Ipinaaalala ng mga eksperto sa mga pasyente na maaari pa rin silang magkaroon ng magandang kalidad na buhay sa kabila ng pagkakaroon ng diabetes — hangga’t ito ay kanilang nakokontrol. Sa kabuoan, nangangahulugan itong napananatili ng pasyente ang kanyang target na lebel ng blood glucose hangga’t maaari. Mahalaga ang pananatili ng malusog na lebel ng blood sugar dahil ang hindi makontrol na diabetes ay maaaring humantong sa maraming komplikasyon. Ano ang mga senyales at sintomas ng hindi makontrol na diabetes? Alamin sa artikulong ito.
Hyperglycemia: Ang Pinakamahalagang Senyales
Ang pinakamahalagang senyales ng hindi makontrol na diabetes ay ang hyperglycemia o mataas na blood glucose. Kadalasan, ang “normal” na lebel ng blood glucose ay halos 70 hanggang 130 mg/dl bago kumain at mas mababa sa 130 mg/dl sa loob ng 2 oras pagkatapos kumain. Syempre, ang iyong doktor ay maaaring magtakda ng target na lebel ng blood glucose para sa pasyente. Magbibigay rin siya ng payo kung gaano kadalas dapat suriin ang lebel ng glucose.
Kung napapansin ng pasyente na hindi niya madalas na natatamo ang kanyang target na lebel ng glucose, mainam na kumonsulta sa doktor. Marahil ay mayroon siyang binago sa kanyang diet o kailangan ng iba pang regimen ng ehersisyo.
Iba Pang Mga Senyales Ng Hindi Makontrol Na Diabetes
Ang hyperglycemia ay maaaring pisikal na mapansin, lalo na kung lagi itong nangyayari. Ano-anong mga pisikal na senyales ang maaaring mapasin kaugnay ng hindi makontrol na diabetes?
1. Madalas Na Pag-ihi At Pagkauhaw
Ang madalas na pagkauhaw (polydipsia) at pag-ihi (polyuria) ay dalawa sa mga klasikong senyales ng hyperglycemia. Nangyayari ito habang sinusubukan ng katawang alisin ang sobrang glucose sa pamamagitan ng pag-ihi. At dahil ang mataas na lebel ng glucose ay nakaaapekto sa pag-absorb ng tubig, nagreresulta ito sa madalas na pagkauhaw.
2. Polyphagia o Madalas Na Pagkagutom
Kasama ng madalas na pagkauhaw at pag-ihi, ang polyphagia o madalas na pagkagutom ay senyales din ng diabetes.
Ang hindi makontrol na diabete ay nangangahulugang ang sugar ay nananatili sa dugo sa halip na pumasok sa cells upang gamitin bilang enerhiya. Ito ay maaaring maging dahilan upang isipin ng utak na kailangan natin ng mas maraming pagkain para sa enerhiya, na nagiging sanhi ng laging pagkagutom.
3. Pagbabago Sa Balat
Ang hindi makontrol na diabetes ay maaaring maging dahilan upang maging mahirap sa balat na mapanatili ang moisture. Bilang resulta, ang balat ay maaaring matuyo, crack, o kumati. Maaari ding magkaroon ng iba pang mga problema sa balat, tulad ng paltos, paninigas ng balat, o maiitim na patse sa paligid ng leeg, singit, o kilikili na tinatawag na acanthosis nigricans. Sa kaso ng acanthosis nigricans, ang mataas na lebel ng insulin o insulin resistance ay maaaring maging senyales ng prediabetes o diabetes.
4. Madalas Na Impeksyon
Isa sa mga panganib ng hindi makontrol na diabetes ay inilalagay nito ang pasyente sa mas mataas na tyansa ng pagkakaroon ng mga impeksyon o paggaling nang mas matagal sa mga kondisyong ito.
Kung may diabetes ang isang tao, maaari siyang mas madaling makaranas ng mga impeksyon sa:
- Tainga
- Balat, tulad ng cellulitis
- Respiratory tract
- Bibig at gastrointestinal system
- Daluyan ng ihi, tulad ng cystitis
Kung napapansin ng isang tao na madalas siyang nagkakaroon ng mga impeksyon, mainam na kumonsulta agad sa doktor.
5. Madalas Na Pagkapagod
Ang isa pang bagay na maaaring senyales ng hindi makontrol na diabetes ay ang pagiging pagod. Ang tiyak na koneksyon sa pagitan ng pagkapagod at hindi makontrol na diabetes ay hindi pa rin natutuklasan. Gayunpaman, naniniwala ang mga eksperto na may kaugnayan ito sa mga problema sa pagtulog at sa stress. Ang madalas na pag-atake ng hyperglycemic ay maaari ding maging nakaaapektong salik.
6. Mga Problema Sa Pandinig At Paningin
Ang hindi makontrol na diabetes ay maaring makasira ng mga maliliit na ugat na daluyan ng dugo, na nagiging sanhi ng disturbances o maging pagkabulag. Maaaring magkaroon ng mga problema sa pagbabasa, makaranas ng panlalabo ng paningin, o makakita ng flashes paminsan-minsan.
Hindi pa malinaw ang tiyak na kaugnayan sa pagitan ng pagkawala ng pandinig at diabetes. Gayunpaman, hinihinala ng mga eksperto na ito ay may kinalaman sa pagkasira ng mga malilit na ugat na daluyan ng dugo.
7. Matamis Na Amoy Ng Hininga
Ang mga taong may hindi makontrol na diabetes, lalo na ang diabetes na matagal nang nararanasan, ay maaaring magkaroon ng matamis na amoy ng hininga.
Kung mapansin man ito, agad na humingi ng medikal na tulong. Ito ay isa sa mga senyales ng diabetes ketoacidosis, isang nakamamatay na komplikasyon ng diabetes.
Makipag-Ugnayan Sa Iyong Doktor
Kung napapansin ang mga senyales na ito, lalo na ang matamis na hininga na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon, kumonsulta sa doktor sa lalong madaling panahon. Dalhin ang iyong blood sugar monitoring record at sabihin kung kailan at paano nararanasan ang mga senyales na ito.
Batay sa mga obserbasyon ng doktor, maaaring imungkahi nilang baguhin ang iyong diet, pisikal na aktibidad, o gamot.
Matuto pa tungkol sa Diabetes dito.