backup og meta

Premium

Ano Ang Kanser At Bakit Maraming Takot Sa Sakit Na Ito?

Ano Ang Kanser At Bakit Maraming Takot  Sa Sakit Na Ito?

Sa Estados Unidos ang kanser ang pangalawa sa nangungunang sanhi ng kamatayan, pagkatapos ng sakit sa puso noong 2020, at ayon pa sa datos na mula sa Center for Disease Control and Prevention nagkaroon ng 602,350 na pagkamatay dahil sa kanser; 284,619 sa mga babae at 317,731 sa mga lalaki.

Bukod pa rito, maraming kaso ng cancer ang hindi agad nada-diagnose na dahilan para hindi makakuha ng angkop na paggamot ang isang tao. Sa malubhang kaso, maaaring mauwi sa kamatayan ang pagkakaroon ng cancer. Kaya para sa iba sobrang nakakatakot at stressful ang pagkakaroon ng sakit na ito.

Gayunpaman, ang pag-alam kung ano ang dapat asahan sa kondisyon na ito— mula sa diagnosis hanggang sa recovery. Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa kanser ay maaaring makatulong sa’yo na maiwasan, harapin at mapangalagaan ang sarili. 

Kaya naman narito ang general overview tungkol sa cancer, mga sintomas na dapat mong bantayan, risk factors, paano ang isinasagawa ang pag-diagnose, mga paggamot, post-treatment care, at paano maiiwasan ang sakit na ito.

Pag-unawa sa kanser

Ayon sa Johns Hopkins Medicine ang normal at malusog na cells ay nahahati upang palitan ang mga nawala at sirang cells. Gayunpaman ang patuloy at walang hintong pagmu-multiply ng cells ay hindi normal. Dahil maaari silang tumubo sa kalapit na tissue o kumalat sa malalayong bahagi ng katawan ng tao— at mauwi sa pagkakaroon ng cancer.

Ang cancer ay isang abnormal na paglaki ng cells na karaniwang nagmula rin sa isang abnormal na cell. Kadalasan ang mga cells na ito ay nawawalan ng normal control mechanism— at patuloy na dumarami at sumalakay sa mga kalapit na tissue, nagmi-migrate sa malalayong bahagi ng katawan, at nagtataguyod ng paglaki ng mga bagong daluyan ng dugo— kung saan ang mga cell ay kumukuha ng mga sustansya. 

Ayon din sa mga pag-aaral at iba’t ibang artikulo ang kanser ay isang “large group of diseases” na may isang bagay na karaniwan: Nangyayari ang lahat kapag ang mga normal cells ay naging cancerous cells na dumarami at kumakalat. Maaari itong magresulta sa mga tumor, pinsala sa immune system, at iba pang kapansanan na maaaring nakamamatay.

Sanhi ng cancer

Batay sa article mula sa National Cancer Institute, ang kanser ay isang genetic na sakit na sanhi ng mga pagbabago sa genes na kumokontrol sa paraan ng paggana ng calls— lalo na kung paano sila lumalaki at naghahati.

Maaaring maganap ang genetic changes na nagdudulot ng cancer dahil sa mga sumusunod:

  • error na nangyayari habang naghahati ang mga cell;
  • pinsala sa DNA na dulot ng mga mapaminsalang sangkap sa kapaligiran, tulad ng mga kemikal sa usok ng tabako at ultraviolet ray mula sa araw; at
  • namana sa magulang

Karaniwang inaalis ng katawan ang mga cells na may nasirang DNA bago sila maging kanser. Ngunit ang kakayahan ng katawan na gawin ito ay bumababa habang tayo ay tumatanda. Dagdag pa rito, ang cancer sa bawat tao ay may natatanging kumbinasyon ng genetic changes. Habang patuloy na lumalaki ang cancer, magaganap ang mga karagdagang pagbabago. 

Sintomas ng kanser

Batay sa article mula sa Cleveland Clinic, ang kanser ay isang komplikadong sakit. Maaari kang magkaroon ng kanser sa loob ng maraming taon nang hindi nagkakaroon ng mga sintomas. Bukod pa rito, may mga pagkakataon pa na ang kanser ay maaaring magdulot ng mga kapansin-pansing sintomas na mabilis na lumalala. 

Ang ilan rin sa mga sintomas ng cancer ay katulad rin ng iba pang mga sakit. Kaya naman ang pagkakaroon ng ilang mga sintomas ng kanser ay hindi nangangahulugan na may cancer ang isang tao. Sa pangkalahatan, mas maganda na makipag-usap sa isang healthcare provider anumang oras na may pagbabago sa’yong katawan na tumatagal ng higit sa dalawang linggo.

