backup og meta

Batang may Kanser, Paano ang Wastong Pag-alaga?

Batang may Kanser, Paano ang Wastong Pag-alaga?

Para sa sinumang magulang, ang pag-aalaga sa isang batang may kanser ay nakakatakot. Maaaring nakakasakit sa puso makita ang sarili mong anak na nahihirapan sa mga epekto ng gamot, lalo na ang epekto ng kanser sa kanilang katawan.

Ito ang dahilan kung bakit mahalagang malaman ng mga magulang kung ano ang maaari nilang gawin upang matulungan ang kanilang anak na harapin ang kanilang kalagayan. Sa pamamagitan ng pagpaplano nang maaga at pag-alam kung ano ang aasahan, maaari kang magbigay ng pinakamahusay na posibleng pangangalaga para sa iyong anak hanggang sa sila ay gumaling.

Pag-aalaga sa isang batang may kanser: Mga mahahalagang bagay na dapat tandaan

Kahit na ang mga bata at matatanda ay maaaring magkaroon ng kanser, ang mga paraan ng paggamot para sa mga bata at matatanda ay maaaring ibang-iba. Ang pangangalaga ay maaari ding depende sa kung gaano kalala ang kanser. Ito ay depende rin sa kung anong uri ng kanser ang mayroon ang sila. Bilang karagdagan, ang mga bata ay maaari ding magkaroon ng mga emosyonal na pangangailangan na dapat isaalang-alang pagdating sa pagbibigay sa kanila ng wastong pangangalaga.

Narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat tandaan:

Ipaliwanag ang sitwasyon sa abot ng iyong makakaya sa iyong anak

Ang pag-alam na ang iyong anak ay may kanser ay maaaring maging isang nakalilito at mahirap na kaganapan para sa iyo bilang isang magulang. Ngunit isipin kung gaano ito kahirap para sa iyong anak. Ito ang dahilan kung bakit isang mahalagang aspeto ng pag-aalaga sa isang batang may kanser ay ang pagpapaalam sa iyong anak ang tungkol sa kanyang sitwasyon.

Maging bukas tungkol dito sa iyong anak at kausapin sila tungkol sa kanilang sitwasyon. Ipaalam sa kanila ang tungkol sa diagnosis, at tiyakin sa kanila na gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya upang matiyak na gagaling sila.

Magandang ideya din na ipaliwanag sa kanila kung anong paggamot ang gagawin, at kung ano ang mga posibleng epekto nito. Ang pagkakaroon ng ganitong pag-uusap sa iyong anak ay makakatulong sa kanila na makayanan nang mas mahusay ang kanilang sitwasyon. Ito ay magpapagaan sa kanilang pakiramdam dahil alam mong nandyan ka para pangalagaan sila sa bawat hakbang.

Alamin kung paano i-manage ang mga side effect ng paggamot

Habang dumadaan ang iyong anak sa paggamot tulad ng chemotherapy, radiotherapy, at immunotherapy, maaari silang makaranas ng ilang side effect. Maaaring kabilang dito ang pananakit, pagkapagod, paglagas ng buhok. Kabilang din dito ang anemya, pagduduwal, pagkawala ng gana sa pagkain, paghina ng resistensya, atbp.

Pagdating sa pag-aalaga sa isang batang may kanser, mahalagang maging handa para sa mga side effect na ito. Makakatulong ang mga doktor ng iyong anak na gabayan ka sa kung ano ang maaari mong gawin upang gumaan ang pakiramdam ng iyong anak. Kaya’t siguraduhing magtanong at huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa kanila kung kailangan mo ng tulong.

Gawin ang mga kinakailangang hakbang upang maiwasan ang mga impeksyon

Ang mga impeksyon ay isang seryosong alalahanin pagdating sa pangangalaga sa mga batang may kanser. Ang mga normal na sakit tulad ng karaniwang sipon, trangkaso, at iba pang mga impeksyon ay maaaring maging lubhang mapanganib para sa isang bata na sumasailalim sa paggamot sa kanser.

