backup og meta

Paano Nakatutulong Ang Ehersisyo Sa Pagpapababa Ng Tyansa Ng Pagkakaroon Ng Cancer?

Paano Nakatutulong Ang Ehersisyo Sa Pagpapababa Ng Tyansa Ng Pagkakaroon Ng Cancer?

Ang isang taong pisikal na aktibo ay may mas mababang tyansang magkaroon ng maraming uri ng cancer. Ngunit, paano mapabababa ang cancer risk sa pamamagitan ng pag-eehersisyo? Alamin dito.

Ang regular na ehersisyo ay nakapagpapababa ng cancer risk, ayon sa isang pag-aaral

Paano mapabababa ang cancer risk sa pamamagitan ng pag-eehersisyo? Ayon sa isang bagong pag-aaral na isinagawa ng National Cancer Institute, ang regular na ehersisyo ay nakapagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng maraming uri ng cancer.

Ang pananaliksik na ngayon ay nakalathala na sa JAMA Internal Medicine, at nagsuri ng 12 malawakang pag-aaral na may higit sa 1.4 milyong mga kalahok. Pagkatapos ay inipon ng mga mananaliksik ang mga detalye ng mga paksa, tulad ng kanilang pisikal na gawain at mga sakit na nagkaroon sila, na kinabilangan ng 190,000 mga kaso ng cancer.

Matapos ito, inihambing ng mga mananaliksik ang rates ng cancer ng mga kalahok sa level ng kanilang pagiging pisikal na aktibo. Natuklasang kompara sa mga hindi gaanong aktibong kalahok, ang mga pinakaaktibong kalahok ay may 7% hanggang 38% na mas mababang rate ng mga sumusunod na cancer:

  • Bato
  • Baga
  • Colon
  • Esophagus
  • Ulo
  • Leeg
  • Pantog
  • Rectum
  • Suso
  • Myeloma
  • Myeloid leukemia

Maraming mga eksperto ang naniniwala na ang pag-aaral na ito na maingat na isinagawang na may higit sa isang milyong kalahok ay sumusuporta sa teorya na ang pagsasagawa ng regular na ehersisyo ay nakapagpapababa ng cancer risk.

Bagama’t hindi nasagit ng pag-aaral ang tanong na paano mapabababa ang cancer risk sa pamamagitan ng ehersisyo, may ilang mga teorya ang mga eksperto sa medisina. Ayon sa kanila, ang pagiging pisikal na aktibo ay nakapagpapababa ng cancer risk dahil:

1. Kinokontrol nito ang hormonal levels

Isa sa mga posibleng dahilan kung bakit ang regular na ehersisyo ay nakagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng cancer ay ang pagkontrol nito sa produksyon ng hormones sa katawan.

Ang iIang hormones, kung naprodyus nang marami, ay nanghihikayat sa cells na dumami nang hindi makontrol. Ang hindi makontrol na pagdami ng cells ay humahantong sa muling pagkakaroon ng tumors.

Halimbawa, ang mataas na lebel ng hormone estrogen ay nagiging sanhi ng hindi kinakailangang pagdami ng cells ng suso, na maaaring magresulta sa cancer sa suso. Ang sobrang insulin ay maaari ding makapagpalaki ng tumor.

Ayon sa mga ulat, ang pagsasagawa ng regular na ehersisyo ay maaaring makapagpababa ng lebel ng estrogen at makapagpabuti ng pagiging sensitibo sa insulin.

2 . Pinapabuti nito ang pagdumi

Alam mo bang ang problema sa pagdumi ay maaaring makapagpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng colon cancer?

Habang tumatagal ang pananatili ng dumi sa large intestine, mas nalalantad ang digestive tract sa cancer-causing agents (carcinogens).

Ang pagiging pisikal na aktibo ay nakatutulong upang mabilis na mapunta ang dumi sa kahabaan ng colon, na nakapagpapababa ng pagkakalantad nito sa carcinogens.

3. Itinataguyod nito ang malusog na timbang

Nakatutulong ba ang pag-eehersisyo upang mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng cancer dahil sa itinataguyod nito ang malusog na timbang? Ayon sa mga eksperto, oo, nakapagpapababa ito ng tyansa ng pagkakaroon ng cancer.

Ipinahihiwatig ng ba’t ibang mga medikal na pag-aaral na ang labis na taba sa katawan ay maaaring makapagpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng cancer dahil naaapektuhan nito ang:

  • Inflammatory response ng katawan
  • Paglaki ng cell at daluyan ng dugo
  • Pag-survive ng isang cell nang mas matagal kaysa sa normal
  • Ang kakayahan ng cells na kumalat sa ibang bahagi ng katawan (metastasis)

[embed-health-tool-bmi]

Bukod pa rito, tinukoy ng American Cancer Society na ang labis na timbang ng katawan ay maaaring maging responsable sa humigit-kumulang 5% ng cancers sa mga kalalakihan at 11% sa mga kababaihan sa US lamang. Ang pagiging overweight at obese ay maaari ding maging responsable sa halos 7% ng pagkamatay ng dulot ng cancer.

Dahil ang ehersisyo ay nakatutulong sa pagtataguyod ng malusog na timbang, binigyang-diin ng mga doktor na maaari din nitong mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng cancer.

