backup og meta

Paano Ginagawa ang Biopsy at Para Saan Ito? Alamin Dito

Paano Ginagawa ang Biopsy at Para Saan Ito? Alamin Dito

Ang isang biopsy test ay tumutukoy sa pag-alis ng isang maliit na bahagi ng isang tisyu para sa medikal na pagsusuri sa isang laboratoryo. Karaniwang inirerekomenda ito para sa pagtukoy sa puno’t dulo ng mga medikal na kondisyon na nagpapakita sa pamamagitan ng mga impeksiyon at pamamaga. Hindi lamang nito sinusuri ang pagkakaroon ng isang pangkalusugang kondisyon, ngunit nakikita rin ang eksaktong lokasyon nito. Ang mga kondisyon na ito ay nag-iiba mula sa mild hanggang sa moderate, gayundin sa mga malalang kondisyon tulad ng kanser. Subalit, paano ginagawa ang biopsy?

paano ginagawa ang biopsy

Sa kaso ng mga pinaghihinalaang kanser, tinutukoy ng mga biopsy kung benign (non-malignant) o malignant ang paglaki ng tumor. Maaari rin itong mag-diagnose ng mga pagbabago sa mga tisyu, o suriin ang mga blood cells sa bone marrow. Mayroong iba’t ibang uri ng biopsy, depende sa iba’t ibang mga kadahilanan.

Ang ilan sa mga pangunahing salik na makatutulong sa pagtukoy ng uri ng biopsy na irerekomenda ay ang mga sumusunod:

  • Lokasyon ng mga tisyu
  • Laki ng sample na kakailanganin
  • Klase ng anestehsia na ibibigay (general o local anesthesia)
  • Kung ang kinakailangang biopsy procedure ay invasive o non-invasive

Ang isang biopsy test ay maaaring tumagal mula sa ilang minuto lamang, tulad ng sa kaso ng mga skin biopsy, hanggang sa ilang oras para sa mga invasive procedures.

Biopsy Test: Iba’t ibang Uri, Isang Paliwanag

Narito ang ilang uri ng mga biopsy test kasama ang pagpapaliwanag kung paano ginagawa ang biopsy para sa partikular na uri:

Skin biopsy test

Ang maliit na bahagi ng tissue ay tinatanggal mula sa isang pinaghihinalaang bahagi ng balat. Ito ay isinasagawa  at ginagamitan ng isang punch tool o scalpel.

Open biopsy test

Paano ginagawa ang biopsy sa uri na ito? Ito ay isang invasive procedure na nagsasangkot ng paggawa ng isang hiwa sa balat. Nakadepende ang lalim ng paghiwa sa pagiging kumplikado ng biopsy procedure at sa bahagi ng katawan kung saan ito isasagawa.

Fine-needle aspiration (FNA)

Ang manipis na karayom ang pinakaideya naman kung paano ginagawa ang biopsy na ito. Ito ay nakakabit sa isang syringe at ipinapasok sa isang organ, madalas sa tulong ng computed tomography (CT) o ultrasound. Maaari itong isagawa nang magkasama upang matiyak na ang karayom ​​ay naitusok sa tamang lugar. Ang ekspertong medikal na nagsasagawa ng biopsy test ay sumisipsip ng mga cell mula sa kinakailangang lokasyon at kinokolekta ang mga ito sa nakalakip na syringe.

Core biopsy

Ito ay kilala rin bilang core needle biopsy. Ang ganitong uri ng biopsy ay inirerekomenda kapag ang medikal na kondisyon ay pinaghihinalaang lumaganap pa sa ibang bahagi, kaysa sa mga cells lamang. Samakatuwid, nangangailangan ng mas malaking sample ng tisyu at hindi lamang ang mga cell ng apektadong lugar.

Endoscopy procedure

Ang invasive biopsy procedure na ito ay kinabibilangan ng pagpasa ng fiberoptic endoscope sa pamamagitan ng isang pagkahiwa, o kaya naman ay natural na orifice tulad ng bibig o rectum.

Ang medical equipment na ito, na may naka-install na camera sa dulo, ay nagbibigat sa ekspertong medikal ng malapit na pagobserba sa apektadong bahagi sa loob ng katawan. Kapag natukoy na ang mga abnormalidad at ang kalubhaan ng mga ito, aalisin ang isang maliit na tissue bilang sample.

