Ang ating endocrine system ang responsable sa paglikha ng hormones na tumutulong sa mga prosesong nagaganap sa ating katawan. Ito ang dahilan kung bakit may iba’t ibang sintomas ang mga sakit sa endocrine dahil nakadepende ito sa apektadong organs.
Mga Karaniwang Sakit Sa Endocrine
Seryosong usapin ang endocrine diseases dahil malaki ang ginagampanan ng endocrine system sa ating katawan. Napakahalagang humingi ng tulong mula sa mga doktor ang pasyenteng nakararanas ng mga endocrine disorders dahil maaari itong makapinsala sa kalusugan.
Narito ang ilan sa mga karaniwang sakit sa endocrine at mga posibleng sintomas nito:
1. Problema sa Thyroid
Ang problema sa thyroid ay ilan sa mga pinakakaraniwang uri ng sakit sa endocrine. Ang thyroid ay isang glandula na matatagpuan sa harapang bahagi ng leeg. Ito ang responsable sa mga metabolic process, gayundin sa ating paglaki at pag-develop.
Ito rin ang organ na karaniwang nagdudusa kapag may mga problema sa endocrine.
Puwedeng maging malubha ang mga problema sa thyroid, kaya’t mahalagang humingi ng tulong medikal sa oras na may mapansing pagbabago sa iyong katawan o anumang sintomas nito. Magagamot ang mga sakit sa thyroid, at mas madali ang gamutan kapag mas maaga itong nalaman.
Ito ang ilan sa mga maaaring maging problema sa thyroid:
Hypothyroidism
Isa ang hypothyroidism sa mga pinakakaraniwang problema ng thyroid gland. Ibig sabihin, hindi gaanong gumagana ang thyroid, at hindi nakalilikha ng sapat na hormones. Ang mga sintomas nito ay pananamlay, pagbigat ng timbang, hirap sa pagdumi, depression, at iregular na buwanang daloy para sa kababaihan.
Hyperthyroidism
Kabaliktaran naman ito ng hypothyroidism. Ang hyperthyroidism ay kondisyon kung saan sobrang aktibo naman ng thyroid gland. Karaniwang sintomas nito ay panghihina ng mga kalamnan, panginginig, biglaang pagbagsak ng timbang, pagkairita o pagkabalisa, sobrang pamamawis, at pagod.
Goiter
Ang tawag sa abnormal na paglaki ng thyroid gland ay goiter. Ito ang malaking pamamaga o bump sa lalamunan o sa bandang leeg ng isang tao.
Kadalasang hindi masakit ang goiter, ngunit minsan, maaari itong maging sanhi ng hirap sa paglunok o makaramdam ng sakit sa lalamunan.
Kadalasan itong nangyayari dahil sa kakulangan ng iodine sa mga kinakain, sobra o kulang na produksiyon ng hormones o dahil sa thyroid nodules.
2. Kanser
Maaari ding mag-develop ng kanser ang thyroid gland. Pareho lang sa goiter ang mga sintomas. Ngunit sa kaso ng kanser, mas mabilis lumaki ang pamamaga. Nagagamot ang ganitong klase ng kanser sa pamamagitan ng pagtatanggal ng bahagi o buong thyroid gland.
3. Diabetes
Maaaring magulat ka kapag malamang isa ang diabetes sa mga sakit ng endocrine. Ito ay depende sa uri ng diabetes na mayroon ang isang tao. Maaaring hindi lumilikha ng sapat na insulin ang pancreas o mayroon itong insulin resistance.
Gumagamit ang ating katawan ng insulin upang maiproseso ang asukal na nagmumula sa mga pagkaing ating kinokonsumo. Kung hindi nakalilikha ng sapat na insulin ang ating katawan, o huminto ang ating selula sa pag-respond sa insulin, magkakaroon ng pamumuo ng asukal sa ating mga ugat, na nauuwi sa mga sintomas ng diabetes.