Napakahirap para sa ibang tao ang magpapayat, lalo na kung obese na sila. Ngunit ayon sa mga eksperto, mahalaga ang pagkakaroon ng tamang timbang dahil nauugnay ang mas mataas sa normal na BMI sa iba’t ibang sakit, tulad ng sakit sa puso, stroke, at cancer. Sa ngayon, natuklasan ng mga eksperto na ang tirzepatide, isang bagong gamot para sa Type 2 Diabetes, ay maaaring gamitin nang hiwalay para sa pagpapapayat. Narito ang dapat mong malaman sa kung para saan ang tirzepatide.
Para Saan Ang Tirzepatide?
Ang Tirzepatide, na ibinebenta sa brand name na Mounjaro, ay kamakailan lang na naaprubahang bilang gamot para sa Type 2 Diabetes. Hindi ito para sa mga bata at sa type 1 diabetes.
Isa itong injectable na ibinebenta bilang prefilled, single-use pens. Ang dose nito ay maaaring kasimbaba ng 2.5 mg/0.5ml hanggang 15 mg/0.5 mg.
Sa ngayon, ibinibigay lang ito sa mga nasa hustong edad na may type 2 diabetes bilang karagdagang therapy (na may diet at ehersisyo) upang gumanda ang blood sugar control. Sa una, ipapayo lamang ng doktor ang 2.5mg/0.5ml buwan-buwan sa loob ng apat na buwan bilang panimulang gamutan. Saka tataas ang dose ng 5mg/0.5ml. Kung kakailanganin pa ng karagdagang glycemic control, tataasan ng doktor ang dose ng 2.5mg matapos ang apat na linggo sa kasalukuyang dose.
Agarang Pangangailangang Tugunan ang Obesity
Isang pandaigdigang epidemya ang obesity na nakaaapekto sa daan-milyong tao. Isa rin itong karaniwang risk factor para sa napakaraming seryosong mga sakit. Mas mataas ang Body Mass Index, mas mataas ang tsansang magkaroon ng hypertension at mga sakit sa puso, stroke, sleep apnea, fatty liver disease, at osteoarthritis.
Kaya naman, hindi na nakagugulat kung isinusulong ng mga awtoridad sa kalusugan ang mas agresibong mga paraan upang pumayat ang mga tao. Bagaman ang masustansya at balanseng pagkain kasabay ng tamang ehersisyo ang pinakamainam pa ring paraan upang makontrol ang timbang, bukas ang iba para sa mga gamot na maaaring makatulong dito.
Ang magandang balita, napag-alaman sa isang pag-aaral na ang tirzepatide ay pwedeng gamitin para sa mga taong walang type 2 diabetes upang mabawasan ang timbang. May ilang mga pasyenteng nabawasan ng higit 20kg matapos ang trial.
Maaaring Gamitin ang Tirzepatide para sa mga Taong Obese, Ayon sa Pag-aaral
Kinabibilangan ang trial na ito ng higit 2,500 participants na tumitimbang na average na 231 pounds o nasa 105 kilograms.
Sa 72 na linggo, may mga participant na nakatatanggap ng placebo linggo-linggo. Ang isa pang grupo ay nakatanggap ng Tirzepatide na nasa 5mg, 10mg, at 15 mg doses.
Sa dulo ng trial, ang mga participant na nakakuha ng pinakamataas na dose ay nawalan ng 20.9% na timbang. Katumbas ito ng 52 pounds o 23 kg. Sa mga nakatanggap ng 10 mg ng Tirzepatide ay nawalan ng average na 19.5% ng kanilang timbang, na katumbas ng 22 kg. Sa mga nakakuha namna ng 5mg ay nawalan ng average na 15% ng kanilang timbang. Katumbas ito ng nasa 35 pounds o 15 kg.
Ayon sa mga eksperto, kahanga-hanga at positibo ang mga resultang ito. Sinabi pa nila na ang kasalukuyang trial ay nasa phase 3 na, na huling stage ng mga clinical trial na kinakailangan ng US regulatory approval.
May mga Side Effect ba Ang Tirzepatide?
Tulad ng iba pang gamot, mayroon ding mga side effect ang Tirzepatide. Kadalasan ay gastrointestinal upset, tulad ng pagtatae, pagsusuka at constipation. Tinatayang nasa 4% hanggang 7% ng mga kalahok ang inihinto ang therapy dahil sa mga side effect.
Ito Ba ang Pinakamagandang Gamot para sa Mabawasan ang Timbang?
Sinasabi ng mga ulat na ang head-to-head test ng mga gamot tulad ng semaglutide at liraglutide ay welcome para sa pagkukumpara. Ang parehong mga gamot na ito ay para sa diabetes. Ngunit maaaring gamitin para mabawasan ang timbang ayon sa itinakda ng doktor.
Key Takeaways
Ang Tirzepatide ay bagong aprubadong gamot para sa matandang may Type 2 Diabetes. Ngunit, lumabas din sa mga trial na pwede itong gamitin para sa mga taong walang diabetes ngunit obese.
Kahanga-hanga at maganda ang resulta ayon sa mga eksperto. Gayunpaman, pakitandaang kailangan pa rin nito ng approval kung gagamiting gamot para sa pagbabawas ng timbang. Dagdag pa, maaaring may side effect ito sa mga tao na hindi nila kayang tiisin.
Kung nais mong magbawas ng timbang, huwag magdalawang isip na kumonsulta sa doktor.
Matuto pa tungkol sa Diabetes dito.
[embed-health-tool-bmi]