Sa kasaysayan, ang pagpigil sa hyperglycemia (pagtaas ng sugar levels) ang pinaka-concern sa paggamot ng diabetes. Ngayon, para bang may paradigm shift na naganap dahil ipinakita ng mga pag-aaral na maraming mga pasyente ang nakatatanggap ng diabetes overtreatment hanggang sa puntong nagiging mapanganib na ito.
Kaya naman pag-usapan natin kung ano ang mga panganib na dala ng diabetes overtreatment?
Ano Ang Diabetes Overtreatment?
Nangyayari ang diabetes overtreatment kapag ang mga pasyente ay tumanggap ng sobrang “intensive glucose-lowering therapy.”
Mahalagang tandaan na kung minsan, ang hypoglycemia ay maaari pa ring mangyari kahit na may controlled insulin regimen. Ang hypoglycemia ay maaaring mangyari kapag:
- Walang regular na medical check-up o follow-up.
- Ang mga pasyente na habang nasa kanilang kasalukuyang insulin regimen, ay nagkakasakit o may impeksyon.
- Ang mga pasyente ay nagbago ng kanilang eating habits. O kaya mas kaunti ang pagkain, nag-eehersisyo nang higit sa nararapat, atbp—pero hindi pa rin kumunsulta sa kanilang doktor tungkol sa pangangailangan ng mga pagbabago sa kanilang dosing regimen.
Ipinaliwanag ng primary care physician at endocrinologist Rozalina McCoy, MD, na kadalasang nangyayari ito kapag ang isang diabetic ay tumatanggap ng mas maraming gamot kaysa sa kinakailangan batay sa lebel ng kanilang hemoglobin A1C.
Ang Kahalagahan Ng HbA1C Testing
Sa Pilipinas, karaniwan para sa mga tao na mag-assume na ang isang indibidwal ay may diabetes sa pagtingin lamang sa kanilang fasting blood sugar results. Gayunpaman, ang mga doktor ay hindi lamang nagre-rely sa test na iyon. Para suriin kung may prediabetes o diabetes ang pasyente, maaari rin nilang gamitin ang hemoglobin A1C (HA1C) testing.
Hindi tulad ng mga karaniwang blood sugar tests na sumusukat sa glucose level, ang HbA1C ay sumusuri sa average ng amount ng sugar na naka-attach sa hemoglobin (oxygen-carrying component ng red blood cell) sa nakalipas na 3 buwan.
Ang isang normal na resulta ng HA1C ay mababa sa 5.7%. Ang prediabetes ay 5.7% hanggang 6.4% habang. Samantala, ang 6.5% o mas mataas ay nagpapahiwatig ng diabetes.
Severe Hypoglycemia – Ang Mapanganib Na Resulta Ng Diabetes Overtreatment
Ang pangunahin at pinaka-concern na panganib ng overtreatment ay severe hypoglycemia. Ito ay nangyayari kapag ang blood sugar ng pasyente ay bumababa ng lubusan. Ang totoo, ang mga panganib ng lover treatment sa diabetes ay dulot ng epekto ng pagkakaroon ng napakababang sugar level gaya ng mga sumusunod:
- Pagkahilo
- Panginginig
- Malabong paningin
- Pagkabalisa
- Panghihina ng muscle
- Seizure
- Pagkalito
Minsan, humahantong din ito sa mga aksidente, tulad ng pagkahulog. Ito ay maaaring makasakit nang husto sa pasyente kung tumama ang kanilang ulo sa matigas o matulis na bagay.
Bukod pa rito, ang severe hypoglycemia ay maaari ring nakamamatay.
Sa ngayon, mayroon nang libu-libong mga dokumentadong kaso kung saan kailangan ng isang pasyente na bumisita sa emergency room o manatili sa ospital dahil sa kanilang sobrang intensive glucose-lowering therapy.
Ang Overtreatment Ay Karaniwan, Ayon Sa Pag-aaral
Ginamit ni Dr. McCoy at ng kanyang team ang data mula sa 2011-2014 National Health and Nutrition Examination Survey para matukoy kung gaano karaming mga Amerikano ang tumanggap ng labis na gamutan. Nakagugulat dahil nalaman nila na karaniwan ang mga panganib ng diabetes overtreatment.
Natuklasan nila na sa 10.7 milyong adult participants na may diabetes (wala sa kanila ang buntis), 22% o humigit-kumulang 2.3 milyong mga pasyente ang tumatanggap ng overly intense treatment.
Natukoy ng pag-aaral ang isang pasyenteng “intensely treated” na nakatanggap ng medication para matiyak na ang kanilang lebel ng HbA1C ay normal (5.6% o mas mababa).
