May mga sitwasyon kung saan maaaring lumipad o gumapang ang insekto sa tenga; madalas itong mangyari kapag natutulog. Ang pagkakaroon ng insekto sa tenga ay maaaring maging sanhi ng iba’t ibang uri ng hindi komportableng pakiramdam, mula sa simpleng iritasyon hanggang sa posibleng komplikasyon sa tenga. Narito ang mga dapat mong gawin upang ligtas na matanggal ang insekto tulad ng garapata sa tenga at kung paano maiiwasan ang mga problema.
Ano ang dapat gawin sa insekto sa tenga?
Mas madaling maramdaman kapag may kakaibang bagay na nakabara sa tenga dahil sa pagiging sensitibo ng ear canal. Sa mga sitwasyon kung saan may nakabarang insekto sa tenga, maaari kang makaranas ng mga simpleng sintomas tulad ng pagkakaroon ng umuugong na tunog o hindi komportableng pakiramdam sa loob ng tenga. Maaari ding kagatin o tusukin ng insekto ang iyong tenga. Kaya naman sa lalong madaling panahon, mahalagang tanggalin agad nang ligtas ang insektong ito.
Kung alam mong may insekto sa loob ng iyong tenga, huwag mong ipasok ang iyong daliri sa iyong tenga. Ito ay dahil maaari itong maging dahilan upang kagatin o tusukin ng insekto ang iyong tenga. Dagdag pa, maaaring maitulak ng iyong daliri ang insekto sa malayong o mas papasok na bahagi ng iyong ear canal na dahilan upang maging komplikado ang sitwasyon.
Gumamit ng langis
Kung may buhay na insekto sa tenga, maaari kang magpatak ng kaunting langis sa iyong tenga upang hindi makahinga ang insekto. Gayunpaman, iwasang gawin ang paraang ito kung nakararanas ng pananakit, may lumalabas na fluid mula sa tenga, o dumurugo. Ang pagdugo ng tenga ay posibleng sintomas ng butas na eardrum.
Alisin ang insekto gamit ang tiyani
Subukan lamang alisin ang insekto gamit ang tiyani kung ito ay nakikita o madaling tanggalin. Gumamit ng tiyani upang dahan-dahan itong alisin. Maging maingat upang hindi mabutas ang eardrum.
Ibaling ang ulo
Ang pagbaling ng iyong ulo sa bahagi ng apektadong tenga nang pataas ay makatutulong upang lumabas ang insekto. Kung hindi ito epektibo, subukang alisin ang insekto gamit ang langis.
Dahan-dahang igalaw ang labas na bahagi ng tenga
Ang ear pinna ay ang labas na pabilog na bahagi ng tenga, pinakamalapit sa iyong ulo. Ibaling pababa ang apektadong tenga at dahan-dahang igalaw ang labas na bahagi ng tenga. Kung ang nasa loob ng tenga hindi buhay na insekto at kung hindi ito nakabara, maaaring mahulog ang insekto o bagay na ito.
Ano-ano ang mga dapat iwasan
Huwag gumamit ng cotton buds
Ang paggamit ng cotton buds upang maabot o matanggal ang nasa loob ng tenga ay makapagpapataas ng tyansa na mabutas o masira ang eardrum. Ang paggamit nito at ng iba pang kagamitan ay maaaring makapagtulak lamang ng nakabarang insekto o bagay sa malayo o mas pasok na bahagi ng ear canal.
Huwag harangan ang lumalabas na fluid mula sa tenga
Kapag may lumabas na fluid mula sa iyong tenga, mainam na gumamit ng malambot na pamunas o tissues upang dahan-dahang punasin ito.
Huwag ipasok ang daliri sa loob ng tenga
Ang pagpasok ng daliri sa loob ng tenga ay maaaring maging sanhi upang ang iyong tenga ay kagatin o tusukin ng insekto kung ito ay buhay. Dagdag pa, maaaring hindi sinasadyang maitulak ng iyong daliri ang insekto sa malayong bahagi ng ear canal.
Huwag subukang tanggalin ang insekto kung hindi ito makita
Sa ganitong sitwasyon, mas mainam na tumawag ng doktor. Kung ang insekto ay hindi makita at pinilit mong tanggalin ito, maaaring magkaroon ng mga komplikasyon.
Mga Panganib at Komplikasyon
Dahil sa pagiging sensitibo ng tenga, maaaring magkaroon ng mga masasamang epekto kung hindi matatanggal nang ligtas ang insekto o iba pang bagay na nasa loob ng tenga. Ito ay maaaring magdulot ng impeksyon. Gayundin, ang maling paggamit ng mga kagamitan ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng ear canal o eardrums.
Kailan Dapat Humingi ng Tulong Medikal
Laging mainam ang paghingi ng tulong medikal upang matiyak na hindi magkakaroon ng mga komplikasyon. Mas may kakayahan ang mga propesyonal sa larangan ng medisina sa paglutas ng ganitong mga sitwasyon. Tandaan ang mga sumsunod na pangyayari:
Nakakaranas ng pananakit, may lumalabas na fluid mula sa tenga, o dumurugo
Kung ikaw ay nakararanas ng mga sintomas na ito, agad na kumonsulta sa iyong doktor upang masuri ang iyong tenga. Ang mga sintomas na ito ay posibleng sanhi ng pagkasira ng eardrum o ear canal.
Hindi lumalabas ang insekto sa tenga
Kung ang insekto sa tenga ay hindi lumalabas o hindi makita, agad na humingi ng tulong medikal. Mas may kakayahan ang mga doktor na alisin ang insektong nasa loob ng tenga.
Kadalasang nagrereseta ang mga doktor ng otic antibiotic drops matapos matanggal ang insekto upang maiwasan ang simula o paglubha ng impeksyon.
Nanatili ang langis sa tenga
Kung nasa loob pa rin ng tenga ang insekto matapos itong subukang alisin, humingi ng tulong medikal mula sa doktor upang matanggal ang insekto at langis.
Key Takeaways
Matuto pa tungkol sa mga kondisyon ng tenga dito.