Batay sa Kagawaran ng Kalusugan, lahat ng mga babaeng may aktibidad ng pakikipagtalik ay may malaking tyansa na magkaroon ng cervical cancer. Sa kanilang datos, ikalawa ang kanser sa cervix sa mga karaniwang kanser ng mga kababaihan. Sa bawat taon ay nakapagtatala ang bansa natin ng libo-libong mga bagong kaso, paano nga ba maiiwasan ng kababaihan ang cervical cancer?
Paano maiiwasan ang cervical cancer?
Ang pangunahing paraan kung paano maiiwasan ang cervical cancer ay sa pamamagitan ng bakuna, bukod pa sa pagpa-pa-test, paghinto sa paninigarilyo, ligtas na pamamaraan ng pakikipagtalik, at pag-mo-modify ng ilan sa mga sanhi ng pagkakaroon nito. Talakayin natin ang ilan sa mga aspeto nito.
Magpabakuna
Ang pinakaepektibong paraan upang makaiwas ang mga kababaihan sa cervical cancer ay ang pagpapabakuna laban sa HPV. Ang HPV o human papillomavirus ay ang pinakakaraniwang sanhi ng cervical cancer sa mga kababaihan. Tingnan sa ibaba ang mga gabay para sa HPV vaccination.
Mga Gabay sa HPV Vaccine
- Ang HPV vaccine ay maaaring ibigay sa mga lalaki at babaeng hindi bababa sa 9 na taong gulang. Gayunpaman, ang karaniwang edad para sa bakuna ay 11 o 12 taong gulang. Ito ay bago pa sila maging sexually active.
- Para sa mga magpapabakuna bago pa ang kanilang ika-15 taong gulang, dalawa ang doses na mayroong 6 hanggang 12 buwan na pagitan.
- Para sa mga magpapabakuna pagkatapos ng kanilang ika-15 taong gulang, tatlo ang doses.
- Maaaring magpabakuna ang babae hanggang sa edad na 26. Ito ay kung ang bakuna ay kapakipakinabang.
- Kapag umabot na sa 27 taong gulang, maaaring mabawasan ang benepisyo ng bakuna dahil sa ilang mga dahilan tulad ng pagka-expose na ng babae sa iba’t ibang uri ng HPV.
- Ang kababaihang nasa edad na 27-45 ay maaaring kumonsulta sa kanilang doktor tungkol sa posibilidad na sila ay bakunahan.
Para maiwasan ng kababaihan ang cervical cancer, ang pagpapabakuna laban sa HPV ay napakahalaga. Gayunpaman, tandaan na ang bakuna ay makatutulong lamang sa pag-iwas sa mga kahaharaping impeksyon – hindi nito magagamot ang ganap na HPV impeksyon na nasa katawan na.
Screen para sa HPV at Cervical Cancer
Bukod sa pagpapabakuna, ang screening test ay makatutulong din sa pag-iwas sa cervical cancer. Mayroong dalawang uri ng test na makaka tulong makaiwas sa HPV impeksyon na tuluyang maging kanser sa cervix.
- HPV Test. Sa HPV testing, ang doktor ay kukuha ng mga sample cells galing sa cervix ng babae. Ibibigay ang sample sa laboratoryo upang tingnan kung may HPV strains na magdudulot ng cervical cancer. Karaniwan, ang pagkakaroon ng virus ay magiging sanhi ng pagbabago sa status ng cervical cells.
- Pap Smear. Ang Pap smear ay pareho lamang sa proseso ng HPV test, kukuha ng sample galing sa cervical cells ng babae. Ang pinagkaiba lamang ay hindi HPV ang hinahanap kundi ang abnormal na pagbabago ng cells o pre-cancer cells.
Mayroon din test na tinatawag na VIA o visual inspection with acetic acid. Sa test na ito, ang healthcare provider ay i-e-expose ang cervix sa diluted acetic acid o suka. Ang abnormal na cervical tissues ay pansamantalang magiging kulay puti kapag na-i-exposed sa suka. Ngunit ito ay hindi go-to test, lalo na kung mayroon namang HPV testing at Pap test.
Mga Gabay para sa HPV at Pap Smear
- Sa edad na 21, ang babae ay kinakailangang dumaan sa Pap smear batay sa sasabihin ng doktor.
- Kung ang resulta ay negatibo, maaaring humiling muli ang doktor sa isa pang Pap smear screening pagkalipas ng tatlong taon.
- Kapag ang babae ay umabot na sa 30 taong gulang, siya ay mayroong pagpipilian na: a) magkaroon ng Pap test kada tatlong taon, b) magkaroon ng HPV at Pap smear test kada limang taon, at c) magpa-HPV test kada limang taon.
- Pagkatuntong sa edad na 65, ang babaeng may sapat na screening at hindi mataas ang risk ay maaari nang huminto sa screening. Ang babaeng mayroong hysterectomy na tinanggal na ang kanyang cervix ay maaari na rin hindi magpatuloy sa screening, liban kung mayroong dating kaso ng high-grade precancerous lesions na nakita sa mga dating test.
Ligtas na Pamamaraan ng Pakikipagtalik
Dahil nakukuha ng kababaihan ang HPV sa pamamagitan ng pakikipagtalik, inirerekomenda ng mga eksperto na gumamit ng ligtas na pamamaraan ng pakikipagtalik. Ang babae ay maaaring:
- Manataling iisa lamang ang kapareha. Ipinakita sa mga pananaliksik na mas malaki ang tyansang magkaroon ng cervical cancer ang mga taong mayroong maraming kapareha sa pagtatalik.
- Gumamit ng condom sa penetrative na pakikipagtalik. Makatutulong ito upang mabawasan ang tyansang makakuha ng HPV ang babae.
- Tandaan na ang HPV virus ay hindi lamang naipapasa sa pamamagitan ng penetrative na pakikipagtalik. Maaaring makuha rin ng babae ito sa iba pang paraan tulad ng balat-sa-balat na pagdidikit ng mga ari, paggamit ng mga sex toy at oral, vaginal, at anal sex.
- Huli, kailangang umiwas sa pakikipagtalik sa taong may sintomas ng sexually transmitted infections, tulad ng genital warts.
Huminto sa Paninigarilyo
Isa sa maliit na bagay na magagawa ng babae upang makaiwas sa cervical cancer ay ang paghinto sa paninigarilyo. Naipakita sa mga pananaliksik na ang tabako ay maaaring makasira ng DNA ng cervical cells. Madodoble nito ang tyansa na maka-develop ng cancer sa cervix.
Dagdag pa rito, ang sigarilyo ay kilala sa tawag na “cancer sticks” dahil sa mas pagpapataas ng tyansa nito na magkaroon ng iba’t ibang uri ng kanser.
Subukang Baguhin ang mga Sanhi Nito
Kung titingnan, kahit HPV ang ang madalas na sanhi ng kanser sa cervix, mayroon pang ibang dahilan na nagiging sanhi sa pagtaas ng tyansa na magkaroon kanser ang babae. Ang sumusunod ay:
- Mababang nutrisyon
- Mahinang immune system
- Matagal na paggamit ng birth control pills
- Pagiging obese o sobra sa timbang
Ang magandang balita, ang mga dahilan na ito ay maaring mabago. Ibig sabihin lamang na maaaring bawasan, baguhin o iwasan ng babae ang mga ito.
Makaiiwas sa cervical cancer ang kababaihan kung:
- Sinisiguro na malusog at balanse ang nutrisyon niya.
- Aktibo sa mga paraan upang mapalakas ang pangangatawan, tulad ng regular na pag-e-ehersisyo at tamang diet.
- I-monitor kung normal ang Body Mass Index.
- Kumonsulta sa doktor kung siya ay gumagamit ng birth control pills sa mas pinalawig na panahon.
Mahalagang Tandaan
Ang HPV o human papillomavirus ay pangkaraniwang sakit. Batay sa mga eksperto, karamihan sa mga tao ay nagkakaroon ng isang uri ng HPV sa kanilang buhay. Ang magandang balita, hindi lahat ng uri nito ay maaaring maging sanhi ng cervical cancer.
Para makaiwas sa cervical cancer, ang kababaihan ay kinakailangang bakunado at may regular na screening. Bukod rito, kailangan din niyang tandaan na mahalaga ang pagkakaroon ng ligtas na pamamaraan ng pakikipagtalik, pag-iwas sa paninigarilyo, at pagbabago ng ilan sa mga gawi na nag sisilbing sanhi nito.
Matuto pa ng iba pang mga impormasyon tungkol sa kanser dito.