backup og meta

Paano Magbasa ng Reseta? Ito ang Dapat Tandaan

Paano Magbasa ng Reseta? Ito ang Dapat Tandaan

Lahat tayo ay nakaranas nang magkasakit at magpatingin sa doktor minsan sa ating buhay. Matapos ang check-up, nagbibigay ang doktor ng piraso ng papel na may nakasulat na mga pangalan at gamot. Ito ang tinatawag na reseta at higit pa ito sa isang piraso ng papel. Dito, tatalakayin natin kung paano magbasa ng reseta at ng mga label ng gamot.

Paano magbasa ng reseta ng doktor?

Ang reseta, o “prescription” ay isang tipikal na putil papel na may nakaimprentang malaking simbolo ng ℞. May ilang mahahalagang bahagi ang reseta ng doktor

Kung wala ang mga bahaging ito, maikukunsidera ang reseta na invalid at hindi mo makukuha ang iyong gamot mula sa pharmacy.

Kabilang sa mga bahagi ng reseta ang:

  1. Superscription
  2. Inscription
  3. Subscription
  4. Signa
  5. Prescriber’s information

Paano magbasa ng reseta: Ang superscription

Kabilang sa bahaging ito ng reseta ang impormasyon tungkol sa pasyente. Kailangan dito ang buong pangalan ng pasyente, tirahan, kasarian, at edad o petsa ng kapanganakan. Maaari ding ilagay dito ang timbang ng pasyente. Maaari kasi itong magamit upang makalkula ang dose ng partikular na mga gamot.

Matatagpuan ang superscription sa itaas na bahagi ng papel. Ang kahalagahan ng superscription ay upang matiyak na nagbibigay ng tamang gamot ang pharmacist sa tamang tao.

Kung gagamit ka ng reseta para kanino man, gaya ng matatandang miyembro ng inyong pamilya, kakailanganin mong magpakita ng patunay. Maaaring kailangan ng pirmadong authorization letter at government ID upang magamit ang reseta. 

Sa ilang mga kaso, maaaring hindi magbigay ang pharmacy ng ilang partikular na gamot kung hindi ikaw ang mismong may-ari ng reseta. Totoo ito lalo na sa mga delikado o controlled drugs gaya ng opioid painkillers.

Dagdag na Kaalaman

Ang simbolong ℞ ay nagmula sa salitang Latin na “recipere”, na ang pinakamalapit na salin ay “tanggapin o kunin”. Dito rin nagmula ang salitang recipe.

Noon, kilala ang mga pharmacist bilang chemists o apothecaries at ang “recipes” ay ginagamit upang gumawa at mag-compound ng mga gamot mula sa simula. 

Sa ngayon, may mga doktor na nagrereseta ng mga gamot na nangangailangan ng compounding at reconstitution. Nasa reseta ang compounding instruction. 

Paano magbasa ng reseta: Ang inscription

Ito ang katawan o ang pangunahing bahagi ng isang reseta. Naglalaman ang inscription ng pangalan ng mga gamot at ng kanilang kaniya-kaniyang stengths.

Sa Philippine Law, sa ilalim ng RA 6675, lahat ng reseta ay kailangang may lamang generic name ng gamot. Pinapayagan ang paglalagay ng brand name, ngunit kailangan itong ilagay pagkatapos ng generic name at dapat na nasa loob ng panaklong.

Kung nagsulat ang iyong doktor ng resetang walang generic name, dapat mo siyang paalalahanang ilagay ito.

Nakatutulong din ito upang mas maging madali ang pagbili ng mga gamot sa pharmacy, sapagkat hindi lahat ng pharmacy ay may branded na gamot.

Paano magbasa ng reseta: Ang subscription

Kailangang basahin ng pharmacist ang subscription upang malaman kung ilang tableta o capsules ang kailangang ibigay. Minsan, nakasulat ang bahaging ito kasama ang inscription.

Sa ilang mga kaso, may mga dagdag na gabay o panuto para sa pharmacist. Kailangan nilang mag-compound o mag-reconstitute ng ilang partikular na gamot bago ibigay sa iyo.

paano magbasa ng reseta

Paano magbasa ng reseta: Ang signa

Mahalaga ang bahaging ito ng reseta para sa iyo bilang pasyente. Dito sa signa makikita ang panuto ng doktor na kailangang sundin ng pasyente. Ang halimbawa nito ay “Uminom ng isang tableta isang beses kada araw bago matulog”.

