Probiotics para sa menopause ay maaaring makatulong na mapawi ang mga sintomas na dulot ng menopause. Ang menopause ay maaaring maging isang mahirap na panahon para sa ilang kababaihan. Marami ang nakakaranas ng hot flashes, pagpapawis sa gabi at iba pang sintomas kasabay ng mga pisikal na pagbabago tulad ng pagtaas ng timbang. Ang mga sintomas na nangyayari sa panahon ng menopause ay maaaring mag-iba sa bawat babae. Maaaring wala kang mga sintomas. Ngunit ang ilan ay maaaring may banayad na mga sintomas, at ang iba pa ay maaaring may malalang sintomas. Ang mga sintomas ng menopause ay maaaring tumagal ng ilang taon. Maaari mong maramdaman na naabot mo na ang katapusan ng menopause kapag humina ang mga ito. Gayunpaman, ang pagpasok sa postmenopausal stage ay maaaring magdala ng karagdagang mga panganib sa kalusugan tulad ng osteoporosis at sakit sa puso.
Makakatulong ang probiotics para sa menopause sa sumusunod na kondisyon:
Pag-regulate ng moods
Ang ilang mga strain ng probiotic bacteria, tulad ng Bifidobacterium longum Rosell-175 at Lactobacillus acidophilus/helveticus Rosell-52, ay nagpapahusay ng mga mood swings. Sa isang klinikal na pagsubok, nagpakita ang mga strain na ito ng makabuluhang pagpapabuti sa depression, pagkabalisa, pati na rin ang pagsuporta sa pangkalahatang kalusugan ng bituka. Iminungkahi ng mga propesor sa Harvard Medical School na ang ilang mga strain ng bakterya ay maaaring magpabuti ng mood. Ito ay nangyayari sa pamamagitan ng direktang pagtaas ng mga antas ng ilang mga pangunahing feel-good neurotransmitters tulad ng GABA at serotonin sa katawan. Iminungkahi din ng pangkat ng pananaliksik sa Harvard na ang mga bakterya na ito ay maaaring mag-activate ng mga neural pathway sa pagitan ng gut at ng utak.
Probiotics para sa menopause hot flashes
Kinokontrol ng hypothalamus sa iyong utak ang hormonal system at temperatura ng katawan. Ang pagbawas sa produksyon ng estrogen sa panahon ng menopause ay maaaring makaimpluwensya sa paggana ng iyong hypothalamus na humahantong sa mga vasomotor symptoms. Lumalabas ang mga sintomas kapag ang mga daluyan ng dugo ay biglang nagbago sa laki, na nagreresulta sa isang mas mainit na temperatura ng katawan. Ang mga epekto nito ay karaniwang tinatawag na hot flashes at pagpapawis sa gabi. Isang pag-aaral sa 2017 na kinasasangkutan ng 62 kababaihan ay nagmumungkahi na ang pag-inom ng mga probiotic kasama ng mga suplemento tulad ng red clover ay maaaring makatulong na mabawasan ang mga vasomotor symptoms. Ang red clover ay isang uri ng legume na naglalaman ng isoflavone, isang sangkap na katulad ng pagkilos ng estrogen. Habang ang red clover ay ibinebenta bilang isang katas upang maiwasan ang mga sintomas ng menopause, ang pagiging epektibo nito sa paggamot sa mga sintomas ay nananatiling hindi malinaw
Vaginal health
Nasubukan mo na ba ang probiotics para sa menopause symptom na nauugnay sa vaginal health? Ang kalusugan ng mga vaginal tissues ay direktang nauugnay sa mga antas ng estrogen. Bumababa ang mga antas na ito sa panahon ng perimenopause at pagkatapos ay menopause. Kung kaya ang mga vaginal tissues ay hindi gaanong protektado at malusog. Ang resulta ay madalas na vaginal dryness at vulvo-vaginal atrophy. Iminumungkahi ng pananaliksik na maaaring ang pagbaba ng estrogen ay nagdudulot lamang ng pagbawas sa probiotic bacteria sa ari. Humahantong ito sa vaginal dryness, atrophy at potensyal para sa vaginal infections. Ipinapalagay na ang probiotic bacteria ay nagbabago sa immune system at nakakasagabal sa inflammatory cascade. Ang mas kaunting pamamaga ay nangangahulugan ng mas kaunting pinsala sa tissue. Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang oral probiotic therapy ay maaaring sumuporta sa vaginal ecosystem. Dahil dito ay maiiwasan ang pagbawas sa proteksyon ng vaginal flora na maaaring magdulot ng pagkatuyo at pangangati.
Probiotics para sa menopause osteoporosis
Ang estrogen ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa pagpapanatili ng lakas ng buto. Kapag bumaba ang produksyon ng estrogen ay maaaring mapataas ang iyong panganib na magkaroon ng osteoporosis. Ang iyong edad, kasarian na itinalaga sa kapanganakan, lahi, etnisidad at pangkalahatang kalusugan ay may papel din. May panganib ng osteoporosis-induced fractures ang mga kababaihang higit sa 50 ang edad. Ang paglilimita o pagtigil sa paninigarilyo at pag-inom ng mga calcium at Vitamin D supplement ay maaaring makatulong na mapabagal ang pagkasira ng buto.
Nalaman ng isang 2021 na pag-aaral na ang pagsasama ng mga probiotic ay maaaring makatulong na mapataas ang bone mineral density sa lumbar spine ng mga postmenopausal na kababaihan.