4. Pinapalakas nito ang resistensya

At huli, dahil ang ehersisyo ay nakapagpapalakas ng resistensya, maaari din nitong mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng cancer.

Sa isang research paper o pag-aaral na pinamagatang “Exercise could fortify the immune system against future cancers,” sinuri ng mga mananaliksik ang ugnayan sa pagitan ng pisikal na gawain at resistensya. Nakipagtulungan sila sa 16 na gumaling mula sa cancer, na lahat, maliban sa isa, kamakailan lamang ay natapos sa chemotherapy.

  • Sa simula ng klinikal na pag-aaral, kumuha sila ng samples ng dugo mula sa mga kalahok at sinuri ang lebel ng kanilang T cell.
  • Ang T cells ay espesyal na cells na may kakayahang labanan ang mga impeksyon pati na rin ang cancer cells.
  • Natukoy ng nakaraang trials na ang mga gumaling mula sa kanser ay kadalasang may “senescent” T cells. Ito ay nangangahulugang ang kanilang T cells ay hindi na kasing epektibo ng dati sa usapin ng paglaban sa mga impeksyon at cancer.

Ayon sa lider ng pag-aaral na si Laura Bilek, kung ang mga gumaling mula sa cancer ay maaaring makabuo ng populasyon ng isang malusog, may kakayahang T cells (naïve), mayroon silang mas magandang pagkakataon na muling magkaroon ng normal na resistensya at kakayahan sa paglaban sa cancer.

  • Upang malaman kung nakatutulong ang pag-eehersisyo sa pagbuo ng naïve T cell, sumailalim ang mga kalahok sa paga-aaral sa 12-linggong programa ng pag-eehersisyo.
  • Sa pagtatapos ng programa, ang mga mananaliksik ay muling kumuha ng set samples ng dugo mula sa mga kalahok ng pag-aaral upang makita kung may mga pagbabago sa kanilang T cells.
  • Nakakagulat, ang ratio sa pagitan ng senescent at naïve T cells ay nagbago nang panig sa karamihan ng survivors ng cancer — karamihan sa kanila ay nagkaroon ng mas naïve na T cells.

Sa mga resultang ito, iminungkahi ng pag-aaral na ang pag-eehersisyo ay maaaring makapagpaalis ng hindi nakatutulong na T cells at magbigay ng puwang para sa mas epektibo, naïve na variety. Makatutulong ito upang maiwasan ang mga ikalawang cancer sa mga gumaling na; maaari din nitong mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng cancer para sa mga hindi pa nagkakaroon nito.

Ano ang ibig sabihin ng pagiging pisikal na aktibo?

Ayon sa mga eksperto, hindi kailangang maging isang marathon runner upang matawag na “pisikal na aktibo.” Ang ideyang ito ay upang matiyak na nagsasagawa tayo ng 150 minuto ng moderate-intensity na ehersisyo o 75 minuto ng matitinding ehersisyo kada linggo. Matatamo ang lebel na ito ng pisikal na gawain sa pamamagitan ng paglalakad sa loob ng 30 minuto araw-araw sa loob ng 5 araw linggo-linggo.

Kung naghahanap ng mga paraan upang maibalik ang datin hugis ng katawan, maaaring basahin ang artikulong ito.

Key Takeaways

Paano mapabababa ang cancer risk sa pamamagitan ng pag-eehersisyo? Natuklasan ng mga pag-aaral na ang pisikal na gawain ay maaaring makapagpababa ng tyansa ng pagkakaroon ng cancer sa pamamagitan ng pagkontrol sa hormones, pagpapabuti ng pagdumi, pagtaguyod ng malusog na timbang, at pagpapalakas ng resistensya.

Matuto pa tungkol sa Cancer dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Does regular exercise reduce cancer risk? https://www.health.harvard.edu/exercise-and-fitness/does-regular-exercise-reduce-cancer-risk, Accessed November 6, 2020

Does Body Weight Affect Cancer Risk? https://www.cancer.org/cancer/cancer-causes/diet-physical-activity/body-weight-and-cancer-risk/effects.html, Accessed November 6, 2020

Exercise could fortify immune system against future cancers, https://www.sciencedaily.com/releases/2012/10/121010161843.htm, Accessed November 6, 2020

Be physically active, https://www.cancervic.org.au/preventing-cancer/be-physically-active, Accessed November 6, 2020

Exercise Linked With Lower Risk of 13 Types of Cancer, https://www.cancer.org/latest-news/exercise-linked-with-lower-risk-of-13-types-of-cancer.html, Accessed November 6, 2020

Physical Activity and Cancer, https://www.cancer.gov/about-cancer/causes-prevention/risk/obesity/physical-activity-fact-sheet, Accessed November 6, 2020

What are the benefits of exercise? https://www.cancerresearchuk.org/about-cancer/causes-of-cancer/physical-activity-and-cancer/what-are-the-benefits-of-exercise, Accessed November 6, 2020

Kasalukuyang Version

02/20/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Phytoestrogen at Cancer: Ano ang Koneksyon?

Ano Ang Kanser At Bakit Maraming Takot Sa Sakit Na Ito?


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement