dahil 1 sa 5 (20%) ng penile fracture ay may ganitong pinsala.
Operasyon ang pinaka karaniwang gamot sa penile fracture.Madalang na magkaroon ng peklat sa titi at erectile dysfunction ang surgical repair. Sa operasyon, tinatanggal ang mga namuong dugo at inaayos ang anumang punit sa protective covering nito.
Matapos ang surgery, naglalagay ng catheter sa urethra upang makatulong sa pag-ihi. Nakatutulong din ito upang gumaling agad ang titi. Maaari nang makauwi ang pasyente matapos ang isa hanggang dalawang araw. Pinapayuhan ang mga pasyenteng umiwas muna sa anumang sexual activity sa loob ng isang buwan upang lubos na gumaling ang titi.
Paano ko maiiwasan ang penile fracture?
Bihira ang penile fracture, at mainam pa ring gumawa ng mga hakbang upang maiwasan itong mangyari. Narito ang ilang pwede mong gawin:
- Iwasan ang masyadong matinding pakikipagtalik dahil maaari itong magdulot ng injury sa iyo at sa iyong partner.
- Habang nakikipagtalik, kung madulas palabas ang titi, huminto pansamantala bago magpatuloy.
- Kung nasa ibabaw ang babae, tiyaking ipaalam sa kanya na mag-ingat, dahil ang posisyong ito ay maaari ding magdulot ng pinsala.
- Iwasan ang matinding masturbation dahil maaari ding magdulot ito ng fracture.
Key Takeaways
Isang nakakatakot na pangyayari para sa mga lalaki ang penile fracture. Gayunman, sa pamamagitan ng pagiging maingat sa kung ano ang ginagawa mo kapag nakikipagtalik, liliit ang tsansang magkaroon ka ng ganitong pinsala. Kung makaranas ka naman nito, agad na humingi ng tulong medikal upang maiwasan ang higit pang komplikasyon.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng lalaki dito.