Karamihan sa mga tao ay nakarinig na ang terminong “kahina-hinalang bukol” na may kaugnayan sa mga resulta ng chest X-ray. Ngunit, angkop din ba ang terminong ito kapag pinag-uusapan ang tungkol sa breast cancer? Alamin sa artikulong ito ang tungkol sa kahina-hinalang bukol sa suso at breast cancer.
Mga Uri Ng Tissue Sa Suso Ng Tao
Ang suso ng tao ay binubuo ng tatlong uri ng tissues:
- Fibrous tissue, ito ang nagpapanatili ng tissue ng suso sa lugar nito.
- Glandular tissue, binubuo ito ng lobes na gumagawa ng gatas at ducts na nagdadala ng gatas palabas ng suso.
- Fatty tissue, nagbibigay sa dibdib ng laki at hugis habang pinupuno nito ang puwang sa pagitan ng fibrous at glandular tissue.
Tandaan: Ang fibrous at glandular tissue ay parehong tinutukoy bilang fibroglandular tissue.
Ano Ang Kahulugan Ng Pagkakaroon Ng Siksik Na Suso?
Kung isasaalang-alang ang mga uri ng tissue sa suso, ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng siksik na suso?
Maaaring malaman ng isang babae ang densidad o pagiging siksik ng kanyang suso sa pamamagitan ng mammogram test. Karaniwan, ang densidad ng dibdib ay tumutukoy sa bilang ng fibroglandular tissue kumpara sa fat tissue. Kung mas marami kang fibroglandular tissue, mas siksik ang iyong suso.
Sa mammograph, iniuuri ng doktor ang mga suso sa isa sa mga kategoryang ito:
- Mga suso na binubuo lamang ng fats
- May ilang mga nakakalat na densidad sa buong suso
- Mga suso na pantay ang densidad
- Mga suso na sobra ang densidad
Ang unang dalawang kategorya ay tinatawag na matabang suso, may mababang densidad, o hindi siksik na suso. Ang huling dalawang kategorya, sa kabilang banda, ay inilarawan bilang may mataas na densidad o siksik na suso.
May Kaugnayan Ba Ang Density Ng Suso Sa Breast Cancer?
Maaaring isipin ng iba na ang pagkakaroon ng isang siksik na dibdib ay mabuti. Marami ang nag-iisip na ang fatty tissue ay hindi mabuti sa kalusugan. Gayunpaman, hindi iyon ang kaso sa usapin ng mga suso.
Kapag nakita ng mga doktor ang siksik na suso sa mammogram, maaaring hindi nila sabihin ang terminong “kahina-hinalang bukol sa suso,” ngunit imumungkahi nilang maging maingat. Ang siksik na suso ay maaaring nakakabahala dahil:
- Napatataas nito ang posibilidad na magkaroon ng breast cancer, bagama’t hindi sigurado ang mga eksperto kung paano.
- Maaari nitong “itago” o “i-mask” ang breast cancer. Nangangahulugang kung mayroong kang breast cancer, maaari itong hindi matuklasan agad sa mammograph dahil sa pagkakaroon ng siksik na suso.
Nakikita ang fatty tissues sa resulta ng mammogram bilang mga itim na hugis. Ang fibroglandular tissue, sa kabilang banda, ay nakikita bilang mga puting densidad — tulad ng isang tumor.
Sino Ang Maaaring Magkaroon Ng Siksik Na Suso?
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung bakit ang ilang mga kababaihan ay may mas siksik na suso kaysa sa iba. Gayunpaman, ayon sa mga eksperto, ang mga sumusunod ay maaaring mga mapapanganib na salik sa pagkakaroon ng lubhang siksik na suso:
- Edad. Ang densidad ng suso ay bumababa habang nagkakaedad.
- Body Mass Index. Ang mga kababaihang may mas mababang BMI ay may posibilidad na magkaroon ng siksik na suso kaysa sa mga kababaihang obese.
- Hormone replacement therapy. Ang mga kababaihang menopausal na tumatanggap ng HRT upang tugunan ang mga sintomas ng kanilang menopause ay maaaring magkaroon ng mas siksik na suso.
[embed-health-tool-bmi]
Kailan Dapat Mabahala Sa Pagkakaroon Ng Breast Cancer
Mammogram lamang ang maaaring maka-detect ng “kahina-hinalang bukol sa suso.” Sa pagsapit ng edad na 40, komunsulta sa doktor para sa mammograph.
Depende sa mga mapapanganib na salik, maaari ipagpaliban ang mammogram hanggang sa sumapit sa edad 45 o 50 bago gawin ang pagsusuri. Ang mga resulta ang magdidikta kung gaano kadalas kailangang sumailalim sa pagsusuri o kung kailangan pa ng karagdagang pagsusuri (tulad ng kung may siksik na suso).
Maging alerto sa mga sintomas na ito at pumunta kaagad sa doktor kung napansin ang alinman sa mga ito:
- May bukol sa suso na hindi masakit, matigas, o hindi regular ang hugis.
- Mga pagbabago sa balat, tulad ng dimpling at pamumula o scaling sa utong o sa palibot na balat ng suso.
- Pagkapal ng dibdib (isang tanda ng siksik na tissue)
- Discharge sa utong maliban sa gatas ng ina — maaaring dugo, nana, o malinaw na fluid.
- Siyempre, kung nakararanas ng anomang sakit o hindi komportableng pakiramdam, pinakamahusay na magpatingin kaagad sa isang medikal na propesyonal.
Key Takeaways
Hindi ito tatawagin ng mga doktor na “kahina-hinalang bukol sa suso” ngunit ang pagkakaroon ng siksik na suso ay maaaring magpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng breast cancer o makapagtago ng isang tumor. Kung nakararanas ng mga pagbabago sa suso, huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa healthcare provider.
Matuto pa tungkol sa Breast Cancer dito.