Maaaring magdulot ng iba’t ibang mga emosyon ang balitang ikaw ay may cervical cancer. Hindi biro ang buhay ng may cervical cancer dahil maaari kang makaramdam ng pagkatakot, pagkabalisa, at pagkatuliro. Maaari ka ring mawalan ng pag-asa na hindi ka na gagaling. Gayunpaman, ang pag-alam sa mga dapat asahan kung ikaw ay may cervical cancer ay makatutulong upang mabawasan ang iyong mga alalahanin.
Buhay ng may Cervical Cancer: Mga Dapat Asahan
Harapin ang iyong sakit
Sa buhay ng may cervical cancer, normal na maramdaman ang samu’t saring emosyon. Maaari itong maging nakamamatay na sakit. Ang paggamot nito ay maaaring maging mahirap na karanasan para sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay. Marami ang maaaring tumakbo sa iyong isipan kaya’t maaaring mahirap harapin ang anomang bagay. Ayos lang ang makaramdam ng ganito. At okay lang din kung hindi mo agad matanggap ang iyong sakit.
Subalit mahalagang malaman na sa lalong madaling panahon ay kailangan mong magtuon sa iyong gamutan at sa iyong pagpapagaling.
Kumpara sa ibang uri ng kanser, ang cervical cancer ay may mas mataas na survival rate, lalo na kung matuklasan sa maagang yugto. Sa mga maagang yugto ng kanser, ang limang taong survival rate ay nasa 92% sa pamamagitan ng gamutan. Kung ang sakit ay kumalat na sa ibang mga organo, bumababa ang survival rate sa halos 58%.
Nangangahulugan lamang ito na sa pamamagitan ng tamang gamutan, ang tyansa ng ganap na paggaling mula sa kanser ay bahagyang mataas.
Gamutan
Ang buhay ng may cervical cancer ay hindi madali dahil sasailalim ka sa maraming pagbabago sa iyong buhay. Isa na rito ay tungkol sa gamutang gagawin upang ikaw ay gumaling.
Kabilang sa gamutan para sa cervical cancer ay ang operasyong tinatawag na hysterectomy. Sa oprerasyong ito, tinatanggal ang ilang bahagi, o ang kumpletong cervix o matris. Ito ay depende sa pagkalat ng kanser sa iyong katawan. Para sa malilit na tumor, maaaring tanggalin lamang ng doktor ang maliit na bahagi ng iyong matris. At para sa malalaking tumor, ang mga apektadong organo ay maaaring kompletong tanggalin.
Dahil ang reproductive organs ay apektado, posibleng hindi ka na magkaroon ng anak matapos ang operasyon. Ito ay isa sa mga bagay na kinakailangan mong kaharapin.
Matapos ang operasyon, madalas na isinasagawa ang chemotherapy. Sa pamamagitan nito ay pinapatay ang mga natitirang cancer cells na maaaring hindi natanggal sa operasyon.
Maraming maaaring maging epekto ang chemotherapy. Kabilang dito ang pagkapagod, pagkalagas ng buhok, pagtatae, at panghihina ng immune system. Reresetahan ka ng iyong doktor ng mga gamot na maaaring makatutulong na maibsan ang mga epektong ito.
Buhay Matapos ang Gumaling mula sa Cervical Cancer
Kung tapos na ang mga gamutan at nawala na ang kanser, kailangan mo pa ring regular na magpakonsulta sa iyong doktor. Sa ganitong paraan ay mababantayan nila ang iyong paggaling, at matitiyak na hindi na babalik ang kanser.
Isang mahirap na bagay na harapin ay ang pag-aalala na maaaring bumalik ang kanser. Maaari itong mangyari kaya mahalagang sundin ang mga rekomendasyon ng doktor. Kung bumalik ang kanser, magpakonsulta sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang mas malubhang sitwasyon.
Ano ang Terminal Diagnosis?
Sa ibang mga kaso, maaaring terminal ang cervical cancer. Ibig sabihin, kahit na sumailalim sa gamutan, napakababa ng tyansa ng paggaling. Maaari lamang magbigay ang doktor ng kalkulasyon, kaya posibleng ikaw ay mabuhay nang mas mahaba kaysa sa inaasahan, o maaari ding ganap na gumaling pagkatapos.
Lubos na mahirap ang pagtanggap sa terminal diagnosis. Kaya naman mahalagang ayusin ang mga pag-aari, at siguraduhing maghanda sa anomang maaaring mangyari. Paligiran ang iyong sarili ng mga kaibigan, pamilya, at iba pang mahal sa buhay, dahil sila ang makapagbibigay ng suportang iyong kinakailangan sa ganitong panahon.














