Ang pag-aalaga sa bahay ng mga pasyenteng may cancer ay maaaring maging napakahirap paminsan-minsan. Gayunpaman, napakasarap sa pakiramdam ang makapagbigay ng kalinga sa iyong mahal sa buhay.
Sa bahay, ang kadalasang pinaka caregiver ng may cancer ay ang kanyang karelasyon, magulang, o anak na matanda. Sa ibang mga kaso, ang mga malalapit na kaibigan ang nagsisilbing mga tagapag-alaga.
Ang mga caregiver ay may mahalagang gampanin sa paggaling mula sa cancer. Hindi lamang dahil tinitiyak nilang nagagawa ang gamutan, kundi nagbibigay rin sila ng emosyonal na suporta.
Mula sa paggawa ng mga araw-araw na gawain hanggang sa pagsisiguradong naiinom ng pasyente ang kanyang gamot, mas napadadali ng mga caregiver ng may cancer ang nakakapagod na paglalakbay tungo sa paggaling.
Marami ang nakaaalam na ang mga may cancer ay mas gumagaling sa bahay, kumpara sa matagal na pananatili sa ospital.
Mayroon ding tyansa na magkaroon ang pasyente ng hospital-borne infections tulad ng pneumonia. Ito ang dahilan kung bakit ang ilan sa mga pasyente ay mas pinipiling magpagaling sa bahay hangga’t maaari.
Emosyonal na suporta para sa mga pasyenteng may cancer: Isang gabay para sa mga caregiver ng may cancer
Pag-aalaga sa Bahay ng mga Pasyenteng may Cancer
Ang pag-aalaga sa bahay ng pasyenteng may cancer ay maaaring kinabibilang ng maraming gawain tulad ng mga sumusunod:
- Pagbibigay ng alagang medikal
- Pagtulong sa pinansyal na problema
- Pakikipag-usap sa kanilang doktor
- Emosyonal na suporta
- Paghahanda ng pagkain
- Pagtulong sa personal hygiene
- Para sa mga terminally ill na pasyente, pagsisiguradong komportable sila sa kanilang mga natitirang araw
Ang lahat ng ito ay maaaring nakakatakot. Subalit sa pamamagitan ng pagsunod sa mga payo sa ibaba, ang pag-aalaga sa bahay ng mga pasyenteng may cancer ay magiging mas madali.
Ilista ang mga araw-araw na gawain
Unang bagay na kailangan gawin ng caregiver ng may cancer ay ang ilista ang mga gawaing kailangang gawin sa buong araw.
Kabilang dito ang pagpapainom ng gamot sa pasyente, pagpapakain, pagpapaligo, at kung posible, maging ang paglabas ng bahay upang makalanghap ng sariwang hangin. Kasama rin ang pagpunta sa ospital upang magpakonsulta sa doktor o magpagamot.
Subukang ilista ang mga ito batay sa kahalagahan, at i-check ang bawat gawain kung tapos nang gawin.
Nakatutulong ito upang manatiling organisado ang mga gawain. Gayundin upang matiyak na naibibigay ang lahat ng alagang kailangan ng pasyente.
Huwag matakot na humingi ng tulong
Maaaring nakakapagod ang pag-aalaga ng isang mahal sa buhay na may cancer. Kaya mahalagang humingi ng tulong sa iyong pamilya o mga kaibigan.
Sa pamamagitan ng paghingi ng tulong, nababawasan ang stress na iyong nararamdaman, at nasisiguro mong naibibigay ang tamang pag-aalaga. Mahalaga rin ito upang ikaw ay magkaroon ng sapat na pahinga at makapagrelaks.
Manatiling positibo
Ang pananatiling positibo ay malaking tulong upang gumaling mula sa cancer. Dagdag pa, ang pananatiling positibo bilang caregiver ng may cancer ay nagbibigay ng kapanatagan ng loob sa pasyente at naiiwasan ang kalungkutan, kawalan ng pag-asa, at depresyon.
Marahil hindi madali ang manatiling positibo sa gitna ng mga bagay na mahihirap ikontrol. Ngunit ang mahalaga ay iyong sinusubukan.
