Nakaranas ka na ba na parang mahina ang iyong pandinig pagkatapos mo magkaroon ng sipon? Isa itong senyales na mayroon kang baradong tenga. Upang matanggal ang bara sa tenga, unawain muna natin kung ano ito at bakit ito nangyayari.
Ano ang baradong tenga?
Nagkakaroon ng baradong tenga kapag ang Eustachian tube ay nanatiling bukas o sarado sa loob ng mahabang panahon. Ang Eustachian tube ay isang makipot na daanan na kumokonekta sa middle ear at sa likod ng ilong.
Tinutukoy rin bilang auditory tubes, nagbubukas at nagsasara ang Eustachian tube isa o dalawang beses bawat oras upang mabalanse ang presyon at matanggal ang likido mula sa inner ear. Nagbubukas at nagsasara din ito kapag ikaw ay bumabahing, humihikab, o lumulunok.
Kapag hindi nagbukas o nagsara sa tamang oras ang Eustachian tube, nakukulong ang likido at ang negative na presyon sa loob ng middle ear. Bilang resulta ng pagbabarang ito, maaari kang magkaroon ng mahinang pandinig, parang puno na pakiramdam, at pananakit ng tenga. Eustachian Tube Dysfunction ang tawag sa kondisyong ito.
Kadalasang nawawala ang bara sa tenga nang hindi kinakailangang gamutin. Gayunpaman, kapag hindi nawala ang mga problema sa auditory tube kahit ginamitan na ng antibiotics, kakailanganin na itong operahan.
Anu-ano ang sanhi ng baradong tenga?
Dahil resulta ng baradong Eustachian tubes ang baradong tenga, tingnan natin kung anu-ano ang sanhi ng ganitong kondisyon:
Pamumuo ng tutuli
Kung ang ceruminous glands mo (ang mga gland na responsable sa produksyon ng tutuli) ay gumawa ng sobrang tutuli (cerumen), maaari itong maipon at bumara sa tenga. Kapag nilinis mo ang iyong mga tenga gamit ang cotton bud, malaki ang posibilidad na maitulak papasok ang tutuli sa loob ng iyong tenga, na nagdudulot ng pagbabara.
Kapag ang namuong tutuli ay natuyo at tumigas, may panganib na magkaroon ka ng impaction. Maaaring maapektuhan ng impacted na tutuli ang iyong pandinig na nakakapagdulot ng sakit.
Nasal congestion, sinusitis, at mga allergy
Kapag may sipon ka, sinusitis, o mga allergy, namamaga ang mucosal lining ng Eustachian tube. Ang pamamagang ito ang nagiging sanhi ng baradong tenga.
Impeksyon sa Tenga
Nagiging sanhi ng pagtaas ng produksyon ng likido sa loob ng tenga ang impeksiyon o otitis media at dito nagsisimulang dumami ang mga virus at bacteria. Kapag nangyari ito, maaari kang makaramdam ng pananakit ng tenga, at pakiramdam na barado ito.
Enlarged Adenoids
Ang adenoids ay mga bahagi ng immune system na matatagpuan sa likod ng lalamunan na malapit sa nasal cavity. Itong kumpol ng tissue na ito ang nagpapanatiling ligtas at maluog ang katawan sa pamamagitan ng pagkulong sa mga mikrobyo mula sa bibig at ilong.
Karaniwan ang di karaniwang paglaki ng adenoids sa mga bata at matanda. Kapag malaki ang adenoids ng bata, maaari itong maging sanhi ng baradong ilong at tenga. Hinahadlangan ng pamamaga ng adenoids ang pagtanggal ng sobrang likido sa middle ears, kaya naman nagkakaroon ng baradong tenga.
Sipon at impeksyon ang karaniwang mga sanhi ng pamamaga ng adenoids.
Pagbabago sa altitude o taas
Ang pagbabago sa altitud ay nagdudulot ng baradong tenga dahil sa hindi balanseng presyon sa parehong eardrum, na dahilan upang masipsip ito papasok tulad ng ginagawa ng vacuum.
