backup og meta

Mangangamba ba ako sa Nunal na ito? Alamin ang mga Uri ng Melanoma

Mangangamba ba ako sa Nunal na ito? Alamin ang mga Uri ng Melanoma

Ang melanoma ay isang malubhang uri ng cancer sa balat. Bagaman hindi gaanong karaniwan kaysa sa iba pang uri ng cancer sa balat, mas malamang na lumaki at kumalat ito. Ano ito at ano ang iba’t ibang uri ng melanoma? Magbasa upang malaman.

Ano ang Melanoma? Ano ang mga Uri ng Melanoma?

Ang Melanoma ay isang uri ng kanser sa balat. Karaniwan itong nagsisimula sa mga melanocytes o cells na gumagawa ng pigment.

Karaniwang nabubuo ang melanoma sa cells o bahagi ng katawan na may mas naaarawan. Halimbawa, ang melanoma ay karaniwang nagsisimula sa likod para sa mga lalaki, sa mga binti para sa mga babae. Gayunpaman, sa mga bihirang kaso, ang melanoma ay maaari ding mabuo sa iba pang bahagi ng katawan at tissue, tulad ng mga mata o bibig.

Bagaman maaari itong mangyari sa sinuman sa anumang edad, kadalasang nagkakaroon ng melanoma ang mga taong may edad na 50 taong gulang pataas. Gayunpaman, kamakailan lamang, ang melanoma ay mas madalas na nangyayari sa mga teenager at young adult.

Maaaring magkaroon ng melanoma mula sa mga nunal o iba pang mga paglaki ng balat na naging malignant. Gayunpaman, karamihan sa mga kaso ng melanoma ay nagmumula sa mga bagong paglaki. Ang melanoma ay kadalasang makakaapekto lamang sa unang layer ng balat o sa epidermis. Kung ito ay lumalaki at nagiging mas makapal, ibig sabihin, ito ay kumakalat pababa sa iba pang mga layer, maaari itong kumalat sa ibang mga organ ng katawan.

Mga Uri ng Melanoma: Mga sanhi

Ang melanoma ay nangyayari kapag ang cells na gumagawa ng melanin sa balat ay hindi gumagana. Karaniwang nabubuo ang cells ng balat sa paraang tinutulak ng mga bagong cells ang mga lumang cells patungo sa ibabaw ng balat kung saan sila tuluyang nahuhulog.

Gayunpaman, kapag nasira ang ilang cells maaaring lumaki ang mga ito nang hindi mapigilan, na kalaunan ay magbubunga ng maraming cancerous na cells.

Hindi pa rin malinaw kung ano ang eksaktong nagiging sanhi ng pagkasira at malfunction ng mga bagong cell. Naniniwala ang mga doktor na ito ay isang kumbinasyon ng maraming mga kadahilanan kabilang ang genes ng isang tao, at isang labis na exposure sa mga sinag ng UV.

Isang malaking pinagmumulan ng UV rays ay ang araw. Naniniwala ang ilang doktor na ang sobrang pagbababad sa araw ay maaaring magdulot ng melanoma, lalo na kung ang uri ng iyong balat ay mas madaling kapitan o sensitibo. Gayunpaman, kung minsan ang melanoma ay maaaring pumunta sa loob ng katawan, halimbawa sa ilong o lalamunan.

Sintomas

Ang pagtuklas ng melanoma ay kadalasang kasangkot ng pagtuklas ng paglaki ng bagong nunal o pagkakita ng pagbabago sa isa sa mga nunal na mayroon ka. Mahalagang kumunsulta sa doktor kung makitang ang nunal ay:

  • Lumalaki
  • Nagbabagong hugis
  • Nagbabago ng kulay
  • Dumudugo
  • Nagiging crusty
  • Nagsisimulang kumati
  • Nagsisimulang maging masakit

‘ABCDE’ ng mga nunal: Pagtuklas ng mga uri ng melanoma

Kapag sinusubukang ibahin ang isang normal na nunal mula sa melanoma, laging tandaan ang ‘ABCDE’.