Bagaman karaniwan na ang paggamit ng Roman numerals at Latin abbreviations sa medical practice, dapat itong iwasan. Kung may ganito sa iyong reseta, linawin ito sa iyong doktor o pharmacist. Upang maiwasang magkamali, hindi dapat gamitin ang mga abbreviation. Paano magbasa ng medical abbreviation sa reseta:

  • o.d. = once daily o isang beses sa isang araw
  • b.i.d, bid, o BID = twice daily o dalawang beses sa isang araw
  • t.i.d.,  tid, o TID = thrice daily o tatlong beses sa isang araw
  • OU, OS, OD = parehong mata, kaliwang mata, kanang mata
  • AU, AS, AD = parehong tainga, kaliwang taingan, kanang tainga
  • gtts = drops
  • mL = milliliters
  • mg = milligrams
  • tsp. = teaspoon (kutsarita)
  • tbsp. = tablespoon (kutsara)

Paano magbasa ng reseta: Prescriber’s Information

Ito ang huling bahagi ng reseta. Dito, ang buong pangalan ng doktor, professional tax receipt (PTR) number, at PRC license number ay dapat na malinaw na nakaimprenta. Mayroon din dapat pirma ng doktor upang maging opisyal ang reseta.

Ang mga resetang wala ng mga ito ay hindi tatanggapin ng pharmacist. Kung nakalimutang pirmahan ng iyong doktor ang reseta, kailangan mong papirmahan ito sa kanya. 

Dagdag pa, ang pangalan, specialty, pangalan ng ospital o clinic, address, at contact number ay puwedeng isama rito. Optional na lamang ang logo. Karaniwan, makikita ang impormasyong ito sa ibabaw ng superscription.

Dilaw na reseta

Kadalasan, gumagamit ang mga doktor ng puting papel sa reseta. Kung kailangan ng doktor na magreseta ng mapanganib na gamot (hal. zolpidem), kailangan itong isulat sa dilaw na reseta. Bilang karagdagan sa mga bahaging nabanggit na sa itaas, kailangang mayroon din ang doktor ng S2 license number na nakaimprenta sa reseta. 

Mayroong tatlong kopya ng dilaw na reseta. Ang orihinal na kopya ay para sa pharmacy kung saan ibinigay ang reseta. Itatago naman ng pasyente ang isa sa mga duplicate copy. Ang huling kopya ng reseta ay para naman sa doktor na nagreseta ng gamot.

Key Takeaways

Mahalagang mga dokumento ang mga resetang isinusulat ng mga doktor para sa kanilang pasyente. Upang maging valid ito, kailangan itong masulatan nang tama at kompleto.
Huwag ibibigay ang iyong reseta sa ibang tao maliban kung mayroon silang authorization letter at valid ID mula sa iyo. Ang layunin ng reseta ay magbigay ng panuto sa iyo at sa pharmacist. Ito rin ay isang legal na dokumento para sa record keeping.

Matuto pa tungkol sa mga gamot at supplements, dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

  1. Goodman & Gilman’s Manual of Pharmacology and Therapeutics. Appendix I: Principles of Prescription Order Writing and Patient Compliance. Accessed November 13, 2020
  2. Learn to read your prescription. https://consumermedsafety.org/tools-and-resources/medication-safety-tools-and-resources/know-your-medicine/read-your-prescription. Accessed November 13, 2020
  3. Republic Act No. 9165 – The Dangerous Drugs Act of 1972. Article III. Accessed November 13, 2020
  4. An Introduction to the Improved FDA Prescription Drug Labeling. https://www.fda.gov/media/72979/download. Accessed November 13, 2020
  5. List of Dangerous Drug Preparations. https://pdea.gov.ph/images/ComplianceService/2020/Oct2020/FINAL_DDP_LIST_WITH_COUNTRIES06Oct2020.pdf. Accessed November 13, 2020

Kasalukuyang Version

04/18/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Stephanie Nera, RPh, PharmD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Alamin: Para Saan Ang Metamizole?

Ozempic Para Sa Diabetes: Heto Ang Dapat Mong Malaman!


Narebyung medikal ni

Stephanie Nera, RPh, PharmD

Pharmacology


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement