“Ano ang luslos at paano ito ginagamot?” Ito ang madalas na tanong ng mga kalalakihan na conscious sa kanilang kalusugan, lalo’t sila ang karaniwang nagkakaroon ng luslos. Nagtataglay ang luslos ng medical term na “inguinal canal” at sinasabi na mayroon 4 na uri ng luslos ang mga lalaki. Pero bago natin tukuyin ang 4 na uri nito, alamin muna natin kung ano ang luslos?
Ano ang luslos?
Ayon sa iba’t ibang mga datos at doktor ang luslos ay ang paglusot ng ilang organs ng mga kalalakihan sa marupok na parte ng kanilang abdominal wall. Karaniwang nakikita ito sa anyo ng paglusot ng bituka patungo sa kanilang singit na sanhi ng pagkakaroon nila ng umbok sa bahaging iyon. Bagamat na madalas itong mangyari sa mga lalaki — maaari ring magkaroon ng luslos ang mga babae.
Nawawala ba ang luslos?
Ang luslos ay maaaring mawala at may pagkakataon na bumabalik ang organs ng tao sa dati nitong pwesto, partikular kung ang pasyente at nakahiga. Pero kapag patuloy ang pagtaas ng pressure sa kanilang abdominal wall pwedeng bumalik ito.
Bakit nagkakaroon ng luslos ang isang tao?
Pwede kang magkaroon luslos dahil sa sobrang pag-iri habang ikaw ay dumudumi. Bukod pa rito, narito pa ang ilang mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng luslos ang isang indibidwal:
- paninigarilyo
- pag-ubo nang malakas
- sobrang katabaan o obesity
- pagbubuhat ng mabibigat na bagay
- madalas at sobrang pag-eehersisyo
- pagiging aktibo sa sex
- constipation (na sanhi para magkaroon ng pagpilit at pagpwersa sa pag-iri ng dumi)
Maaari rin maging masakit ang pagkakaroon mo ng luslos sa tuwing umuubo ka o nagbubuhat ng mga bagay na mabibigat.
Anu-ano ang sintomas ng luslos?
Narito ang iba’t ibang sintomas ng luslos sa mga kalalakihan na dapat mong mapansin o makita:
- Pagkakaroon ng bukol na pwedeng makapa sa bandang ari
- Bukol sa ari ng lalaki na nakikita o nahahalata sa tuwing umuubo o nakatayo
- Mahapdi at masakit na pakiramdam sa bukol
- Pananakit ng singit kapag umuubo o nagbubuhat
- Pagkakaroon ng pamamaga sa paligid ng testicles ng lalaki dahil sa nakaluwang bituka na bumaba sa scrotum
- Pagkawala o nawawalan ng appetite sa pagkain
4 Na Uri Ng Luslos
Ngayon na alam mo na kung ano ang luslos, ito na ang panahon para malaman mo ang 4 na uri ng luslos sa mga kalalakihan. Narito ang mga sumusunod:
Incarcerated inguinal hernia
Nagaganap ito kapag ang tissue ng lalaki ay na-stuck sa kanilang singit at hindi makabalik sa dati niyang pwesto.
Indirect inguinal hernia
Ang uri ng luslos na ito ang pinakamadalas sa mga lalaki. Pwedeng maganap ito sa mga baby na ipinanganak ng mas maaga o premature. Dahil ang inguinal canal nila ay hindi pa nabubuo o nagsasara.
Bagamat ang uri ng luslos na ito ay madalas sa mga baby — tandaan mo na nagaganap pa rin ito sa anumang edad.
Strangulated inguinal hernia
Ayon sa mga artikulo ang uri ng luslos na ito ay isang seryosong bagay. Sapagkat pwedeng matigil ang flow ng dugo sa intestine ng mga lalaki sa apektadong lugar ng luslos. Ang uri ng luslos na ito ay lubhang delekado at maaaring ikamatay ng isang indibidwal.
Direct inguinal hernia
Sinasabi na ang uri ng luslos na ito ay konektado sa edad ng mga kalalakihan. Sapagkat habang nagkakaedad ang isang lalaki ay nanghihina ang kalamnan ng kanilang katawan. Pwede sila magkaroon ng ganitong uri ng luslos kung hindi sila mag-iingat.
Paano pwedeng magamot ang luslos?
Maaaring magamot ang luslos sa pamamagitan ng operasyon tulad ng open surgery, laparoscopic surgery, at robotic hernia repair. Gayunpaman kung hindi naman malala ang luslos maaaring madaan pa ito sa mga therapy upang maiwasan ang paglala nito.
Kailan dapat magpakonsulta sa doktor?
Ang tanging tao lamang na maaaring makapag-diagnose kung may luslos ang isang tao ay ang doktor. Maaari nilang masuri na ikaw ay may luslos sa pamamagitan ng physical examination at pagkuha at pagtatanong ng iyong medical history. Pwede ka rin nilang isailalalim sa imaging test, abdominal ultrasound, MRI scan, at CT scan para makita ang luslos.
Dapat ka na rin magpakonsulta sa doktor kapag nakaranas ka ng mga sumusunod:
- pagkahilo
- pagsusuka
- pagkakaroon ng mataas na lagnat
- paglala ng pananakit ng luslos
- pagiging mapula at maitim ng bukol bunga ng luslos
Kinakailangan mong magpakonsulta sa doktor kapag naramdaman mo ang alinman sa nabanggit upang malaman ang wastong paggamot na kailangan mo. Maaari kasing maging delikado ang luslos kapag nanatili sa abdominal wall ang laman at hindi ito makalabas. Humahantong kasi ito sa paghadlang ng pagdaloy ng dugo sa isang indibidwal.