Asymmetrical

Karaniwang hindi regular ang hugis at may dalawang magkaibang halves.

Border

Nailalarawan ang melanoma sa pamamagitan ng kanilang tulis-tulis o bingot na dulo.

Color/Kulay

Hindi tulad ng isang normal na nunal, ang mga melanoma ay magkakaroon ng dalawa o higit pang mga kulay.

Diameter

May posibilidad ang melanoma na mas malaki kaysa sa 6mm.

Enlargement o elevation

Kung ang iyong nunal ay lumalaki o nagbabago ang hugis sa paglipas ng panahon, malaki ang posibilidad na sanhi ito ng melanoma.

Mga Uri ng Melanoma

Narito ang iba’t ibang uri ng melanoma:

Superficial at kumakalat na melanoma

Ito ay pinaka karaniwan sa mga taong may maputla at pekas na balat. Sa kabilang banda, ang ganitong uri ay mas malamang na matatagpuan sa mga taong may mas maitim na balat.

Ang ganitong uri ng melanoma ay hindi gaanong nagdudulot ng isang isyu dahil ito ay may posibilidad na lumaki palabas sa halip na pababa. Gayunpaman, kung ito ay lumalaki nang mas malalim sa iba pang mga layer ng balat maaari itong maging isang alalahanin.

Nodular melanoma

Ang ganitong uri ay karaniwang mabilis na lumalaki at maaaring kumalat nang mabilis sa iba pang mga layer ng balat. Lumilitaw ito bilang isang bukol na itim o pula ang kulay. Ang isang mahusay na paraan upang makita ang mga ito ay kung may napansin kang anumang pagdurugo o pag-agos mula sa bahaging iyon.

Lentigo maligna melanoma

Ang ganitong uri ay mas karaniwan sa mga matatandang tao. Maaaring dahan-dahang ma-develop ang melanoma sa paglipas ng mga taon. Parang pekas ngunit itim at kadalasang mas malaki ang sukat. Ito ay karaniwang matatagpuan sa mga bahagi na mas naaarawan tulad ng mukha. Karaniwang lumalaki ang lentigo maligna melanoma at kalaunan ay maaaring sa mas malalim na mga layer sa balat.

Acral lentiginous melanoma

Ito ay isang bihirang uri ng melanoma na kadalasang matatagpuan sa mga palad ng mga kamay o sa talampakan. Nakikita rin sila na nabubuo sa paligid ng mga kuko. Ang ganitong uri ng melanoma ay mas karaniwang nangyayari sa mga taong may mas maitim na balat.

Amelanotic melanoma

Mahirap makita ang ganitong uri ng melanoma dahil mayroon silang kaunti o walang kulay. Naobserbahan na maaari ito maging kulay-rosas o pula na may mapusyaw na kayumanggi o kulay-abo na mga gilid.

Paggamot ng mga uri ng melanoma

Depende sa kalubhaan ng kanser, ang operasyon ay ang pinakakaraniwang paggamot para sa melanoma. Kung ito ay kumalat o nag-metastasize sa ibang bahagi ng katawan gayunpaman, ang isang mas invasive na pamamaraan o immunotherapy ay maaaring imungkahi upang mapataas ang pag-asa na mabuhay.

Mahalagang Tandaan

Ang melanoma ay isang malubhang kanser sa balat. Mayroong ilang iba’t ibang uri ng melanoma, ang ilan sa mga ito ay mas laganap sa mga taong may partikular na kulay ng balat. Ang maagang pag-alam ng mga senyales at sintomas ng melanoma ay maaaring humantong sa mabilis na paggamot. Upang mabawasan ang panganib na magkaroon ng melanoma, dapat gumawa ng mga hakbang upang mabawasan ang exposure sa araw.

Matuto pa tungkol sa Kanser sa balat dito.

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot. 

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Kasalukuyang Version

06/30/2023

Isinulat ni Jerra Mae Dacara

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Bianchi Mendoza, R.N.


Kaugnay na Post

Gamot Sa Skin Cancer, Anu-ano Ba Ang Maaaring Pagpilian?


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Jerra Mae Dacara · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement