Madalas nating marinig na ang mga kababaihan ay nagkakaroon ng cancer sa suso, obaryo, o maging sa cervix. Subalit ang tungkol sa endometrial cancer ay bihira nating marinig. Sa ikatlo at huling episode ng #HelloHealthHeroes series na kaugnay ng Pandaigdigang Araw ng Cancer, ibinahagi ng make-up artist at trainer na si Geraldine Gayoso Carlos ang kanyang sariling karanasan kung paano niya nilabanan ang cancer at endometrial hyperplasia with atypia. Subalit ano ang endometrial hyperplasia? Alamin sa artikulong ito.
Ano Ang Endometrial Hyperplasia?
Ang endometrial hyperplasia ay isang kondisyon kung saan ang endometrium — ang layer ng cells na nagbibigay ng lining sa uterus — ay hindi normal na lumalaki. Ito ay nauuri sa apat na iba’t ibang uri:
- Simple endometrial hyperplasia
- Complex endometrial hyperplasia
- Simple endometrial hyperplasia with atypia
- Complex endometrial hyperplasia with atypia
Ang bawat isa sa mga ito ay naiiba-iba batay sa kung gaano kalubha ang abnormalidad ng cells at kung ano ang tyansang lubha at maging cancer.
Ano Ang Endometrial hyperplasia? Kaugnayan Nito Sa PCOS
Sa edad na 18 taong gulang, si Geraldine ay na-diagnose na ng polycystic ovary syndrome o mas kilala bilang PCOS. Simula noon, siya ay sumasailalim na sa ilang gamutan tulad ng hormonal pills at contraceptive pills upang maging normal ang kanyang pagreregla. Gayunpaman, habang lumilipas ang panahon ay hindi niya naramdamang siya ay kakaiba kahit na nakararanas siya ng mabigat na daloy ng regla sa loob ng 21 araw kada buwan. May mga buwan ding ang kanyang regla ay lumalagpas sa 30 araw. Ito ang naging dahilan upang siya ay magpakonsulta sa obstetrician.
Sa pamamagitan ng transvaginal ultrasound, natuklasan ng kanyang doktor na siya ay makapal na lining ng endometrium na nagiging sanhi ng mabigat na daloy ng regla. Napansin din ng kanyang doktor na hindi normal ang haba ng kanyang pagreregla kada buwan kaya nagpasya itong sumailalim si Geraldine sa D&C procedure. Matapos malaman sa procedure na mayroon siyang polyps, sunod na isinagawa ang biopsy. Mula rito, kanilang natuklasang si Geraldine ay may endometrial hyperplasia with atypia. Ito ay isang uri ng endometrial hyperplasia na nagiging sanhi ng mas mataas na tyansa ng pagkakaroon ng endometrial cancer.
Ayon sa isang pag-aaral noong 2013, ang endometrial cancer ay 2.7 na beses na maaaring mas maranasan ng mga kababaihang may PCOS. Ang matagal na pagkakalantad ng endometrium sa mahinang estrogen dulot ng anovulation ay isang pangunahing salik upang tumaas ang tyansa na mangyari ito.