Bone marrow biopsy

Paano ginagawa ang biopsy, naitanong mo? Para sa bone marrow aspiration, isang konti na dami ng aspiration o bone marrow fluid ang kinokolekta para sa karagdagang pag-aaral sa isang laboratoryo. Maaari rin itong sinamahan ng pagkuha ng mga solid tissues ng bone marrow, na kadalasang kinukuha mula sa likod ng mga buto ng balakang.

Ang karagdagang mga pagsusuri sa laboratoryo ay isinasagawa upang suriin ang pagkakaroon ng mga abnormal cells. Sinusuri rin ang laki, bilang, at maturity ng mga cell na ito.

Punch biopsy

Kinokolekta ang isang mas malalim na sample ng balat. Ito ay kinabibilangan ng lahat ng mga layer ng balat – mababaw na bahagi ng taba o subcutis, dermis, at epidermis.

Shave biopsy

Sa uri na ito, ang tuktok na layer ng balat ay inaahit habang ang pasyente ay nasa ilalim ng impluwensya ng local anesthesia. Ito ay epektibo sa pag-diagnose ng paglaganap ng kanser sa balat tulad ng:

  • Mga squamous cell skin cancers
  • Ilang basal cell cancer
  • Mga sugat sa balat

Reflectance confocal microscopy (RCM)

Sinusuri ng isang medical professional ang apektadong lugar nang hindi pinuputol ang mga layer ng balat bilang sample.

Paano Ginagawa ang Biopsy at Bakit Ito Isinasagawa?

Kinokolekta ng biopsy test ang maliliit na bahagi ng mga cell o tisyu mula sa isang lokasyon na pinaghihinalaang may impeksiyon o pamamaga o anuman abnormalidad. Ang mga cell o tisyu na nakolekta bilang mga sample ay ipinapadala sa isang laboratoryo para sa mikroskopikong pagsusuri.

Binabahiran ng kemikal ang cell o tisyu sample at pagkatapos ay pag-aaralan para sa pagkakaroon ng mga abnormalidad tulad ng mga paglaki ng cancer. Ang biopsy test ay maaari ring mag-diagnose ng uri ng kanser at gayundin kung ito ay nag-metastasize na. Ito ay nangangahulugang kumalat na ang cancer cells sa ibang bahagi ng katawan. Ang ilang mga uri ng biopsy ay maaari ring subaybayan ang mga genetic changes sa mga cell, na nagbibigay-daan sa mas mahusay at tukoy na paggamot.

Mga Prerequisites ng Biopsy Test

Ang proseso ng paghahanda para sa isang biopsy test ay nakadepende sa uri ng test na isasagawa. Halimbawa, sa kaso ng open biopsy procedure na mangangailangan ng pangangasiwa ng general anesthesia, ang pasyente ay kailangang mag-ayuno.  Ibig sabihin, kailangan niyang iwasan ang pagkain at pag-inom sa loob ng ilang oras bago ang nakatakdang oras para sa biopsy. Gagabayan ka ng iyong doktor tungkol sa bilang ng oras na kailangan mong mag-ayuno bago ang pagsusuri.

Para naman sa mga skin biopsy, hindi na nangangailangan ng fasting o pag-aayuno. Ngunit, sa kabilang banda, ang pag-inom ng mga laxative at enemas ay mahalaga para sa colonoscopy. Mahigpit na sundin ang payo ng iyong doktor tungkol sa mga ipinagbabawal gawin o mga gamot na dapat mong sundin bago ang biopsy test.

Ipaalam sa iyong doktor ang tungkol sa iyong history ng mga medikal kondisyon at ang mga gamot na kasalukuyan mong iniinom o nainom noong nakalipas na nakaraan.

Kasama sa mga gamot na ito ang mga OTC (over-the-counter) na gamot, mga prescription drugs, bitamina, supplements, at mga herbal. Gayundin, ipaliwanag sa kanila ang tungkol sa anumang history ng allergy. Mayroong ilang mga gamot na maaaring magbago sa katumpakan ng mga resulta ng biopsy test. Dahil dito, kailangang pansamantalang ihinto bago ang pagsusuri.

