Karamihan sa mga tao ay umaasa sa mga tunog para sa lahat ng kanilang ginagawa. Sa umaga, kailangan mo ang tunog ng iyong alarm clock para gisingin ka. Ang tunog na ding ng microwave ay signal na handa na ang pagkain mo. Musika ang paraan upang mawala ang monotony habang nagko-commute ka papunta sa paaralan o trabaho. Maging ang pakikipag-usap sa ibang mga tao ay kailangan ng pagsasalita at pakikinig sa isa’t isa. Para sa mga taong bingi o nagdurusa sa pagkawala ng pandinig, ang mga karanasang ito ay hindi pareho. Alamin dito ang mga uri ng pagkabingi at kung paano ito tinutugunan.
Ano ang Deafness?
Ang deafness o pagkabingi ay ang bahagya o kabuuang pagkawala ng pandinig. Ayon sa World Health Organization, 466 milyong katao o 5% ng populasyon ng mundo ang nagdurusa mula sa kapansanan ng pagkawala ng pandinig.
Ang taong may normal na pandinig ay dapat magkaroon ng hearing threshold na 25 decibels o mas mataas sa magkabilang tainga. Sinuman na may mababang threshold ng pandinig ay may hearing loss.
Ang hearing loss ay pwedeng makaapekto sa isa lang o parehong mga tainga. Maaaring mula sa mild hanggang sa matinding pagkawala ng pandinig.
Ang mga taong “mahina ang pandinig” ay may banayad hanggang malubhang pagkawala ng pandinig. Maaari pa ring tulungan ng hearing aids o transplants ang mga ganitong mga kaso. Itinuturing na “deaf” ang mga taong bahagya lamang ang naririnig o wala. Ang mga taong bingi ay karaniwang umaasa sa sign language para makipag-usap.
Ang pagkabingi ay maaaring:
- Mild o banayad: Kung mayroong mild hearing loss, makakarinig ka ng ilang tunog sa pakikipag-usap ngunit maaaring nahihirapan kang makarinig ng mahinang mga tunog tulad ng bulong.
- Katamtaman: Kung dumaranas ka ng katamtamang pagkawala ng pandinig, kakaunti lang ang maririnig mo mula sa isang taong nagsasalita sa normal volume.
- Malubha: Kung dumaranas ka ng matinding pagkawala ng pandinig, makakarinig ka lang ng ilang malalakas na ingay.
- Matindi: Kung matindi ang pagkawala ng pandinig ay makakarinig lamang ng napakalakas na tunog.
Mga Uri ng Pagkabingi
Ang pagkawala ng pandinig o pagkabingi ay maaaring sanhi ng iba’t ibang mga kadahilanan. Narito ang mga karaniwang uri ng pagkabingi o pagkawala ng pandinig:
- Conductive Hearing Loss: Ang ganitong uri ng pagkawala ng pandinig ay nailalarawan sa pamamagitan ng mga tunog na hindi maabot ang mga pinong buto sa loob ng tainga. Karaniwang mababawi ang conductive hearing loss sa pamamagitan ng gamot o operasyon.
- Sensorineural Hearing Loss: Ang sensorineural hearing loss ay uri ng pagkawala ng pandinig na kadalasang permanente at malulunasan lamang sa pamamagitan ng paggamit ng mga hearing aid. Madalas itong nagreresulta mula sa pinsala sa mga bahagi sa loob ng tainga.
- Mixed Hearing Loss: Kung ang isang tao ay dumaranas ng mixed hearing loss, sila ay dumaranas ng parehong conductive at sensorineural na mga uri ng pagkabingi dulot ng pinsala sa panlabas, gitna, at panloob na tainga.
- Auditory Neuropathy Spectrum Disorder: Kapag ang isang tao ay may Auditory Neuropathy Spectrum Disorder (ANSD), ang tunog na naglalakbay sa kanal ng tainga ay hindi nakikilala ng utak.
Mga Dahilan ng Pagkawala ng Pandinig
Maraming posibleng dahilan ng iba’t ibang uri ng pagkabingi, lalo na ang:
- Earwax: Sa paglipas ng panahon, unti-unting naipon ang earwax sa ear canal at humaharang sa mga soundwave na makarating sa loob ng mga bahagi ng tainga.
- Pinsala sa loob ng tainga: Ang nerves sa cochlea na responsable sa pagdadala ng tunog para sa pagproseso ng utak ay maaaring masira dahil sa malalakas na ingay o masira dahil sa edad. Maaari itong maging sanhi ng bahagya o kabuuang pagkawala ng pandinig.
- Tympanic membrane perforation: Ito ay kilala rin bilang isang ruptured eardrum. Ang mga eardrum ay maaaring masira dahil sa malalakas na ingay, pressure, at maging mga impeksyon.
- Mga abnormal na paglaki: Maaaring mabuo ang mga tumor sa panlabas o gitnang tainga, na maaaring magkaroon ng mga epekto sa kung paano tumatanggap ang iyong tainga ng mga tunog.