Pagkontrol sa mga bagay-bagay
Kung ikaw ang pinaka caregiver ng may cancer, nasasaiyo ang pagkontrol sa mga bagay-bagay at ang pagbuo ng mga desisyon kung kinakailangan. Kung may iba pang caregivers, ikaw ang dapat magbigay ng mga gawain at responsibilidad sa bawat isa.
Ang paggawa ng iskedyul ng pagbabantay at ng mga gawain ay maaaring makatulong upang gawing organisado ang mga bagay-bagay. Nagagawa rin nitong mas madali ang pag-aalaga sa pasyente sa bahay.
Kung hindi mo maaalagaan ang pasyente, o kung may emergency, kailangang magkaroon ng plano kung sino ang pwedeng pumalit sa iyo kung kinakailangan.
Mahalagang isaalang-alang ang mga bagay na ito upang matiyak na naaalagaan nang mabuti ang pasyente.
Mahalaga ang paglilibang
Maglaan ng oras upang magrelaks at gumawa ng mga masasayang gawain. Pwedeng manood ng pelikula sa bahay, makinig ng mga kanta, maglaro, o gawin ang ilang nakasanayang gawain na maaari ding gawin ng pasyente.
Natutulong ito upang hindi mainip, at mapanatiling magaan ang kanilang pakiramdam sa kabila ng mahirap na kondisyon.
Ang mga ganitong uri ng gawain ay makabubuti rin sa kalusugang pangkaisipan ng caregiver. Ito ay nagsisilbing pahinga mula sa mga araw-araw na gawaing kailangan niyang gawin.
Matuto pa tungkol sa kanilang karamdaman
Huwag mag-alinlangang kausapin at magtanong sa doktor ng pasyente. Subukang maging maalam tungkol sa kanilang karamdaman, sa mga problemang maaaring mangyari, at sa mga dapat asahan.
Nakatutulong ito upang magkaroon ng mas maraming kaalaman kung ano ang pinagdaraanan ng pasyente at kung paano siya mas maaalagaan. Maaaring isulat ang mga ito at ibahagi sa iba pang caregivers.
Huwag kalimutang alagaan ang sarili
Napakahalaga ng pag-aalaga sa sarili. Maaaring lubos ang iyong pagsisikap upang maalagaan ang pasyente ngunit kailangan mo ring alagaan ang iyong sarili.
Magpahinga nang madalas, at siguraduhing may sapat na tulog. Ang pag-eehersisyo ay isa ring paraan ng pag-aalaga sa sarili, kaya subukang gawin ito kung kaya.
Isa pang bahagi ng pag-aalaga sa sarili ay ang pag-alam sa iyong mga limitasyon. Kung ikaw ay nakararamdam ng pagkapagod, maglaan ng oras upang magpahinga.
Ang pagwawalang-bahala sa sarili ay maaaring dahilan upang magkasakit, na maaaring mas makapagpahirap sa sitwasyon. Kaya siguraduhing malusog ang iyong isipan at katawan.
Laging maaaring humingi ng propesyonal na tulong
At huli, kung nahihirapan kang gawin ang lahat ng bagay nang ikaw lamang, maaari kang maghanap ng propesyonal na tulong.
Mahalagang tandaan na ang taong dapat kunin ay iyong mapagkakatiwalaan. Dapat ding alam niya ang mga paraan at siya ay may karanasan sa pag-aalaga ng taong may cancer.
Maaaring magandang ideya ang paghahanap ng referrals mula sa mga mapagkakatiwalaang kaibigan o kamag-anak upang masigurong ang tama ang makukuha mong tagapag-alaga.
Mahalaga ring gabayan sila kung paano alagaan ang pasyente. Ibigay rin ang iyong contact information, maging ng iyong mga kaibigan at pamilya, kung magkaroon man ng emergency.
Ang mga payong ito ay makatutulong upang mas maalagaan nang mabuti ang pasyenteng may cancer, at maibigay sa kaniya ang mas magandang kalidad ng buhay.