Dagdag pa rito, ayon sa Mayo Clinic ang mga sintomas na dulot ng kanser ay mag-iiba depende sa kung anong bahagi ng katawan ang apektado. Narito ang ilang mga pangkalahatang palatandaan na nauugnay sa cancer:

  • fatigue
  • bukol na maaaring maramdaman sa ilalim ng balat
  • mga pagbabago sa timbang, kabilang ang hindi intensyon na pagbaba at pagtaas ng timbang
  • mga pagbabago sa balat, tulad ng paninilaw, pangingitim o pamumula ng balat, mga sugat na hindi gumagaling, o mga pagbabago sa mga umiiral na nunal
  • mga pagbabago sa bowel at bladder habits
  • patuloy na ubo o kahirapan sa paghinga
  • kahirapan sa paglunok
  • pamamaos
  • patuloy na hindi pagkatunaw ng pagkain o discomfort pagkatapos kumain
  • patuloy at hindi maipaliwanag na pananakit ng kalamnan o kasukasuan
  • patuloy at hindi maipaliwanag na lagnat o pagpapawis sa gabi
  • hindi maipaliwanag na pagdurugo o pasa

Risk factors ng cancer

Bagama’t may mga factor na maaaring magpapataas ng iyong panganib ng kanser, ang karamihan sa mga cancer ay nagaganap sa mga taong walang anumang risk factors. Gayunpaman may mga risk factors pa rin na pwedeng magpataas ng iyong tsansa pagkakaroon ng cancer. Narito ang mga sumusunod:

  • Edad

Ang kanser ay maaaring tumagal ng ilang dekada bago ma-develop— at ito ang dahilan kung bakit karamihan sa mga taong nasuri na may cancer ay nasa edad na 65 o mas matanda pa. Gayunoaman kahit mas karaniwan ang cancer sa matatanda, ang sakit na ito ay hindi lamang para sa kanila dahil maaaring magkaroon ng cancer ang anumang edad.

  • Habits

Ang lifestyle choices ay nagpapataas rin ng panganib ng kanser. Kung saan ang paninigarilyo, sobrang exposure sa araw o madalas na blistering sunburn, pagiging obese, at pagkakaroon ng hindi ligtas na pakikipag-sex ay maaaring mag-ambag sa kanser.

  • Family history

Ayon muli sa Mayo Clinic, maaaring mamana ang cancer— lalo na kung madalas magkaroon nito ang inyong pamilya. Dahil posibleng ang mutations ay naipapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod. Gayunpaman ang pagkakaroon ng minanang genetic mutation ay hindi nangangahulugang na magkakaroon ka ng cancer.

  • Health conditions

Ang ilang mga malalang kondisyon sa kalusugan, gaya ng ulcerative colitis ay maaaring magpataas ng panganib na magkaroon ng ilang partikular na kanser. 

  • Environment

Ang kapaligiran na mayroon ka ay maaaring magpataas ng risk ng cancer—- lalo na kun expose ka sa mga nakakapinsalang kemikal na nakapagpapataas ng panganib ng kanser. Huwag mong kakalimutan na ang mga kemikal sa bahay o lugar ng trabaho, gaya ng asbestos at benzene ay nauugnay sa mas mataas na panganib ng cancer.

Pag-diagnose sa cancer

Tandaan mo na dapat kang magpa-appointment sa doktor kung mayroon kang anumang patuloy na mga sintomas ng cancer. Kung wala ka namang anumang mga palatandaan o sintomas, ngunit may pag-aalala ka tungkol sa’yong panganib ng pagkakaroon ng kanser, huwag kang mahiya na talakayin ang lahat ng ito sa’yong doktor. Magtanong ka tungkol sa mga screening test at pamamaraan na angkop para sa iyo.

Narito ang mga paraan na ginagawa sa pag-diagnose ng cancer ayon sa Mayo Clinic:

  • Physical Exam

Ang mga bukol sa katawan ng tao ay maaaring magpahiwatig ng kanser. Kaya naman maaaring isagawa sa pasyente ang physical exam para sa pag-diagnose ng cancer. Sa panahon physical exam, maaaring maghanap ang iyong doktor ng mga abnormalidad, tulad ng mga pagbabago sa kulay ng balat o paglaki ng isang organ na maaaring magpahiwatig ng kanser.

  • Laboratory test

Ang laboratory test tulad ng mga pagsusuri sa ihi at dugo ay maaaring makatulong sa na matukoy ng doktor ang mga abnormalidad na pwedeng sanhi ng kanser. 

  • Imaging tests

Ang imaging test ay nagbibigay-daan sa doktor para suriin ang mga buto at internal organs ng pasyente sa noninvasive na paraan. Maaaring kabilang sa imaging test na ginagamit sa pag-diagnose ng cancer ang computerized tomography (CT) scan, bone scan, magnetic resonance imaging (MRI), positron emission tomography (PET) scan, ultrasound at X-ray, bukod sa iba pa.