Resulta ng Biopsy

Oobserbahan ng pathologist sa laboratoryo ang nakolektang tisyu o cell sa ilalim ng mikroskopyo. Ang mga resulta ay makukuha sa loob ng 48 oras. Maipapahiwatig ng biopsy test ang eksaktong lokasyon ng impeksyon at ang lawak ng mga abnormalidad. Dagdag pa rito, ipinapahiwatig rin nito ang kondisyon na pinagbabatayan ng mga sintomas. Maaaring magreseta ang iyong doktor ng mga antibiotic na gamot at iba pang mga treatment, kung kinakailangan, batay sa mga resulta ng pagsusuri.

Kailan Ito Dapat Ulitin?

Karaniwang pinapayuhan ang mga pasyenteng may negative test result na magpatuloy sa pag-follow up sa doktor upang masubaybayan ang mga sintomas. Kailangang isagawa ang pag follow up isang beses bawat taon upang maalis ang panganib ng isang posibleng medikal na kondisyon o pag-ulit ng isang kondisyon.

Dapat din itong sundan ng isang repeat test, batay sa lawak ng panganib na ipinahiwatig sa pag follow up. Kung may lumabas na bagong sugat o kung ang ilang mga blood tests, tumor marker, o inflammatory marker ay nagpapakita ng mga positive test results, maaaring ipagawa muli ng mga doktor ang biopsy.

Paano Ginagawa ang Biopsy?

Kung tatanungin mo paano ginagawa ang biopsy, ito ay nakadepende sa iba’t ibang mga salik:

  • Uri ng biopsy test na inirerekomenda
  • Kung ito ay magiging invasive o non-invasive procedure
  • Kung ito ay mangangailangan ng local o general anesthesia 

Sa kaso ng needle biopsy, ang nauugnay na lokasyon kung saan ilalagay ang karayom ​​ay nagiging manhid at nililinis ng isang antiseptic solution. Ipinapasok at itinutusok ang isang sterile na karayom upang alisin ang mga tisyu o mga cell bilang sample.

Ang open biopsy naman ay isinasagawa sa ilalim ng general anesthesia. Ito rin ay nagsasangkot ng pagsasagawa ng surgical incision hanggang sa organ kung saan kailangang kolektahin ang tissue. Ito naman ay susundan ng direktang pagputol ng tisyu mula sa nauugnay na organ.

Para sa isang endoscopic biopsy, ang mga forceps ay ginagamit upang kurutin ang isang maliit na bahagi ng tisyu mula sa kinakailangang organ. Sa kaso ng skin biopsy, ang nauugnay na lokasyon ay nililinis at pinapamanhid ng isang antiseptic solution. Pagkatapos, ang isang scalpel ay ginagamit upang alisin ang isang maliit na bahagi ng tisyu. Susundan naman ito ng pagtatahi ng sugat.

Alamin ang iba pa tungkol sa Cancer Diagnosis and Management dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Biopsy https://www.health.harvard.edu/medical-tests-and-procedures/biopsy-a-to-z Accessed on 21/06/2020

Biopsies https://www.hopkinsmedicine.org/health/treatment-tests-and-therapies/biopsies Accessed on 21/06/2020

Biopsy https://www.hopkinsallchildrens.org/Patients-Families/Health-Library/HealthDocNew/Biopsy Accessed on 21/06/2020

Biopsy https://www.hopkinsmedicine.org/health/treatment-tests-and-therapies/biopsy Accessed on 21/06/2020

Biopsy https://pathology.jhu.edu/pancreas/pathology.php Accessed on 21/06/2020

What happens during a biopsy? https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK348942/ Accessed on 21/06/2020

Kasalukuyang Version

05/30/2023

Isinulat ni Fiel Tugade

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Regina Victoria Boyles


Mga Kaugnay na Post

Paano Nakatutulong Ang Ehersisyo Sa Pagpapababa Ng Tyansa Ng Pagkakaroon Ng Cancer?

Ano Ang Kanser At Bakit Maraming Takot Sa Sakit Na Ito?


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Fiel Tugade · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement