Bakit nagkakaroon ng vaginal dryness sa anumang edad? Ang pagkatuyo ng vagina ay isang masakit na sintomas na nakakaapekto sa kalidad ng buhay ng isang babae. Maaari itong magdulot ng pananakit habang nakaupo, nag-eehersisyo, umiihi at nakikipagtalik. Karaniwan, ang iyong vaginal lining ay pinapadulas ng likido na tumutulong upang panatilihin itong makapal at nababanat. Nangyayari ang pagkatuyo ng vagina kapag ang mga tisyu sa iyong ari ay tuyo, manipis at hindi moisturized. Ito ay humahantong sa mahirap na pakiramdam lalo na sa panahon ng pakikipagtalik.
Halos 17 porsyento ng mga kababaihang may edad na 18-50 ay nakakaranas ng mga problema sa vaginal dryness habang nakikipagtalik kahit na malayo pa ang edad nila para maging menopause. Ang pagkatuyo ng vagina ay maaaring magdulot ng pangangati at pananakit sa pakikipagtalik. Bagama’t karaniwan ito kapag menopause, maaari rin itong mangyari bago pa man mag-menopause. Kadalasan ay napapansin ang mga sintomas kapag nakipagtalik ulit pagkatapos ng matagal na panahong hindi aktibo sa pakikipagtalik.
Vaginal dryness sa pakikipagtalik
Sa panahon ng sekswal na pananabik, ang Bartholin’s glands na matatagpuan sa may pwerta ng vagina, ay gumagawa ng labis na kahalumigmigan upang makatulong sa pakikipagtalik. Gayunpaman, may mga kababaihang nasa edad na 50-59 ang nakakaranas ng mga problema sa vaginal dryness habang nakikipagtalik at 16 porsyento sa kanila ang nakakaranas ng pananakit.
Ang vaginal dryness ay kadalasang nararanasan sa panahon ng pakikipagtalik. Kung walang sapat na pampadulas sa vagina, ang friction sa panahon ng pakikipagtalik ay maaaring magdulot ng pananakit at kakulangan sa ginhawa. Maaaring subukan ang sumusunod na mga pamamaraan upang maiwasan ang vaginal dryness:
- Maglaan ng oras bago makipagtalik upang matiyak na ikaw ay ganap na napukaw.
- Makipag-foreplay kasama ang iyong kapareha at subukang mag-relax.
- Makakatulong din ang paggamit ng water-based sexual lubricants o vaginal moisturizers.
Sa kasamaang palad, ang masakit na pakikipagtalik ay maaaring humantong sa pagkawala ng interes sa pakikipagtalik o pagkawala ng intimacy sa iyong kapareha. Kahit na nakakahiya, makipag-usap sa iyong partner tungkol sa iyong mga sintomas upang matulungan ka at mahanap ninyo ang solusyon.
Menopause: Bakit nagkakaroon ng vaginal dryness
Maaaring makaapekto ang vaginal dryness sa sinumang babae. Gayunpaman, ito ay pangkaraniwan tuwing menopause. Ang vaginal dryness ay nakakaapekto sa higit kalahati ng postmenopausal na kababaihan na nasa pagitan ng 51 at 60 anyos. Halos isa sa bawat tatlong kababaihan ang nakakaranas nito habang dumadaan sa pagbabago na dulot ng menopause.
Ang kabawasan sa estrogen ay nagdudulot ng vaginal dryness. Ang kondisyon na nauugnay dito ay ang atrophic vaginitis, pati na rin ang vaginal atrophy. Sa kondisyong ito, ang mga vaginal tissue ay nagiging mas manipis at mas madaling mairita. Nagreresulta ito sa natural na pagbaba ng mga antas ng estrogen ng iyong katawan sa panahon ng menopause.