  • Biopsy

Sa biopsy ang iyong doktor ay nangongolekta ng sample ng mga cell para sa pagsusuri sa laboratory. Tandaan mo na mayroong ilang mga paraan ng pagkolekta ng mga sample na nakadepende sa uri ng kanser at lokasyon nito. Sa karamihan ng mga sitwasyon, ang biopsy ay ang tanging paraan upang tiyak na masuri ang cancer.

Bukod pa rito, ayon muli sa Mayo Clinic, sa laboratory tinitingnan ng doktor ang mga sample ng cell sa microscope. Ang normal cells ay mukhang pare-pareho na may magkakatulad na laki at maayos na organisasyon. Habang ang cancer cells ay mukhang hindi gaanong maayos na may iba’t ibang laki at walang maliwanag na organisasyon.

Paggamot sa kanser

Narito naman ang paggamot sa cancer na pwedeng isagawa ayon sa Cleveland Clinic:

  • Chemotherapy
  • Radiation therapy
  • Surgery
  • Hormone therapy
  • Biological response modifier therapy
  • Immunotherapy para sa cancer
  • Targeted therapy sa cancer
  • Bone marrow transplant

Tandaan mo rin na ang healthcare providers ay maaaring gumamit ng iba’t ibang paggamot, kung minsan ay pinagsasama ang mga paggamot batay sa sitwasyon ng pasyente.

Post-treatment care

Maaaring nakakatakot at nakakapagod ang diagnosis at paggamot ng cancer— at kahit gumaling na ang isang tao sa sakit na ito, kailanganpa rin nilang matutunan kung paano mabuhay bilang survivor ng cancer.

Narito ang ilan sa mga mga post-treatment care para sa mga survivor ng cancer:

  • mag-ehersisyo
  • kumain ng balanseng diyeta
  • panatilihin ang isang malusog na timbang
  • kumuha ng magandang kalidad ng tulog
  • bawasan ang stress
  • iwasan ang tabako
  • limitahan ang dami ng alak na iniinom
  • kumuha ng mga screening test at pumunta sa mga regular na check-up

Ang post-treatment care na nabanggit ay maaari ring gamitin at isagawa upang maiwasan ang cancer sa hinaharap.

Payo ng mga doktor

Sa kasalukuyan, marami na ang paggamot na pwedeng gawin upang harapin ang kanser. Ang pagpapakonsulta sa doktor ay makakatulong para magkaroon ka ng early detection ng sakit, makakuha ng medical advice, diagnosis, at angkop na treatment sa iyong kasalukuyang health condition.

Bagama’t nakakatakot para sa karamihan ang pagkakaroon ng cancer, tandaan na marami na ang naka-survive sa sakit na ito— at nabuhay pa ng matagal. Kaya naman ipinapayo ng mga eksperto na sa oras na ma-diagnose ka na may cancer o ang mga taong malapit sa iyo, huwag mag-atubili na humingi ng medikal na atensyon. Dahil ang pagpapagamot sa sakit ay isang mahusay na hakbang para gumaling sa cancer.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

How To Diagnose Cancer? https://www.cancer.gov/about-cancer/diagnosis-staging/diagnosis Accessed April 5, 2023

What Is Cancer? https://www.cancer.gov/about-cancer/understanding/what-is-cancer#:~:text=Cancer%20is%20a%20disease%20caused,are%20also%20called%20genetic%20changes. Accessed April 5, 2023

Overview of Cancer, https://www.msdmanuals.com/home/cancer/overview-of-cancer/overview-of-cancer Accessed April 5, 2023

Overview of Cancer, https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/cancer Accessed April 5, 2023

Cancer — an overview, https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/29952494/ Accessed April 5, 2023

Cancer, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/12194-cancer Accessed April 5, 2023

Risk of Dying from Cancer Continues to Drop at an Accelerated Pace, https://www.cancer.org/research/acs-research-news/facts-and-figures-2022.html#:~:text=Cancer%20continues%20to%20be%20the,about%201%2C670%20deaths%20a%20day. Accessed April 5, 2023

An Update on Cancer Deaths in the United States, https://www.cdc.gov/cancer/dcpc/research/update-on-cancer-deaths/index.htm Accessed April 5, 2023

Cancer, https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/cancer Accessed April 5, 2023

Cancer, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cancer/symptoms-causes/syc-20370588 Accessed April 5, 2023

Diagnosis, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cancer/diagnosis-treatment/drc-20370594 Accessed April 5, 2023

8 Ways to Stay Healthy Beyond Cancer, https://siteman.wustl.edu/prevention/8-ways/8-ways-to-stay-healthy-after-cancer/ Accessed April 5, 2023

 

Kasalukuyang Version

05/27/2023

Isinulat ni Lornalyn Austria

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Mae Antalan, MD


Mga Kaugnay na Post

Alamin Dito Kung Ano Ang Puwedeng Gamot Para Sa Prostate Cancer

Ano Ang Dapat Asahan Sa Stage 4 Pancreatic Cancer?


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Lornalyn Austria · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement