Hindi maitatanggi na pambihira ang naging karanasan ng inang si Nichole Arnaldo. Ito ay dahil bukod sa kinakaharap niyang breast cancer, siya rin ay nag-aalaga ng kaniyang anak na mayroong congenital heart disorder o CHD. Ating alamin ang kaniyang naging karanasan at kung paano siya nananatiling malakas at puno ng pag-asa.
Kuwento ni Nichole na noong May 2024 ay mayroong nakapa na bukol sa kaniyang right breast habang sumasailalim sa medical examination. Dahil dito, nirekomenda ng doktor na siya ay magpa-breast ultrasound at mammogram, na agad na ginawa ni Nichole. Aniya, bilang isang nurse, alam niya ang halaga ng ganitong uri ng test para sa kanser. Matapos ang tatlong araw, dumating ang resulta at may posibilidad raw na malignant ang bukol sa kaniyang dibdib.
Dahil dito, nagdesisyon si Nichole na sumailalim sa biopsy para makumpirma kung mayroon nga siyang kanser. Nakahanap siya ng mahusay na oncosurgeon na nagsagawa ng procedure, at pagkatapos ng dalawang linggo, kumpirmadong mayroong kanser si Nichole.
Nag-request rin ang kaniyang surgeon ng genetic testing at nalaman na wala sa lahi ni Nichole ang cancer. Bukod dito, sumailalim rin siya sa PET-CT scan with IV contrast para mas madiagnose ng mas mabuti ang kaniyang kondisyon.
Naging motivation niya ang kaniyang paniniwala sa Panginoon
Matapos sabihin ng doktor ang resulta ng findings ay una raw niyang naisip ang kaniyang 4 na taong-gulang na anak na mayroon ring iniindang sakit, at pangalawa ay inalala niya ang gastusin sa kaniyang magiging cancer treatment. Dagdag pa ni Nichole na sinisi rin dawa niya ang kaniyang mga lifestyle choices para sa pagkakaroon ng kanser, dahil napag-alaman na wala sa lahi nila ang sakit. Aniya, “I was partly blaming myself, but then as the coming days comes through, talagang sabi ko there’s no point in blaming, there’s no point in looking back, ang iisipin ko na lang is what will do from now on.”
Nichole Arnaldo
Ayon kay Nichole ay naging malaki raw ang kaniyang pasasalamat na siya ay isang Christian. Ito ay dahil naging motivation ang kaniyang paniniwala sa Panginoon, at ito rin ang nagbigay sa kaniya ng pag-asa. “God’s Grace is sufficient enough that It gives me hope and It gives me strength,” aniya.
Dahil sa diagnosis, naging advocacy rin ni Nichole ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa breast cancer. Nakwento niya na kahit raw siya na isang registered nurse ay hindi pa rin sapat ang kaalaman tungkol sa breast cancer, kaya’t higit pa siguro ang kakulangan ng impormasyon sa mga taong wala sa medical field.
Ito raw ang naging dahilan kaya siya gumawa ng TikTok account; upang ibahagi ang kaniyang cancer journey at ang pang araw-araw niyang buhay bilang isang nanay na nag-aalaga ng batang mayroong complex disease.
Pinalaki niyo akong matapang, so please do not worry about me
Naibahagi ni Nichole na siya ay originally galing sa Iloilo, kung saan nakatira ang kaniyang mga magulang, pero siya ay kasalukuyang naka-base sa Maynila at nakatira kasama ang kaniyang mag-anak at in-laws. Nang dumating ang panahon para ibalita sa kaniyang magulang ang cancer diagnosis, sa video call na lang nila ito idinaan.
Naaalala pa raw ni Nichole ang gulat ng kaniyang magulang at tila parehas silang hindi makapaniwala na ang anak nila ay na-diagnose ng stage 4 breast cancer. Nang makita ni Nichole ang reaksyon ng mga magulang, sinabi niya sa kanila na “Pinalaki niyo akong matapang, so please, do not worry about me.” Iba rin daw ang hirap ng pagbibigay ng mabigat na balita sa kaniyang mga mahal sa buhay, lalo na at wala sila sa tabi niya.
Base daw sa research ni Nichole at mga sinasabi ng doktor sa kanya, incurable na raw o hindi nagagamot ang stage 4 breast cancer. Ang mga treatment daw at procedure ay ginagawa upang pahabain ang buhay, pabagalin ang pagkalat ng cancer, at para bawasan ang dindudulot nitong sakit. Ito rin ang dahilan kaya’t sinasabi niya sa kaniyang mga mahal sa buhay na huwag nang mag-alala sa kaniya, dahil tanggap na raw niya ang kaniyang sitwasyon.
Pambihira rin ang naging karanasan ng treatment ni Nichole, dahil aniya, wala raw siyang nagastos sa pagpapagamot. Malaki raw ang naging tulong ng mga benepisyo galing sa gobyerno, at nais niyang ipaalam sa mga tao na hindi dapat sila matakot o kaya mahiya na humingi ng tulong kung sila ay na-diagnose ng cancer.
Kamusta na ang buhay ni Nichole matapos ang diagnosis?
Sa kasalukuyan, nagtatrabaho pa rin bilang company nurse si Nichole. Bukod sa trabaho, kabilang din sa pang araw-araw na gawain ni Nichole ang pag-aalaga sa kanilang anak, at ang pagiging asawa. Nagbahagi rin siya ng dalawang Bible quotes na nakatutulong sa kanya matapos ng diagnosis ng stage 4 breast cancer.
Una dito ay ang Colossians chapter 3 verses 2 to 6: “Set your minds on things above, not on earthly things.” Ito raw ay nakatulong upang matanggap niya ang kaniyang sitwasyon, at sinasabihan rin niya ang kaniyang asawa at mga kamag-anak na kahit ano pa ang mangyari, handa siya rito. Kung ano raw ang maging nais ng Panginoon para sa kaniya, basta’t nakikita ng ibang tao ang layunin ng Panginoon sa buhay niya, masaya raw siya doon.
Ang pangalawang verse na nais niyang ibahagi ay ang Matthew chapter 6 verse 34: “Do not worry about tomorrow for tomorrow will worry about itself. Each day has enough trouble of its own.” Nakatulong raw ito kay Nichole upang mabuhay na one day at a time. Ayaw daw niya masyado isipin ang hinaharap dahil nagdudulot lang ito sa kaniya ng stress. Nagtitiwala lang siya sa Panginoon at araw-araw na siya ay bumabangon ay humihingi siya ng gabay at karunungan para lahat ng kaniyang gawain ay nasa tama.
Dagdag pa ni Nichole na matapos ang lahat ay wala pa rin siyang pinagbago. Siya pa rin ang matapang at malakas na only daughter ng kaniyang mga magulang at aniya: “I’m still strong because of God’s Grace. He’s enabling me to be strong, because he continuously sustains me.”