Hindi maitatanggi na marami ang madalas na nakararanas ng sakit sa ulo. Maaaring iba’t-ibang uri o dahilan. Ang iba ay maaaring magkaroon ng simpleng pananakit ng ulo buhat ng panahon. Ngunit marami ang nagsasabi na pwede itong maibsan sa pamamagitan ng partikular na mga pagkain. Ating alamin kung ano-ano ang mga pagkain para sa masakit ang ulo sa artikulong ito.
Pag-unawa sa Iba’t-ibang Uri ng Sakit ng Ulo
Bago talakayin ang iba’t-ibang mga pagkain para sa masakit ang ulo, unawain muna nating maigi kung bakit nakararanas ang mga tao ng pagsakit ng ulo, maging ang iba’t-ibang uri nito.
Ang pananakit ng ulo ay isa sa mga pinakakaraniwang kondisyon sa mundo. Ito ay tumutukoy sa pananakit o kakulangan sa ginhawa sa ulo, anit, o leeg. Ilan sa mga karaniwang nag-trigger ng tension headache o migraine ay kinabibilangan ng:
- Paginom ng alak
- Mga pagbabago sa mga pattern ng pagkain o pagtulog
- Depresyon
- Emosyonal na stress na maaaring maiugnay sa pamilya at mga kaibigan, trabaho o paaralan
- Sobrang paggamit ng gamot
- Pananakit ng mata, leeg o likod na dulot ng hindi magandang postura
- Ilaw
- Ingay
- Mga pagbabago sa panahon
Mayroong higit sa 150 mga uri ng sakit ng ulo. Nahahati sila sa dalawang pangunahing kategorya: pangunahin (primary headache) at pangalawang sakit ng ulo (secondary headache).
Primary Headache
Ang mga primary headache ay ang pananakit ng ulo na hindi sanhi ng isa pang medikal na kondisyon. Kasama sa kategorya ang mga sumusunod:
- Cluster headaches
- Migraine
- New daily persistent headaches
- Tension headaches
Secondary Headache
Sa kabilang banda naman, ang secondary headache ay tumutukoy sa pananakit ng ulo buhat ng isa pang medikal na kondisyon, tulad ng mga sumusunod:
- Sakit ng mga daluyan ng dugo sa utak
- Sugat sa ulo
- Mataas na presyon ng dugo (hypertension)
- Impeksyon
- Sobrang paggamit ng gamot
- Baradong ilong (sinus congestion)
- Trauma
- Tumor
Karamihan sa mga taong nakararanas ng pananakit ng ulo ay bumubuti ang pakiramdam sa pamamagitan ng paggawa ng mga pagbabago sa pamumuhay, pag-aaral ng mga paraan upang makapagpahinga, at kung minsan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot, at pagkain para sa masakit ang ulo.
Ano-ano ang mga Pagkain Para sa Masakit ang Ulo?
Lingid sa kaalaman ng iba, ang pagkain at pag-inom ng ilang bagay ay nakatutulong sa pag-iwas ng atake ng sakit ng ulo o migraine.
Ang ilang mga pagkain ay nagtataglay ng maraming bitamina, mineral, at maging mga fatty acids. Narito ang ilang mga paagkain para sa masakit ang ulo na maaari mong idagdag sa iyong diyeta:
Mga pagkaing may mataas na magnesium content
Ayon sa isang pananaliksik na isinagawa nina Kandil et al. noong nakaraang taon, ang magnesium ay maaaring mag-alok ng migraine relief. Natuklasan din ng ilang mga pag-aaral na maraming mga taong may migraine ang may mababang antas ng magnesium sa utak. Ito ay ayon sa Association of Migraine Disorders. Kabilang sa mga pagkaing mayaman sa magnesium ang dark leafy green vegetables tulad ng spinach at Swiss chard, avocado, at tuna. Maraming mga taong may migraine ang kumukuha ng mga magnesium supplements bilang karagdagan sa kanilang mga gamot sa migraine
Mga pagkaing nagtataglay ng omega-3 fatty acids
Napagalaman sa isang pag-aaral na ang pagtaas ng omega-3 fatty acid sa pagkain ay maaring makatulong sa taong may migraine. Ang mga isda tulad ng mackerel at salmon, maging mga seeds at legumes ay mayaman sa naturang nutrisyon.
Mga ketogenic na pagkain
Maaaring hindi ito para sa lahat, ngunit ipinapakita ng pananaliksik na ang keto diet ay maaaring makatulong na mabawasan ang pag-atake ng migraine. Ito ay nangangahulugan na ang mga pagkain para sa masakit ang ulo at mababa sa carbohydrates at mataas sa taba, tulad ng seafood, non-starchy na gulay, at itlog. Gayunpaman, kailangang pa rin mag-ingat at kumusulta sa iyong mga doktor marahil ang ilang mga keto-friendly na pagkain ay maaaring mag-trigger din naman ng pag-atake ng migraine, o di kaya naman ay hypertension.
Mga herbal na tsaa
Bukod sa mga pagkain para sa masakit ang ulo, ang pag-inom ng tsaa ay nakatutulong sa hydration na maaaring makapawi ng pananakit ng ulo. Dagdag pa rito, natuklasan ng isang pag-aaral na inilathala noong 2019 sa International Journal of Preventive Medicine na ang isang patak ng diluted na peppermint oil na tumulo sa ilong ay epektibo sa pagpapababa ng tindi ng pananakit ng ulo na dulot ng migraine sa halos 42% ng mga kalahok na sumubok nito. Isang pag-aaral din noong 2014 sa 100 taong may acute migraine na walang aura ang nagpatunay na ang isang simpleng ginger tea ay nagpababa ng kalubhaan ng migraine sa mga taong umiinom nito.
Key Takeaways
May mga pagkakataon na bigla-bigla na lang sumasakit ang ating ulo dahil sa ‘di malamang dahilan. Sa mga ganitong pagkakataon, maaaring tugunan natin ito sa pamamagitan ng pag-inom at pagkain para sa masakit ang ulo upang maibsan ang bigat at kalubhaan ng nararamdaman.
Alamin ang iba pa tungkol sa Sakit ng Ulo at Migraines dito.