Ito ay dahil ang paggamot sa kanser ay maaaring magpahina sa kanilang resistensya. Ito ang nagiging dahilan upang sila ay mas madaling maapektuhan ng impeksyon. Ang mga magulang at tagapag-alaga ay kailangang magsagawa ng wastong kalinisan. Kailangan na magsuot ng mga face mask, at tiyaking panatilihing malusog ang kanilang sarili at walang impeksyon. Sa ganitong paraan, mababawasan ang posibilidad ng impeksyon.

Patuloy na makipag-ugnayan sa kanilang mga doktor

Ang isa pang bagay na dapat tandaan kapag nag-aalaga ng isang batang may kanser ay ang patuloy na pakikipag-usap sa kanilang mga doktor. Sa ganitong paraan, malalaman mo ang tungkol sa pag-unlad ng kalusugan ng iyong anak. Maaari ka ring magsabi nang madalas tungkol sa kondisyon ng iyong anak sa kanilang mga doktor.

Bukod dito, ang pag-alam na ang mga doktor ng iyong anak ay madaling matawagan ay makakapagbigay sa iyo ng kaunting kapayapaan ng isip.

Huwag pabayaan ang iyong sariling kalusugan at kagalingan

Panghuli, bilang pangunahing tagapag-alaga ng iyong anak, mahalagang unahin din ang iyong sariling kalusugan at kapakanan. Kung nakakaramdam ka ng pagod o sobrang pagkapagod, huwag matakot na magpahinga o humingi ng tulong.

Walang kahihiyan kung ikaw ay nahihirapan at nangangailangan ng propesyonal na tulong. Huwag kalimutan na upang maibigay ang pinakamahusay na pangangalaga para sa iyong anak, kailangan mo ring maging malusog.

Kaya siguraduhing makakuha ng sapat na pahinga, kumain ng tamang uri ng pagkain, at magpahinga sa tuwing ikaw ay sobrang napapagod.

Gawin ang mga kinakailangang hakbang upang bumuo ng isang sistema ng suporta para matulungan ka sa mapanghamong paglalakbay na ito.

Matuto pa tungkol sa kanser dito.

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Caring for Children with Cancer, https://www.cancer.org/latest-news/caring-for-children-with-cancer.html, Accessed June 24

Caring for Children With Cancer | CDCF PCI, https://www.preventcancerinfections.org/sites/default/files/tips/Caring%20for%20Children%20With%20Cancer.pdf, Accessed June 24

Caring for a Child with Cancer: The Experience of the “Lone” Parent, and Why it Matters, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC6279564/, Accessed June 24

Accommodating Children with Cancer in Child Care or School – HealthyChildren.org, https://www.healthychildren.org/English/health-issues/conditions/cancer/Pages/Children-with-Cancer-in-Child-Care-or-School.aspx, Accessed June 24

Caring for a Terminally Ill Child | Cancer.Net, https://www.cancer.net/navigating-cancer-care/advanced-cancer/caring-terminally-ill-child, Accessed June 24

SciELO – Brazil – Taking care of children with cancer: evaluation of the caregivers’ burden and quality of life Taking care of children with cancer: evaluation of the caregivers’ burden and quality of life, https://www.scielo.br/j/rlae/a/BnyT7CmvcYkTmdv3hwyYDnL/?lang=en, Accessed June 24

Kasalukuyang Version

07/23/2022

Isinulat ni Jerra Mae Dacara

Narebyung medikal ni Jaiem Maranan, RN MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Paano Nakatutulong Ang Ehersisyo Sa Pagpapababa Ng Tyansa Ng Pagkakaroon Ng Cancer?

Ano Ang Kanser At Bakit Maraming Takot Sa Sakit Na Ito?


Narebyung medikal ni

Jaiem Maranan, RN MD

General Practitioner


Isinulat ni Jerra Mae Dacara · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement