backup og meta

Alamin: Ano Nga Ba Ang Sanhi Ng Ovarian Cancer?

Alamin: Ano Nga Ba Ang Sanhi Ng Ovarian Cancer?

Maraming mga bagay ang maaaring maging sanhi ng ovarian cancer. At mahalagang maging malay ang mga kababaihan sa mga ito upang magawa nila ang mga kinakailangang hakbang upang mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng sakit na ito.

Ano Ang Posibleng Sanhi Ng Ovarian Cancer?

Ang tyansa ng pagkakaroon ng ovarian cancer ay nakadepende sa maraming mga salik, at hindi lamang sa nag-iisang sanhi nito. Kaya’t mainam na iwasan ang mga bagay na ito upang mapigilan ang pagkakaroon ng ganitong uri ng kanser.

Narito ang ilang posibleng sanhi ng ovarian cancer:

Pagbabago Sa DNA Ng Cell

Nadedebelop ang cells ng cancer dahil sa pagbabago sa DNA ng cell. Sa kaso ng ovarian cancer, ang mga pagbabagong ito ay nagsisimula sa mga obaryo. Sa paglipas ng panahon, dumarami ang cells ng cancer. At kung hindi ito magagamot, magsisimula itong kumalat sa buong katawan.

Dahil hindi pa ganap na napag-aaralan ang tungkol sa bagay na ito, maaaring maging mahirap ang pag-iwas upang mangyari ito. Ang pinakamainam na gawin ay ang manatiling malusog at sumailalim sa regular ng konsultasyon sa doktor.

Sa kasamaang palad, walang tiyak na mga alituntunin sa screening para sa ovarian cancer. Gayunpaman, maaari itong matuklasan batay sa mga sintomas at sa tests tulad ng transvaginal ultrasound o CA-125 blood test.

Family History Ng Ovarian Cancer

Ang ovarian cancer ay maaari ding maging namamanang sakit. Ibig sabihin, kung ikaw ay may malapit na kamag-anak na na-diagnose ng ovarian cancer, may posibilidad na marahil ay ma-diagnose ka rin ng sakit na ito.

Ito ay dahil ang ilang pagbabago sa genes na nagiging sanhi ng ovarian cancer ay maaaring maipasa, at maaari nitong mapataas ang tyansa ng pagkakaroon nito.

Ang pinakamainam na gawin kaugnay nito ay maging alerto sa anomang sintomas na iyong nararanasan. Gayundin, taunang sumailalim sa screening para sa kanser. Bagama’t hindi nito natatanggal ang tyansa ng pagkakaroon ng ovarian cancer, ang screening ay makatutulong upang maagang matuklasan at magamot ang sakit bago pa ito lumubha, o kumalat sa buong katawan.

Maagang Pagkakaroon Ng Regla At Late Menopause

Ang mga kababaihang maagang nagkaroon ng regla, maging ang mga huling nakaranas ng menopause ay mayroon ding mas mataas na tyansa ng pagkakaroon ng ovarian cancer.

Hindi pa ganap na napag-aaralan ang tungkol sa bagay na ito, subalit naniniwala ang mga mananaliksik na marahil ito ay may kinalaman sa exposure ng estrogen at sa bilang ng ovulations. Dahil ang mga kababaihan ay nagkakaroon ng pinakamaraming estrogen sa edad na maaari na silang magbuntis o sa kanilang fertile years, ang mga kababaihang maagang nagkaroon ng regla at huling nagsimulang makaranas ng menopause ay may mataas na tyansa ng pagkakaroon ng ovarian cancer.

Marahil ay mainam na kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa tyansa ng pagkakaroon ng ovarian cancer, gayundin ang mga hakbang na maaaring gawin upang maiwasan ito.

Estrogen Replacement Therapy

Para sa mga kababaihang nakararanas ng menopause, ang estrogen replacement therapy ay ang karaniwang gamutan na maaaring pagpilian. Karaniwan itong inirerekomenda ng mga doktor sa mga kababaihang nahihirapan sa mga nararanasan nilang sintomas ng menopause tulad ng hot flashes at panunuyo ng puke.

Gayunpaman, natuklasan ng mga mananaliksik na ang matagal na pagsasailalim sa estrogen replacement therapy ay nakapagpapataas ng tyansa ng kanser. Gayundin, kanilang nalaman na tumataas ang tyansa dahil sa mas mataas na dosage ng gamutan.

Kaya kung isinasaalang-alang mo ang gamutang ito, mahalagang alamin ang mga posibleng panganib. Subakang pag-isipan nang mabuti ang mga mabubuti at di mabubuting epekto ng estrogen replacement therapy bago sumang-ayon sa pagsasagawa nito.

Edad

At huli, ang edad ay isang salik sa usapin ng ovarian cancer. Kung mas matanda ang isang babae, mas mataas ang kanyang tyansa na magkaroon ng sakit na ito.

Sa katunayan, ang ovarian cancer ay lubhang bihira sa mga mas batang kababaihan. Karamihan sa mga kababaihang ay nagkakaroon ng ovarian cancer matapos nilang maranasan ang menopause. Dagdag pa, 50% ng mga naitalang kaso ng sakit na ito ay mga kababaihang nasa edad 63 at pataas.

Ibig sabihin, habang ikaw ay tumatanda, nagiging mas mahalaga ang pagsailalim sa cancer screening. Dapat ay taunang sumasailalim sa screening na ito upang malaman ang kasalukuyang kalagayan ng iyong kalusugan.

Key Takeaways

Ang pag-alam sa mga posibleng sanhi ng ovarian cancer ay mahalaga upang malaman ang iyong tyansa na magkaroon nito. Nakatutulong ito upang ikaw ay maging mas maingat sa iyong kalusugan. Gayundin, sa pamamagitan nito ay nakagagawa ka ng mga paraan upang mapababa tyansa ng pagkakaroon nito, o mga paraan upang hindi lumubha ang kondisyon.

Matuto pa tungkol sa Ovarian Cancer dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Ovarian cancer – Symptoms and causes – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/ovarian-cancer/symptoms-causes/syc-20375941, Accessed March 22, 2021

What Causes Ovarian Cancer | How Do You Get Ovarian Cancer, https://www.cancer.org/cancer/ovarian-cancer/causes-risks-prevention/what-causes.html, Accessed March 22, 2021

Basic Information About Ovarian Cancer | CDC, https://www.cdc.gov/cancer/ovarian/basic_info/, Accessed March 22, 2021

Risks and causes | Ovarian cancer | Cancer Research UK, https://www.cancerresearchuk.org/about-cancer/ovarian-cancer/risks-causes, Accessed March 22, 2021

Ovarian Cancer – Harvard Health, https://www.health.harvard.edu/a_to_z/ovarian-cancer-a-to-z, Accessed March 22, 2021

Kasalukuyang Version

10/04/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Vincent Sales


Kaugnay na Post

Anu-ano ang mga Hindi Napapansin na Senyales ng Ovarian Cancer?


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement