Ang breast cancer, bagaman isang napakaseryosong sakit, ay isa sa mga kanser na ganap na nalulunasan, lalo na kung malalaman nang maaga. Maaaring malaman ang uri ng cancer na ito sa pamamagitan ng pag-oobserba sa mga pangunahing sintomas. Higit itong nakukumpirma sa pamamagitan ng laboratory test para sa breast cancer.
Istatistika ng Breast Cancer sa Pilipinas
Sa Pilipinas, ang breast cancer ang nangungunang kanser ng kababaihan. Noong 2018, naitala ang 25,000 mga bagong kaso ng breast cancer, na katumbas ng humigit 30% ng mga bagong kaso ng kanser sa mga babae. Madalas na babae ang tinatamaan ng breast cancer, bagaman maaari ding mangyari ito sa mga lalaki. Gayunpaman, bihirang magkaroon nito ang mga lalaki.
Bagaman mataas ang posibilidad na gumaling mula sa breast cancer, mahalaga pa ring malaman kung mayroon ka nito nang maaga. Makatutulong ang pageeksamen ng sarili at lab test para sa breast cancer.
Sa isang pag-aaral, napag-alamang kung ang cancer ay nasa breast o suso lamang, 99% ang 5 taong survival rate ng babae. Ngunit dahil may ilang sintomas ito na lumilitaw lamang kapag naglaon, hinihikayat ang mga nasa hustong gulang na mga babae na maging pamilyar sa kanilang suso at sumailalim sa pagsuri ng sarili at laboratory tests para sa breast cancer.
Ano ang Breast Self-Examination?
Ang breast self-examination ay isang simpleng pamamaraan na puwedeng gawin ng mga babae upang malaman kung may anumang kakaiba sa kanilang mga suso. Puwede nilang tingnan kung may bukol, dimpling 0 pagkabaon ng balat sa may suso, kahina-hinalang discharge, o anumang pisikal na pagbabago sa breast tissue o nipple.
Bagaman maaaring benign ang sanhi ng bukol, makatutulong ang pagiging pamilyar sa iyong suso upang matukoy ang mga senyales na may kaugnayan sa breast cancer.
Ayon sa Johns Hopkins Medical, 40% na kaso ng breast cancer ay natukoy ng mga babae habang nagsasagawa ng breast self-examination.
Paano Mo Gagawin ang mga Breast Self-Exam?
Inirerekomendang magsagawa ng regular na breast self-examination, isang beses sa isang buwan. Ngunit maaari mo pa ring gawin ang self-examination nang ilang beses mo gusto. Ang pinakamagandang panahon para suriin ang iyong suso ay 3 – 5 araw matapos ang inyong regla. Sa panahong ito, hindi gaanong malambot at mabukol ang iyong suso.
Normal lang na makaramdam ng mga bukol at pangangapal ng suso. Maaari itong magbago o lumitaw at mawala sa kabuoang takbo ng iyong menstrual cycle habang tumatanda. Mahalagang gawin nang palagian ang pag-check sa iyong mga suso upang maunawaan kung ano ang “normal” na hitsura at pakiramdam nito.
Upang matulungan ka, puwede mong isulat sa journal ang iyong mga obserbasyon. Ilista kung saan mo madalas maramdaman ang mga bukol. Pagdating sa breast self-examination at laboratory test para sa breast cancer, malaki ang maitutulong ng pagiging detalyado at tiyak upang makagawa ang doktor ng mas akmang pagsusuri at treatment plan para sa iyo.
Ano ang mga Senyales na Dapat Kong Bantayan?
Magkakaiba ang bawat suso ng babae. Magkakaiba ito ng laki at hugis, na maaaring magbago kapag tumanda. Mahalagang maging pamilyar sa kung ano ang normal at tipikal sa iyong mga suso.
Layunin ng breast self-examination na tingnan ang mga sumusunod na abnormalidad at iregularidad:
- Matigas na bukol o kulani
- Pagkapal ng breast tissue
- Pagbabago sa texture at contour ng suso
- Lumulubog ang nipple o utong
- May kahina-hinalang discharge mula sa nipple
- Mainit-init kung hawakan at naiiba sa iba pang nakapalibot na bahagi ng suso
- Pamamaga
- Pananakit at pangangati
Maaaring lumitaw at mawala ang mga bukol sa paglipas ng iyong mentrual cycle, lalo na kung nag-o-ovulate ka pa. Kumonsulta sa doktor kung nakararanas ka ng anumang sintomas na nais mong patingnan.