Ang isang diabetic ay tumatanggap din ng intense treatment kung umiinom sila ng 2 medications para mapanatili ang kanilang lebel ng glucose sa dugo sa prediabetes range.
Ang Mga Pattern Ng Overtreatment
Sa isang hiwalay na pag-aaral na inilathala sa Journal of General Internal Medicine, sinuri ng mga mananaliksik ang data mula sa higit sa 78,000 kalahok na may diabetes.
Nalaman nila na 11% ng mga kalahok ay may “very low on-going blood sugar level.” Iminumungkahi ng natuklasang ito na ang mga pasyenteng ito ay overly treated. Gayunpaman, 14% lamang ng subgroup na iyon ang nagkaroon ng “reduction” sa kanilang medication refills sa 6 na buwan pagkatapos ng reading.
Napansin din ng investigators na ang mga pasyenteng 75 taong gulang pataas, at ang mga kwalipikado para sa state at federal health coverage, ay mas may posibilidad na ma-overtreat.
Ang problema sa particular findings na ito ay ang mga pasyenteng may edad na 75 at mas matanda ay itinuturing na “clinically complex.”
Sino Ang Mga Clinically Complex Patient?
Ang mga panganib ng overtreating diabetes ay mas makikita sa mga clinically complex patients.
Ayon kay Dr. McCoy, ang mga clinically complex patients ay hindi lamang nagbe-benefit mula sa intense treatment, ngunit sila rin ay mas prone sa hypoglycemia.
Maliban sa mga kalahok na may edad na 75 taong gulang pataas, ang mga pasyente ay maaari ring ituring na clinically complex kung mayroon silang:
- Dalawa o higit pang mga limitasyon sa pagsasagawa ng kanilang mga gawain sa pang-araw-araw na pamumuhay. Halimbawa, nahihirapan sila sa pananamit, pagkain, paglalakad, atbp.
- End-stage renal disease
- Tatlo o higit pang mga malalang kondisyon.
Sa pag-aaral na pinamumunuan ni Dr. McCoy, napansin nila na ang pagiging nasa clinically complex category ay walang kinalaman kung ang isang tao ay intensely treated o hindi.
Sa madaling salita, posible para sa isang clinically complex na pasyente na makatanggap pa rin ng intense treatment. Ito ay kahit na maaaring hindi sila makinabang mula dito at mapataas ang kanilang panganib sa severe hypoglycemia.
Mga Istratehiya Sa Pag-Iwas Sa Mga Panganib Ng Diabetes Overtreatment
Kapag ang tao ay may diabetes, normal para sa healthcare providers na gawin ang kanilang makakaya para mai-manage ang kondisyong ito. Kasama na rin dito ang pag-manage ng hypoglycemia. Gayunpaman, binibigyang-diin ni Dr. McCoy na ang labis na paggagamot at hypoglycemia ay dapat ding tugunan.
Sinabi niya na ang isa sa pinakamahalagang bagay na maaaring gawin para masigurado ang tamang pangangalaga. Ito ay ang paglipat ng pokus mula sa sakit patungo sa tao. Nangangahulugan ito na ang anumang treatment regimen ay dapat na nakahanay sa klinikal na sitwasyon ng pasyente at hindi lamang sa sakit.
Halimbawa, bakit hindi kinokonsidera ang “softening” sa mga target na lebel ng HbA1C?
Karamihan sa treatment regimens ay naglalayong pababain ang lebel ng HA1C sa 7%. Ang lebel na ito ay nagpapabagal ng pagkakaroon ng ilang mga komplikasyon sa diabetes.
Gayunpaman, may mga ebidensya na nagmumungkahi na ang mga benepisyong inaalok nito ay “modest” lamang. At kung minsan, binabawasan pa nito ang patient’s quality of life.
Ito ang dahilan kung bakit ipinapahayag ng ilang doktor ang posibilidad ng softening ng target sa humigit-kumulang 7.9 hanggang 8.4%
Napakahalaga Ng Komunikasyon Sa Doktor
Ngayong alam mo na ang tungkol sa mga panganib ng diabetes overtreatment, oras na para maging proactive sa pag-manage nito.
Huwag mag-hesitate magkaroon ng mahabang diskusyon sa’yong doktor. Lalo na kung ikaw ay nasa ilalim ng clinically complex na kategorya ng pasyente. Kausapin sila tungkol sa kung paano maaaring isaalang-alang ng iyong tritment ang mga bagay gaya ng iyong edad, pisikal na kapansanan, o kalidad ng iyong buhay.
Matuto pa tungkol sa Diabetes dito.
Isinalin sa Filipino ni: Lornalyn S. Austria