Kapag nagpunta ka sa mataas na mga lugar gaya ng kabundukan, matataas na building, kung nakasakay ka sa eroplano, o sumisisid sa dagat, maaari kang makaranas ng baradong tenga dahil sa pagbabago ng altitud.
Maaaring magdulot ng pansamantalang pagsakit, pagbara, at paghina ng pandinig ang pagbabago sa altitude.
Mga Sintomas
Narito ang mga karaniwang sintomas ng baradong Eustachian tube:
- Mahinang pandinig
- Pakiramdam na parang puno ang tenga
- Pagsakit ng isa o parehong tenga
- Pumuputok-putok o kumakalansing na tunog sa tenga
- Minsan ay nahihilo o nahihirapang bumalanse
Mga treatment
May mga paraan kung paano maaalis ang baradong tenga. Narito ang ilan:
- Subukang humikab, lumunok, o ngumuya ng gum upang matanggal ang bara sa Eustachian tube.
- Gawin ang Valsalva maneuver sa pamamagitan ng pagsasara ng bibig at dahan-dahang ilabas ang hangin sa ilong habang nakapisil ito.
- Isa pang paraan na pwedeng gawin ay ang Toynbee maneuver. Lumunok lamang habang nakapisil ang ilong.
Gawin ang mga simpleng hakbang na ito upang mabalanse ang pressure sa parehong tenga. Kung nakarinig ka ng parang may pumutok, ibig sabihin, matagumpay mong natanggal ang bara sa tenga.
Kapag may sipon, allergy, at impeksyon sa tenga, maaaring ireseta ng iyong doktor ang mga sumusunod:
- Nasal o oral decongestant
- Steroid nasal spray o corticosteroid nasal spray
- Antibiotics
Kailan mo kailangang magpaopera?
Kailangan mong magpaopera kung mayroon nang namumuong likido sa iyong middle ear. Kabilang sa mga pamamaraang ito ang:
- Isa itong operasyon kung saan gagawa ng maliit na hiwa ang doktor sa eardrum upang sipsipin at tanggalin ang anumang likido na namuo sa middle ear.
- Pressure Equalization Tubes (ear tubes). Gawa sa maliit na metal o plastik ang ear tubes. Inilalagay ang mga tubong ito sa loob ng eardrum sa pamamagitan ng operasyon. Nagbibigay ng bentilasyon sa middle ear ang mga ear tube at iniiwasan din maipon ang likido sa middle ear.
Bago uminom o gawin ang anumang gamutan o operasyon, tiyaking kumonsulta muna sa doktor upang malaman kung anong paggamot ang makakatulong sa iyong baradong tenga.
Paraan ng pag-iwas
Upang maiwasan ang pagkakaroon ng baradong mga Eustachian tube, kailangan mo munang tukuyin at tugunan ang mga kondisyon na nagdudulot ng baradong tenga. Narito ang mga dapat mong gawin:
- Kung may sipon, allergy, at iba pang problema sa ilong, subukang magtanong sa doktor kung anong gamot ang makatutulong upang matanggal ang pagbabara ng ilong.
- Ngumuya ng gum o madalas na lumunok kapag sumakay ng eroplano.
- Iwasang bumiyahe sakay ng eroplano kapag may sipon, allergy, flu, at iba pang nasal conditions.
- Iwasan ang matinding paglilinis ng tenga. Gumamit ng tamang panlinis ng tenga o gumamit ng cotton buds nang tama.
- Tandaang inumin ang iyong mga gamot, para hindi mauwi sa pagbara ng Eustachian tube ang iyong kasalukuyang sakit.
Key Takeaways
Nakakainis ang pagkakaroon ng baradong tenga lalo na kapag bumibiyahe. Nakakasira ito ng iyong pagsasaya habang nagbabakasyon o nakakabawas sa iyong pagiging produktibo. Gayunpaman, May mga paraan at paggamot upang maalis ang bara sa tenga at maibalik ang maganda nitong kalusugan.
Tandaang kumilos agad kapag may sakit upang maiwasan ang baradong tenga. Tandaan ding kumonsulta sa doktor para sa mga tanong at medikal na payo.
Matuto pa tungkol sa kondisyon ng tenga, ilong at lalamunan dito.