Self-Exams at Laboratory Test para sa Breast Cancer
Paano ko gagawin ang breast self-exam?
Madaling gawin ang self-examination para sa suso, at ilang minuto lamang ang kailangan. Puwede mo itong gawin habang nasa kama o pagkatapos maligo, kung kailan ka higit na komportable.
Sa kama, habang nakahiga
Kapag nakahiga, ilagay ang iyong kanang braso sa ibabaw ng iyong ulo na naka-flat sa kama. Saka gumamit ng tatlong daliri mula sa kaliwang kamay upang dahan-dahang ipisil sa kanang suso. Gamit ang pads ng iyong mga daliri, gumawa ng pabilog na paggalaw sa paligid ng suso at kilikili. Gumamit ng magaan, medyo madiin, at madiin na pressure upang makapa ang pangangapal ng balat at mga bukol. Tingnan kung mayroong discharge kapag piniga mo ang iyong nipple. Gawin naman ito sa kabilang suso.
Sa Shower
Itaas ang kanang braso at ilagay ito sa likod ng iyong ulo. Gamit ang tatlong daliri ng iyong kaliwang kamay, gumawa ng pabilog na pagkapa sa mga suso at kilikili. Gawin din ito sa kabila. Kapain kung mayroong anumang abnormalidad sa balat, at huwag kalimutang suriin ang iyong nipple kung mayroong abnormal discharge.
Ipinapayo ring gawin ang self-examination sa harap ng salamin upang makatulong sa iyong makita ang mga lugar na maaari mong malagpasan. Kung may napapansin kang abnormalidad na nagpapatuloy, kumonsulta sa doktor.
Bakit Mahalaga ang mga Laboratory Test para sa Breast Cancer?
Habang mahalaga ang ginagampanan ng breast self-examination sa maagang pagtuklas ng breast cancer, kailangan din ng opisyal na medical laboratory test para sa breast cancer upang matukoy at magamot ang kondisyong ito. Magkakaroon ng positibong kahihinatnan ang breast self-examination at laboratory test para sa breast cancer kung maisasagawa ito nang tama at maisasama sa treatment plan.
Fine Needle Aspiration Biopsy
Ang Fine Needle Aspiration Biopsy (FNAB) ay isang uri ng biopsy procedure. Gumagamit ito ng maliit na needle aspiration upang kumuha ng sample tissue mula sa inaakalang masa mula sa mga suso. Ipinapadala ang sample na ito sa laboratory test kung saan tutukuyin kung ang mga cell nito ay benign o cancerous. Makatutulong din ang biopsy upang malaman kung anong stage na ng breast cancer. Isa itong mabilis, walang sakit, at outpatient procedure na hindi kinakailangan ng anesthesia. Isa ito sa mas pinipiling pamamaraan dahil mataas ang accuracy nito.
Whole Tumor Biopsy
Kung hindi makapagbibigay ang aspiration ng mga impormasyong kailangan ng doktor upang makumpirma ang breast cancer, maaaring kailanganin ang whole tumor biopsy. Ang pagtatanggal ng tumor ay ginagabayan ng ultrasound scans, at kadalasang ginagawa gamit ang local anesthesia ngunit hindi na kailangang maospital.
Cytology
Habang ang FNAB at whole tumor biopsy ay mga paraan upang makakolekta ng cells, ang cytology naman ang masinsinang eksaminasyon ng mga cell na ito. Paraan ito upang makakuha ng mas maraming impormasyon tungkol sa mga cell.
Ginagamit para sa screening at diagnosing, gumagamit ang cytology ng sample cells na tinanggal mula sa apektadong suso upang tingnan kung ang mga cell ay normal o nagpapakita na ng mga senyales ng cancer.
Makapagbibigay ito ng mas maraming impormasyon tungkol sa estrogen receptors at iba pang salik na tumutulong na masuri ang sakit.
Bukod sa breast self-examination at laboratory test para sa breast cancer, marami pang ibang diagnostic procedures na nagagamit upang matukoy ang cancer. Maaari itong hilingin ng iyong doktor upang masuri ang iyong kondisyon.
Key Takeaways
Mahalaga ang maagang pagtukoy sa sakit gamit ang mga breast self-examination at laboratory test para sa breast cancer, lalo na sa pagpapataas ng survival rate ng pasyente. Pinakamataas ang posibilidad na malunasan ang breast cancer kung magagamot sa simula pa lamang. Makatutulong ang breast self-examination at laboratory test para sa breast cancer upang makita ang mga abnormalidad at maging ang hindi pa nakikitang mga sintomas.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng kababaihan dito.