Maaaring mahirap ang pag-aalaga sa may cancer. Paano mo susuportahan ang mahal sa buhay na may cancer sa bawat stage nito? Alamin ‘yan dito.
Pag-aalaga sa may cancer na nasa stage 0 hanggang stage 1
Ang ibig sabihin ng stage 0 na kanser ay nananatili ang tumor sa lugar kung saan siya nabuo at hindi pa kumakalat sa kalapit na tissue.
Sa kabilang banda, ang ibig sabihin ng stage 1 na kanser ay maliit na ang tumor, at hindi pa tumutubo sa mga kalapit na tissue at hindi pa rin kumakalat sa mga kulani o sa iba pang bahagi ng katawan. Tinatawag ng mga doktor na stage 1 ang maagang stage ng kanser.
Mga Tip para sa mga tagapag-alaga
Ayon sa mga eksperto, malaki ang posibilidad na magamot ang kanser na nasa stage 0 hanggang 1. Ang pinaka karaniwang paggamot dito ay operasyon na nagtatanggal ng tumor. Maaari mong matulungan ang mahal mo sa buhay sa pamamagitan ng:
Iproseso muna ang iyong nararamdaman
Bago mo magawa ang pag-aalaga sa may kanser na mahal sa buhay, kailangan mo munang iproseso ang iyong nararamdaman. Maglaan ng sapat na oras upang makontrol ang iyong nararamdaman. Sa ganitong paraan, magagawa mong magpokus sa pasyente.
Aralin ang diagnosis
Bagaman may ilang mga pasyenteng kayang magkwento tungkol sa kanilang sakit, mayroon ding ibang nahihirapan na gawin ito. Kung sa tingin mo ay nahihirapan ang mahal mo sa buhay na pag-usapan ang tungkol sa kanyang kanser, subukang pag-aralan ito sa pamamagitan ng pagbabasa.
Gumawa ng mga plano
Karaniwang walang nakikitang sintomas sa mga pasyenteng may stage 0 at stage 1 na kanser na maaaring maging dahilan upang hindi nila magawa ang karaniwan nilang ginagawa. Kausapin ang pasyente tungkol sa mga nais nilang gawin. Kung may pahintulot ng doktor, gumawa ng mga plano para magawa ang mga aktibidad na ito bago o pagkatapos ng gamutan.
Samahan sila sa kanilang appointment sa doktor
At dahil mataas ang tsansang magamot ang stage 0 at 1 na kanser, maaaring magdesisyon ang pasyente na magpagamot na sa lalong madaling panahon. Sa pag-aalaga sa may kanser, suportahan siya sa pamamagitan ng pagsama sa kanya sa appointment sa doktor. Kung pumayag siya, samahan mo siya habang at matapos ang gamutan.
Pag-aalaga sa may cancer na nasa stage 2 o 3
Ang ibig sabihin ng stage 2 na kanser ay lumaki na ang tumor sa mga kalapit na tissue. Maaari ding mas malaki na ito at kumalat na sa kulani, ngunit hindi pa umaabot sa ibang bahagi ng katawan.
Ang stage 3 na kanser ay maaaring lumaki na ang tumor sa isang tiyak na sukat, at maaaring dumami na ito. Puwede ring kumalat na ito sa mga kulani. Sa ilang mga kaso, ang stage 3 na kanser ay maaaring “metastatic” na. Ibig sabihin, kumalat na ito sa kalapit na mga organ o tissue.
Mga Tip para sa mga tagapag-alaga
Maaaring makaramdam o hindi ang mga pasyenteng may stage 2 o 3 na kanser ng mga sintomas na makahahadlang sa kanilang pang-araw-araw na ginagawa. Dagdag pa sa mga payong ibinigay para sa stage 0 at 1 na kanser, maaari mo ring ibigay ang iyong suporta sa pamamagitan ng:
Itrato sila nang normal
Huwag mong hayaang maging hadlang sa inyong relasyon ang kalagayan ng iyong mahal sa buhay. Hangga’t maaari, gawing normal lang ang lahat sa pamamagitan ng pagtrato sa kanya gaya ng palagi mong ginagawa.
Suportahan sila habang nagpapagamot
Hindi tulad sa mga unang yugto ng kanser, maaaring hindi irekomenda ng doktor ang operasyon para sa stage 2 o 3 na kanser. Sa halip, maaari silang magbigay ng pagpipilian, gaya ng radiotherapy at chemotherapy upang mapaliit man lang ang tumor.
Suportahan ang iyong pamilya o kaibigan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanya habang nasa radiotherapy session o samahan siya sa appointment sa chemo. Dagdag pa, dahil maaaring magresulta sa masamang epekto ang gamutan dito, magbigay ng tulong sa pamamagitan ng paggawa ng gawaing bahay.
Pahintulutan ang kalungkutan
Sakaling hilingin ng pasyenteng pag-usapan ang kanyang masasamang karanasan at lungkot na nararamdaman, manatili sa kanyang tabi. Kung magalit siya, malungkot, o tumangging magpasama sa iyo, huwag mo itong personalin. Magbigay ng emotional ability, ngunit magtakda rin ng maayos na hangganan.
Pag-aalaga sa may cancer na nasa stage 4
Ang ibig sabihin ng stage 4 na kanser ay kumalat na ang tumor sa iba pang organ. Halimbawa, maaaring mayroon nang breast kanser ang pasyente. Ngunit kumalat na ito maging sa utak. Breast kanser pa rin ang tawag mo rito, ngunit kumalat (metastasized) na. Tinatawag ng mga doktor na advanced-stage o metastatic kanser ang stage 4 kanser
Mga Tip para sa mga tagapag-alaga
Maaaring magdulot ng maraming stress ang pagkakaroon ng advanced-stage ng kanser hindi lamang sa pasyente kundi maging sa mga tagapag-alaga. Sa pag-aalaga sa may kanser na stage 4, ibigay ang iyong suporta sa pamamagitan ng:
Huwag iisantabi ang iyong nararamdaman
Hayaan mong makaramdam ka ng sakit, lungkot, galit, pagtanggi, pagkagulat, at iba pang tulad nito.
Tiyaking palaging komportable ang pasyente
Bawasan ang stress ng pasyente sa pamamagitan ng pagtulong sa paghahanda ng kanyang makakain, panlinis, at maging sa sakit na kanyang nararamdaman. Tiyaking naiinom nila ang mga gamot sa tamang oras at aralin mo kung anong mga dapat gawin sakaling magkaroon ng emergency.
Palaging makipag-ugnayan sa healthcare team
Palaging makipag-ugnayan sa mga doktor. Bigyan sila ng regular na update sa kondisyon ng pasyente at sundin ng kasalukuyang plano sa pag-aalaga.
Unawain ang mga hiling ng iyong mahal sa buhay
Kung nais ng kapamilya mo o kaibigang ayusin ang pakikipagkita sa iba, tulungan siyang gawin ito. Nakabubuti sa pasyente ang pagrespeto sa kanyang mga desisyon dahil nabibigyan siya nito ng pagkakataon at pakiramdam na kontrolado niya ang ilang mga bagay.
Matuto pa tungkol sa Cancer dito.